-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 16Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Timoteo: Sa Bibliya, dito unang binanggit si Timoteo, na ang pangalang Griego ay nangangahulugang “Isa na Nagpaparangal sa Diyos.” Hindi tiyak kung kailan naging Kristiyano si Timoteo. Pero mula pa pagkabata, tinuruan na siya ng nanay niyang si Eunice, na isang Judiong mánanampalatayá, at posibleng ng lola niyang si Loida tungkol sa “banal na mga kasulatan” ng mga Judio, ang Hebreong Kasulatan. (2Ti 1:5; 3:15) Malamang na naging Kristiyano sina Eunice at Loida nang dumalaw si Pablo sa Listra noong unang paglalakbay niya bilang misyonero. Ang ama ni Timoteo ay tinawag na Griego dahil posibleng ang mga ninuno niya ay mula sa Gresya o iba ang lahi niya. Lumilitaw na hindi siya Kristiyano. Sa ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, noong katapusan ng 49 C.E. o pasimula ng 50 C.E., nagpunta siya sa Listra, kung saan lumilitaw na nakatira si Timoteo. Isa nang Kristiyano si Timoteo nang panahong iyon, at “mabuti ang sinasabi tungkol sa kaniya ng mga kapatid sa Listra at Iconio.” (Gaw 16:2) Posibleng mga 20 taóng gulang si Timoteo noon, at sinusuportahan ito ng sinabi ni Pablo kay Timoteo mga 10 o 15 taon pagkatapos nito: “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo.” (1Ti 4:12, malamang na isinulat sa pagitan ng 61 at 64 C.E.) Ipinapakita nito na kahit noong panahong iyon, medyo bata pa rin si Timoteo.
-