-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pinagpag niya ang damit niya: Sa paggawa nito, ipinakita ni Pablo na wala na siyang pananagutan sa mga Judio sa Corinto na hindi nakinig sa nagliligtas-buhay na mensahe tungkol sa Kristo. Ginawa na ni Pablo ang obligasyon niya kaya hindi na siya mananagot para sa buhay nila. (Tingnan ang study note sa Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo sa talatang ito.) May mga nauna nang ulat sa Kasulatan tungkol sa ganitong pagkilos. Nang kausapin ni Nehemias ang mga Judiong bumalik sa Jerusalem, pinagpag niya ang mga tupi ng damit niya para ipakita na ang sinumang hindi tutupad sa pangako ay itatakwil ng Diyos. (Ne 5:13) Kahawig niyan ang ginawa ni Pablo sa Antioquia ng Pisidia nang ‘ipagpag niya ang alikabok mula sa mga paa niya’ bilang patotoo laban sa mga umuusig sa kaniya sa lunsod na iyon.—Tingnan ang study note sa Gaw 13:51; Luc 9:5.
Kasalanan ninyo anuman ang mangyari sa inyo: Lit., “Ang inyong dugo ay mapasainyong sariling mga ulo.” Ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para ipakita na wala na siyang pananagutan sa mangyayari sa mga Judio na hindi nakinig sa mensahe tungkol kay Jesus, ang Mesiyas. Sa Hebreong Kasulatan, may kahawig itong mga pananalita na nagpapakitang kapag namatay ang isang tao dahil sa sarili niyang kagagawan, walang ibang may kasalanan kundi siya. (Jos 2:19; 2Sa 1:16; 1Ha 2:37; Eze 33:2-4; tingnan ang study note sa Mat 27:25.) Idinagdag ni Pablo: Ako ay malinis, ibig sabihin, “Ako ay walang-sala [“malaya sa responsibilidad”].”—Tingnan ang study note sa Gaw 20:26.
-