-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 8Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang liwanag ng sangkatauhan: Sa paglalarawang ito ni Jesus sa sarili niya, posibleng naalala ng mga tagapakinig niya ang apat na malalaking kandelero sa Looban ng mga Babae, na sinisindihan tuwing Kapistahan ng mga Kubol, o Tabernakulo. (Ju 7:2; tingnan ang Ap. B11.) Malayo ang inaabot ng liwanag ng mga ito. Maaalala rin sa ekspresyong “liwanag ng sangkatauhan” ang hula ni Isaias na isang “matinding liwanag” ang makikita ng “mga nakatira sa lupain ng matinding dilim” at na ang “lingkod” ni Jehova ay magsisilbing “liwanag ng mga bansa.” (Isa 9:1, 2; 42:1, 6; 49:6) Sa Sermon sa Bundok, ginamit din ni Jesus ang paglalarawang ito nang sabihin niya sa mga tagasunod niya: “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan.” (Mat 5:14) Ang ekspresyong “liwanag ng sangkatauhan,” kung saan ginamit ang salitang Griego na koʹsmos, ay kaayon ng sinabi ni Isaias na ang Mesiyas ay magsisilbing “liwanag ng mga bansa.” At sa Gaw 13:46, 47, ipinakita nina Pablo at Bernabe na ang hula sa Isa 49:6 ay isa ring utos sa lahat ng tagasunod ni Kristo na patuloy na magsilbing liwanag ng mga bansa. Ang ministeryo ni Jesus at ng mga tagasunod niya ay magbibigay ng espirituwal na kaliwanagan sa mga tao at magpapalaya sa kanila sa maling mga turo ng relihiyon.
-