-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang kamatayan ay namahala bilang hari: Dito, inilalarawan ang kamatayan bilang “hari” na namamahala sa mga tao mula pa noong panahon ni Adan; kasabay nitong namamahala ang isa pang “hari,” ang kasalanan. (Ro 6:12) Ipinapatupad ng mga haring ito ang “kautusan” nila sa mga tao, o mayroon silang malakas na impluwensiya sa mga ito. Ibig sabihin, ang pagiging di-perpekto ng mga tao ay nagtutulak sa kanila na magkasala, at nagbubunga ito ng kamatayan. (Ro 7:23; tingnan ang study note sa Ro 8:2.) Pero nang dumating si Kristo sa lupa at mailaan ang pantubos, ang walang-kapantay na kabaitan na ang naghari sa mga tumatanggap sa regalo ng Diyos at nabuksan ang “daan tungo sa buhay na walang hanggan.”—Ro 5:15-17, 21.
namahala bilang hari: Sa maraming salin, ang pandiwang Griego na ginamit dito, ba·si·leuʹo, ay tinutumbasan lang ng “mamahala.” Angkop din naman ang saling iyon (Mat 2:22), pero ang pandiwang ito ay kaugnay ng pangngalang Griego para sa “hari,” ba·si·leusʹ. Kaya puwede rin itong isaling “mamahala bilang hari; maghari.” (Luc 19:14, 27) Ginagamit ito kay Jesu-Kristo (Luc 1:33; 1Co 15:25) at sa Diyos na Jehova (Apo 11:15, 17; 19:6), na namamahala bilang mga hari sa langit. Ginagamit din ito sa tapat na mga pinahirang Kristiyano, na may pag-asang ‘pamahalaan ang lupa bilang mga hari.’ (Apo 5:10; 20:4, 6; 22:5; Ro 5:17b) Pero sa kontekstong ito, ginamit ito ni Pablo para sa kasalanan, kamatayan, at walang-kapantay na kabaitan.
na may pagkakatulad sa isa na darating: Ang unang tao, si Adan, ay may pagkakatulad kay Jesu-Kristo, na ang pagdating ay ipinangako ng Diyos na Jehova sa hardin ng Eden bago niya hatulan sina Adan at Eva. (Gen 3:15) Sina Adan at Jesus ay parehong perpektong tao. Pareho din silang ama; si Adan ay ama ng makasalanang mga tao. (Gen 1:28) Ama rin si Jesus dahil siya ang Punong Kinatawan ng Diyos para sa buhay at ang “Walang-Hanggang Ama” ng masunuring mga tao. (Isa 9:6; Gaw 3:15) Sumuway si Adan sa Diyos kaya naging ama siya ng mga makasalanan; ang kanilang Manunubos, si Jesus, ay kailangang maging perpektong tao gaya ni Adan para matubos sila sa kasalanan. Kaayon ito ng prinsipyong “buhay para sa buhay.” (Deu 19:21) Kaya sinabi ni Pablo sa 1Co 15:45: “Nasusulat: ‘Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.’ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.” Ang salitang Griego na isinaling “pagkakatulad” ay tyʹpos, na literal na nangangahulugang “parisan,” kaya ang pariralang “may pagkakatulad sa isa” ay puwede ring isaling “parisan ng isa.” Pero pagdating sa pagsunod, ibang-iba si Jesus kay Adan; lubusang sumunod si Jesus kay Jehova, samantalang naging rebelde at masuwayin naman si Adan.
-