-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 21Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Nangyari ito hindi pa natatagalan matapos ikaila ni Pedro si Jesus nang tatlong beses. Tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro tungkol sa nadarama nito hanggang sa puntong “lungkot na lungkot [na] si Pedro.” (Ju 21:17) Sa ulat ni Juan sa Ju 21:15-17, dalawang pandiwang Griego ang ginamit: a·ga·paʹo at phi·leʹo, na parehong isinaling mahal. Tatlong beses na tinanong ni Jesus si Pedro: “Mahal mo ba ako?” Tatlong beses ding tiniyak ni Pedro na mahal niya si Jesus. Sa bawat sagot ni Pedro, idiniin ni Jesus na dapat mapakilos si Pedro ng pagmamahal na iyon na pakainin at “pastulan” sa espirituwal na paraan ang mga alagad ni Jesus, na tinukoy rito bilang kaniyang mga kordero, o “maliliit na tupa.” (Ju 21:16, 17; 1Pe 5:1-3) Pagkatapos bigyan ni Jesus ng pagkakataon si Pedro na tiyakin ang pagmamahal nito nang tatlong beses, pinagkatiwalaan niya ito ng pananagutang alagaan ang mga tupa. Sa ganitong paraan, binura ni Jesus ang anumang pag-aalinlangan ni Pedro kung napatawad na siya ni Jesus dahil sa pagkakaila niya rito nang tatlong beses.
Juan: Sa ilang sinaunang manuskrito, ang ama ni apostol Pedro ay tinawag ditong Juan. Sa ibang sinaunang manuskrito naman, tinawag siyang Jona. Sa Mat 16:17, tinawag ni Jesus si Pedro na “Simon na anak ni Jonas.” (Tingnan ang study note sa Mat 16:17.) Ayon sa ilang iskolar, ang Griegong anyo ng mga pangalang Juan at Jona(s) ay posibleng tumutukoy sa iisang pangalang Hebreo pero magkaiba ng ispeling.
mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?: Batay sa gramatika, iba-iba ang puwedeng maging ibig sabihin ng ekspresyong ito. Para sa ilang iskolar, ang ibig sabihin nito ay “mas mahal mo ba ako kaysa sa mga alagad na ito?” o “mas mahal mo ba ako kumpara sa pagmamahal sa akin ng mga alagad na ito?” Pero ang malamang na ibig sabihin nito ay “mas mahal mo ba ako kaysa sa mga bagay na ito?” o sa mga nahuli nilang isda o sa mga bagay na may kinalaman sa negosyo nilang pangingisda. Kaya lumilitaw na ito talaga ang ibig sabihin ng talatang ito: ‘Mas mahal mo ba ako kaysa sa materyal na mga bagay o tunguhin? Kung oo, pakainin mo ang aking mga kordero.’ Angkop lang ang tanong na iyan dahil sa nakaraan ni Pedro. Kahit isa siya sa mga unang alagad ni Jesus (Ju 1:35-42), hindi siya agad sumunod kay Jesus nang buong panahon. Sa halip, bumalik siya sa pangingisda. Pagkalipas ng ilang buwan, tinawag siya ni Jesus para iwan ang malaking negosyo niya at maging “mangingisda ng tao.” (Mat 4:18-20; Luc 5:1-11) Pero hindi pa natatagalan pagkamatay ni Jesus, sinabi ni Pedro na gusto niya ulit mangisda at sumama ang ibang mga apostol sa kaniya. (Ju 21:2, 3) Kaya lumilitaw na gusto ni Jesus na maintindihan ni Pedro na kailangan niyang magdesisyon: Uunahin ba niya sa buhay niya ang negosyo niyang pangingisda, na kinakatawan ng maraming isda sa harap nila, o uunahin niya ang espirituwal na pagpapakain sa mga kordero, o tagasunod, ni Jesus?—Ju 21:4-8.
-