-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
tulos: O “puno.” Ang salitang Griego na ginamit dito, xyʹlon (lit., “kahoy”), ay kapareho ng kahulugan ng salitang Griego na stau·rosʹ (isinasaling “pahirapang tulos”) at tumutukoy sa pinagpakuan kay Jesus noong patayin siya. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, limang beses na ginamit nina Lucas, Pablo, at Pedro ang xyʹlon sa ganitong diwa. (Gaw 5:30; 10:39; 13:29; Gal 3:13; 1Pe 2:24) Ginamit ng Septuagint ang xyʹlon sa Deu 21:22, 23 para ipanumbas sa salitang Hebreo na ʽets (nangangahulugang “puno; kahoy; piraso ng kahoy”) sa pariralang “at ibitin sa tulos.” Nang sipiin ni Pablo ang tekstong ito sa Gal 3:13, ginamit niya ang xyʹlon sa pangungusap na “Isinumpa ang bawat tao na nakabitin sa tulos.” Ginamit din ang salitang ito sa salin ng Septuagint sa Ezr 6:11 (1 Esdras 6:31, LXX) para sa salitang Aramaiko na ʼaʽ, na katumbas ng terminong Hebreo na ʽets. Sinabi roon tungkol sa mga lalabag sa utos ng hari ng Persia: “Ibabayubay [siya] sa isang posteng kahoy na bubunutin sa bahay niya.” Dahil may mga pagkakataong pareho ang pagkakagamit ng mga manunulat ng Bibliya sa xyʹlon at stau·rosʹ, karagdagang patunay ito na pinatay si Jesus sa isang patayong tulos na walang nakapahalang na kahoy.
-