-
Mga Study Note sa Efeso—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang pinagmulan ng pangalan ng bawat pamilya: O “ang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya.” Ang salitang Griego para sa “pamilya” (pa·tri·aʹ), na galing sa salita para sa “ama” (pa·terʹ), ay tatlong beses lang lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Luc 2:4; Gaw 3:25) Malawak ang kahulugan nito at hindi lang tumutukoy sa mismong pamilya ng isang tao. Maraming beses itong ginamit sa Septuagint para ipanumbas sa terminong Hebreo na hindi lang tumutukoy sa isang pamilya, kundi puwede rin sa isang tribo, bayan, o bansa. (Bil 1:4; 1Cr 16:28; Aw 22:27 [21:28 (27), LXX]) Nang sabihin ni Pablo na ang Diyos “ang pinagmulan ng pangalan ng bawat pamilya,” ipinapakita niya na ang Diyos na Jehova ang Ama, o pinagmulan, ng lahat ng tao, Judio man o hindi.
bawat pamilya sa langit: Para sa Diyos na Jehova, ang Ama ng pamilya niya sa langit, anak niya ang mga anghel. (Job 1:6; 2:1; 38:7) Kung pinangalanan niya ang di-mabilang na mga bituin (Aw 147:4), siguradong pinangalanan niya rin ang mga anghel.—Huk 13:18.
bawat pamilya . . . sa lupa: Ang Diyos ang “pinagmulan ng pangalan ng bawat pamilya” o angkan sa lupa dahil siya ang bumuo ng unang pamilya ng tao, sina Adan at Eva, at pinayagan niya silang magkaroon ng mga anak. (Gen 1:28; Mat 19:4, 5) Pero hindi sinasabi ni Pablo na si Jehova ang nagbigay ng pangalan sa bawat pamilya.
-