-
Mga Study Note sa 2 Corinto—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ipinaaaninag . . . na gaya ng salamin: Ang mga salamin noon ay gawa sa mga metal gaya ng bronse o tanso, at marami sa mga ito ang mataas ang kalidad dahil pinakintab ito nang husto. Gaya ng salamin, makikita sa mga pinahirang Kristiyano ang kaluwalhatian ng Diyos na sumisinag sa kanila mula kay Jesu-Kristo. Nagiging “mas kawangis [sila] ng Diyos” habang ipinaaaninag nila ang mga katangian ng Anak ni Jehova. (2Co 4:6; Efe 5:1) Sa pamamagitan ng banal na espiritu at ng Kasulatan, binibigyan sila ng Diyos ng “bagong personalidad,” na repleksiyon ng sarili niyang mga katangian.—Efe 4:24; Col 3:10.
kaluwalhatian ni Jehova: Ang orihinal na kahulugan ng salitang Griego na isinalin ditong “kaluwalhatian” (doʹxa) ay “opinyon; reputasyon,” pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, nangangahulugan itong “kaluwalhatian; karingalan; kadakilaan.” Ang katumbas na terminong Hebreo nito (ka·vohdhʹ) ay pangunahin nang nangangahulugang “bigat” at puwedeng tumukoy sa anumang dahilan kung bakit nagiging mahalaga, o kahanga-hanga, ang isang tao o bagay. Kaya ang kaluwalhatian ni Jehova ay puwedeng tumukoy sa isang kahanga-hangang ebidensiya ng kaniyang walang-kapantay na kapangyarihan. Sa Bibliya, ang terminong Hebreo para sa “kaluwalhatian” ay lumitaw nang mahigit 30 beses kasama ng Tetragrammaton. Ang ilan dito ay makikita sa Exo 16:7; Lev 9:6; Bil 14:10; 1Ha 8:11; 2Cr 5:14; Aw 104:31; Isa 35:2; Eze 1:28; Hab 2:14.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:18.
ni Jehova na Espiritu: Ang saling ito ay kaayon ng unang bahagi ng 2Co 3:17, kung saan sinasabi na “si Jehova ang Espiritu.” (Tingnan ang study note.) Pero puwede rin itong isalin na “ng espiritu ni Jehova.” Parehong tama batay sa gramatika ang dalawang saling ito.—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; 2Co 3:18.
nagiging mas kawangis tayo ng Diyos at mas naipaaaninag natin ang kaluwalhatian niya: Ang ekspresyong Griego na ginamit dito ay puwedeng literal na isaling “mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian.” Lalo pang naipaaaninag ng pinahirang mga Kristiyano ang kaluwalhatian ni Jehova habang sumusulong sila sa espirituwal. Nababago sila at nagiging mas kawangis ng Diyos dahil sa kaniyang Anak, ang “Kristo, na siyang larawan ng Diyos.” (2Co 4:4) Kapansin-pansin na ang pandiwang Griego na isinalin ditong “nababago” (me·ta·mor·phoʹo) ay ginamit din ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Roma.—Tingnan ang study note sa Ro 12:2.
-