-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 19Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
araw . . . ng Paghahanda: Tumutukoy sa araw bago ang lingguhang Sabbath. Sa araw na ito, naghahanda ang mga Judio para sa Sabbath. Naghahanda sila ng mas maraming pagkain, at tinatapos nila ang anumang trabahong hindi na makakapaghintay hanggang sa matapos ang Sabbath. Sa pagkakataong ito, ang araw ng Paghahanda ay tumapat sa Nisan 14. (Mar 15:42; tingnan sa Glosari, “Paghahanda.”) Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang katawan ng mga namatay ay “hindi dapat manatili nang magdamag sa tulos,” kundi dapat itong ilibing sa mismong “araw na iyon.”—Deu 21:22, 23; ihambing ang Jos 8:29; 10:26, 27.
baliin ang mga binti: Sa Latin, ang gawaing ito ay tinatawag na crurifragium. Napakabrutal ng parusang ito, at sa pagkakataong ito, malamang na ginawa ito para mapabilis ang pagkamatay ng mga nakabitin sa tulos. Nahihirapang huminga ang isang taong nakabitin sa tulos. Kapag balî na ang mga binti niya, hindi na niya maiaangat ang katawan niya para makahugot ng hininga kaya mamamatay siya.
espesyal ang araw ng Sabbath na iyon: Laging sabbath ang Nisan 15, ang araw pagkatapos ng Paskuwa, anumang araw ng linggo ito tumapat. (Lev 23:5-7) Kapag tumapat sa iisang araw ang Sabbath na ito at ang regular na Sabbath (ang ikapitong araw ng linggo ng mga Judio, mula sa paglubog ng araw sa Biyernes hanggang sa paglubog ng araw sa Sabado), tinatawag itong “espesyal” na Sabbath. Nang mamatay si Jesus sa araw ng Biyernes, ang sumunod na araw ay isang espesyal na Sabbath. Mula 31 hanggang 33 C.E., noong 33 C.E. lang tumapat ng Biyernes ang Nisan 14. Sinusuportahan nito ang konklusyon na namatay si Jesus noong Nisan 14, 33 C.E.
-