-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
magsisi kayo at manumbalik: Ang salitang Griego na me·ta·no·eʹo, “magsisi,” ay puwedeng literal na isaling “magbago ng isip” at nangangahulugang pagbabago ng kaisipan, saloobin, o layunin. Sa kontekstong ito, kasama sa pagsisisi ang kagustuhan ng isang tao na maibalik o maayos ang kaugnayan niya sa Diyos. Kapag tunay ang pagsisisi ng isang makasalanan, talagang ikinalulungkot niya ang nagawa niya at determinado siyang hindi na ito maulit. (2Co 7:10, 11; tingnan ang study note sa Mat 3:2, 8.) Ang isang makasalanan na talagang nagsisisi ay mapapakilos na “manumbalik,” o tumalikod sa kaniyang maling landasin at gawin ang mga bagay na makapagpapasaya sa Diyos. Ang pandiwang Hebreo at Griego para sa “manumbalik” (sa Hebreo, shuv; sa Griego, streʹpho; e·pi·streʹpho) ay parehong nangangahulugang “bumalik; tumalikod” sa literal na paraan. (Gen 18:10; 50:14; Gaw 15:36) Pero kapag ginagamit ito sa espirituwal na diwa, puwede itong tumukoy sa pagtalikod sa maling landasin at panunumbalik sa Diyos.—1Ha 8:33; Eze 33:11; tingnan ang study note sa Gaw 15:3; 26:20.
mapatawad: O “mapawi.” Ang pandiwang Griego na ginamit dito ay nangangahulugang “burahin sa pamamagitan ng pagpunas.” Sa Bibliya, ginagamit ito para tumukoy sa pagpunas ng luha (Apo 7:17; 21:4) at sa pagbura ng mga pangalan sa aklat ng buhay (Apo 3:5). Sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “alisin ang isang bagay nang walang maiiwang bakas.” Ayon sa ilang iskolar, ang ideyang ipinapakita dito ay gaya ng sa pagbubura ng sulat-kamay.—Ihambing ang Col 2:14, kung saan ang pandiwang Griego na ginamit din dito ay isinaling “binura.”
mga panahon: O “mga itinakdang panahon.” Ang salitang Griego na kai·rosʹ (ang anyong pangmaramihan ay isinalin ditong “mga panahon”) ay puwedeng tumukoy sa isang bahagi ng panahon o isang itinakda o espesipikong yugto ng “panahon” na makikilala dahil sa ilang partikular na tanda. (Mat 13:30; 21:34; Mar 11:13) Ginamit ang terminong Griegong ito para sa “takdang panahon” ng pagsisimula ng ministeryo ni Jesus (Mar 1:15) at sa “takdang panahon” ng kamatayan niya (Mat 26:18). Ginagamit din ito para tumukoy sa panahon sa hinaharap, na nasa talaorasan o kaayusan ng Diyos, partikular na ang may kaugnayan sa presensiya ni Kristo at sa kaniyang Kaharian.—Gaw 1:7; 1Te 5:1.
mula mismo kay Jehova: Ang mababasa sa natitirang mga manuskritong Griego sa ngayon ay “mula sa mukha ng Panginoon.” (Tingnan ang Ap. C.) Makikita sa konteksto ng Gaw 3:17-22 na ang “Panginoon” na tinutukoy dito ay hindi si Jesus, kundi ang Diyos na Jehova, na ‘magsusugo sa Kristo.’ (Gaw 3:20) Ang salitang Griego para sa “Panginoon” (Kyʹri·os) ay ginamit din sa Gaw 3:22 na sumipi mula sa Deu 18:15, kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. (Tingnan ang study note sa Gaw 3:22.) Sa Hebreong Kasulatan, ang pariralang “mukha ni Jehova” ay kombinasyon ng salitang Hebreo para sa “mukha” at ng Tetragrammaton.—Exo 34:24, tlb.; Aw 34:16, tlb.; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 3:19.
-