-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
isinagot . . . ng Diyos: Ang pangngalang Griego na khre·ma·ti·smosʹ ay tumutukoy sa isang kapahayagan mula sa Diyos. Dito, ginamit ang terminong ito para sa sinabi ng Diyos kay propeta Elias sa 1Ha 19:18. Sa karamihan ng mga diksyunaryo at salin ng Bibliya, tinumbasan ito ng “kapahayagan mula sa Diyos; sagot ng Diyos.” Ang terminong ito ay kaugnay ng pandiwang khre·ma·tiʹzo, na ilang beses ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Halimbawa, sinasabi sa Gaw 11:26 na “tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad [ni Jesus] sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos.”—Tingnan ang study note sa Gaw 10:22; 11:26.
Baal: Diyos ng mga Canaanita na itinuturing ng ilan sa mga mananamba nito na may-ari ng kalangitan at nagbibigay ng ulan at ng kakayahang mag-anák. Dito lang binanggit si Baal sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sumipi dito si Pablo mula sa 1Ha 19:18. Sa Hebreong Kasulatan, ginamit ang terminong Hebreo na hab·Baʹʽal, na literal na nangangahulugang “ang Baal,” para tumukoy sa diyos na ito. (Huk 2:13; 1Ha 16:31; 18:25) Ginamit din ang anyong pangmaramihan (mga Baal) ng terminong Hebreo na ito, posibleng para tumukoy sa iba’t ibang diyos-diyusan na sinasabing may-ari o may kontrol sa isang partikular na lugar. (Huk 2:11; 8:33; 10:6) Ang salitang Hebreo na baʹʽal (na walang tiyak na pantukoy) ay nangangahulugang “may-ari; panginoon.”—Exo 21:28; 22:8.
-