-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang dalawa: Lit., “sila,” sina Pedro at Juan.
kapitan ng templo: Binanggit din sa Gaw 5:24, 26. Mula noong unang siglo C.E., ang posisyong ito ay ibinibigay sa isang saserdote na pumapangalawa sa mataas na saserdote. Ang kapitan ng templo ang nangangasiwa sa mga saserdoteng naglilingkod sa templo. Pinangungunahan niya rin ang mga Levitang bantay sa templo para mapanatili ang kapayapaan sa templo at sa paligid nito. Ang mga kapitan na pinangangasiwaan niya ay nangunguna sa mga Levita na nagbubukas ng pintuang-daan ng templo sa umaga at nagsasara nito sa gabi. Binabantayan nila ang kabang-yaman ng templo, sinisiguradong hindi magkakagulo ang mga tao, at tinitiyak na walang makakapasok sa mga lugar na ipinagbabawal. May 24 na pangkat ng mga Levita. Bawat pangkat ay naglilingkod nang isang linggo, dalawang beses sa isang taon, at malamang na may kapitan sila na nasa ilalim ng pangangasiwa ng kapitan ng templo. Maimpluwensiya ang mga kapitan ng templo. Binanggit silang kasama ng mga punong saserdote na nagsabuwatan para ipapatay si Jesus. Noong gabing tinraidor si Jesus, dumating sila kasama ang mga tauhan nila para arestuhin siya.—Luc 22:4 (tingnan ang study note), 52.
-