-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Amang Banal: Sa Bibliya, dito lang lumitaw ang ekspresyong ito at ginamit ito sa pakikipag-usap kay Jehova. Hindi ito kailanman ginamit para sa isang tao.—Ihambing ang Mat 23:9.
iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin: Ang pangalang Jesus ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jesua (o Jehosua), na nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Kaya kaayon ng pangalan ni Jesus, dalawang beses niyang idiniin sa kabanatang ito na ipinakilala niya ang pangalan ni Jehova. (Ju 17:6, 26) Sa Bibliya, ang terminong “pangalan” ay puwede ring tumukoy sa mismong indibidwal, sa reputasyon niya, sa mga katangian niya, at sa lahat ng sinasabi niya tungkol sa kaniyang sarili. (Tingnan ang study note sa Mat 6:9; Ju 17:6.) Kaya bukod sa nakapaloob ang pangalan ng Diyos sa pangalan ni Jesus, lumilitaw na may iba pang kahulugan ang pagbibigay ni Jehova ng pangalan niya kay Jesus. Halimbawa, lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. (Ju 14:9) Isa pa, dumating si Jesus sa pangalan ng kaniyang Ama at gumawa siya ng mga himala sa pangalan ding iyon.—Ju 5:43; 10:25.
maging isa: O “magkaisa.” Ipinanalangin ni Jesus na “maging isa” ang mga tunay na tagasunod niya sa paggawang magkakasama para sa iisang layunin, kung paanong siya at ang Ama ay “iisa” ng kaisipan at nagtutulungan. Makikita sa panalanging ito ni Jesus ang sinabi niya sa Ju 10:30. Doon, sinabi niya na siya at ang Ama ay “iisa” pagdating sa pakikitungo sa mga alagad niya, sa “mga tupa” na ibinigay sa kaniya ng Ama. (Ju 10:25-30; 17:2, 9) Ang salitang Griego na isinalin ditong “isa” ay hindi panlalaki (tumutukoy sa “isang persona”), kundi walang kasarian (tumutukoy sa “isang bagay”).—Tingnan ang study note sa Ju 10:30.
-