Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Gawa 15:17
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
    • 17 para buong pusong hanapin si Jehova* ng mga taong nalabi, kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa, mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko, ang sabi ni Jehova,* na gumagawa ng mga bagay na ito,+

  • Gawa 15:17
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
    • 17 upang may-pananabik na hanapin si Jehova niyaong mga nalabi sa mga tao, kasama ng mga tao ng lahat ng mga bansa, mga taong tinatawag ayon sa aking pangalan, sabi ni Jehova, na siyang gumagawa ng mga bagay na ito,+

  • Gawa
    Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
    • 15:17

      Lubusang Magpatotoo, p. 109

      Ang Bantayan,

      1/15/2012, p. 5

      “Lahat ng Kasulatan,” p. 150

  • Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 15
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
    • 15:17

      para buong pusong hanapin si Jehova ng mga taong nalabi: Gaya ng makikita sa study note sa Gaw 15:15, sumipi si Santiago mula sa Am 9:11, 12. Pero may ilang bahagi sa pagsiping ito na may kaunting kaibahan sa tekstong Hebreo na makukuha sa ngayon. May mga nagsasabi na ang pagkakaibang ito ay dahil sa sumipi si Santiago sa Septuagint, isang Griegong salin ng Hebreong Kasulatan. Pero nang tukuyin ni Santiago si Pedro, ginamit niya ang anyong Griego ng pangalan nito na napakalapit sa anyong Hebreo na Simeon, na nagpapakitang posibleng Hebreo ang wikang ginamit sa pag-uusap na iyon. (Gaw 15:14) Kung gayon, posible rin na sinipi ni Santiago ang mga talata mula sa tekstong Hebreo pero iniulat ni Lucas ang pagsipi gamit ang Septuagint. Ginawa iyan ni Lucas, ni Santiago, at ng iba pang manunulat ng Bibliya nang sumipi sila mula sa Hebreong Kasulatan. Kahit na ang ilang siniping talata mula sa Septuagint ay may kaunting kaibahan sa tekstong Hebreo na makukuha sa ngayon, pinahintulutan ni Jehova ang mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang saling ito, kaya ang pananalita ng saling ito ay naging bahagi ng Banal na Kasulatan. (2Ti 3:16) Sa pagsiping ito mula sa Am 9:12, kapansin-pansin na sa Septuagint, ang mababasa ay “mga taong nalabi,” samantalang ang mababasa sa mga manuskritong Hebreo na makukuha sa ngayon ay “ang natitira sa Edom.” Sinasabi ng ilan na may ganitong kaibahan dahil ang salita sa sinaunang Hebreo para sa “tao” ay kamukhang-kamukha ng salitang Hebreo para sa “Edom.” Magkamukha rin ang mga salitang Hebreo para sa “hanapin” at “taglayin.” May mga nagsasabi na ang salin ng Septuagint sa Am 9:12 ay batay sa isang sinaunang tekstong Hebreo na iba sa tekstong Hebreo na makukuha sa ngayon, pero hindi pa iyan sigurado. Anuman ang dahilan ng pagkakaiba, parehong sinusuportahan ng Septuagint at ng Hebreong Masoretiko ang pinakapunto ng argumento ni Santiago; pareho nitong ipinapakita na inihula ni Amos na ang mga Gentil ay tatawagin sa pangalan ni Jehova.

      Jehova: Sa Gaw 15:14, sinabi ni Santiago na inilahad ni Symeon na “binigyang-pansin . . . ng Diyos ang ibang mga bansa,” at sa talata 19, may binanggit si Santiago na “mga bumabaling sa Diyos na mula sa ibang mga bansa.” Dito, sumipi si Santiago mula sa Am 9:11, 12. Sa orihinal na tekstong Hebreo, isang beses lang lumitaw ang pangalan ng Diyos, sa ekspresyong “ang sabi ni Jehova.” Pero dalawang beses lumitaw sa Gaw 15:17 ang terminong Griego na Kyʹri·os (Panginoon), at pareho itong tumutukoy kay Jehova. Kaya batay sa konteksto, sa pagkakagamit ng ekspresyong ito sa Hebreong Kasulatan, at sa pagkakagamit ng terminong Kyʹri·os sa Septuagint at sa iba pang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, may makatuwirang mga dahilan para gamitin ang pangalan ng Diyos sa dalawang paglitaw ng Kyʹri·os sa talatang ito.—Tingnan ang Ap. C1 at introduksiyon sa C3; Gaw 15:17.

      kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa: Mga di-Judio, o Gentil. Ang isang Gentil na nagpatuli ay hindi na itinuturing na mula sa ibang bansa kundi gaya na ng isang Judio, “katulad ng katutubo sa lupain.” (Exo 12:48, 49) Noong panahon ni Esther, maraming Gentil ang “nagsasabing Judio sila.” (Es 8:17) Kapansin-pansin na sa salin ng Septuagint sa Es 8:17, sinasabing ang mga Gentil na ito ay “tinuli at naging Judio.” Ang hula sa Am 9:11, 12, na sinipi dito sa Gawa, ay nagsasabing ang “mga tao ng lahat ng iba pang bansa” (mga di-tuling Gentil) ay sasama sa “mga taong nalabi” sa sambahayan ng Israel (mga Judio at tuling proselita) at sila ay magiging isang bayan na “tinatawag ayon sa pangalan” ni Jehova. Dahil sa hulang ito, naunawaan ng mga alagad na hindi na kailangang magpatuli ng mga tao mula sa ibang mga bansa para tanggapin sila ng Diyos.

      mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko: Sa Hebreong Kasulatan, ang pangalan ni Jehova ay itinatawag sa mga Israelita para ipakitang sila ang bayan niya. (Deu 28:10; 2Cr 7:14; Isa 43:7; 63:19; Dan 9:19) Inilagay rin ni Jehova ang pangalan niya sa Jerusalem, kung nasaan ang templo, na nagpapakitang tinatanggap niya ito bilang sentro ng pagsamba sa kaniya.—2Ha 21:4, 7.

      ang sabi ni Jehova: Sa pagsiping ito sa Am 9:12, ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na katinig sa Hebreo (ang transliterasyon ay YHWH), ay lumitaw sa orihinal na tekstong Hebreo.—Tingnan ang Ap. C.

      gumagawa ng mga bagay na ito, [tal. 18] na alam na niya noon pa man: Ayon sa ibang pagkaunawa sa tekstong Griego, puwede rin itong isalin na “dati nang gumagawa ng mga bagay na ito [tal. 18] na alam na niya noon pa man.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share