-
Colosas 1:16Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
16 sapagkat sa pamamagitan niya+ ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita, maging mga trono man o mga pagkapanginoon o mga pamahalaan o mga awtoridad.+ Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya+ at para sa kaniya.
-
-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay: Ginamit ng Diyos ang “kaniyang mahal na Anak” (Col 1:13) sa paglalang ng mga bagay “sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita.” Kasama dito ang milyon-milyong iba pang espiritung anak ng Diyos na Jehova sa langit, pati na ang uniberso. (Gen 1:1; Dan 7:9, 10; Ju 1:3; Apo 5:11) Si Jesus ang panganay na Anak ni Jehova, at siya lang ang nilalang ng Diyos nang walang katulong. (Heb 1:6; tingnan ang study note sa Ju 1:14 at Col 1:15.) Kaya makatuwirang isipin na ang panganay na Anak na ito ang kausap ni Jehova nang sabihin niya: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.”—Gen 1:26.
lahat ng iba pang bagay: Ang literal na salin ng tekstong Griego ay “lahat ng bagay.” (Ihambing ang Kingdom Interlinear.) Pero sa ganitong salin, para bang hindi kasama si Jesus sa mga nilalang, kundi siya mismo ang Maylalang. At hindi iyan kaayon ng iba pang bahagi ng Bibliya, kasama na ang naunang talata, kung saan tinawag si Jesus na “panganay sa lahat ng nilalang.” (Col 1:15; ihambing ang Apo 3:14, kung saan tinawag si Jesus na “pasimula ng paglalang ng Diyos.”) Isa pa, ang salitang Griego para sa “lahat” ay puwede ring isalin sa ilang konteksto na “lahat ng iba pa.” Ang ilang halimbawa ay nasa Luc 13:2; 21:29; Fil 2:21. Kaayon ito ng makakasulatang turo ni Pablo sa 1Co 15:27: “‘Inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa [ni Kristo].’ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.” Kaya batay sa turo ng Bibliya at sa malinaw na kahulugan ng salitang Griegong ginamit, masasabing tama ang salin na “lahat ng iba pang bagay.”—Ihambing ang study note sa Fil 2:9.
mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad: Dito, ipinapakita ni Pablo na may administrasyon si Jehova sa langit at may mga gumaganap sa mga posisyon doon. May mga posisyon ang mga taong lingkod ng Diyos, at gaya ng ipinapakita sa talatang ito, may mga posisyon din ang perpektong mga espiritung nilalang. (Ezr 10:15-17; Isa 6:2; 1Co 6:3; Efe 3:10; Heb 13:17; Jud 8, 9) Hindi lang basta hinayaan ni Jehova na magkaroon ng ganitong mga posisyon; nilalang, o nilikha, niya ang mga ito. Siya ang gumawa ng mga kaayusang ito, at katulong niya ang kaniyang Anak. Ang mga posisyong binanggit sa talatang ito ay “nilalang sa pamamagitan [ni Jesus] at para sa kaniya,” kaya hindi ito puwedeng tumukoy sa mga gobyerno ng tao.
nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya: Binanggit sa talatang ito na kasama ang panganay na Anak ng Diyos na si Jesus sa paglalang ng lahat ng bagay, pero hindi siya tinawag sa Bibliya na Maylalang. Sinabi sa naunang talata na siya “ang panganay sa lahat ng nilalang,” at sa Apo 3:14, tinawag siyang “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Matapos lalangin si Jesus, naging “dalubhasang manggagawa” siya ni Jehova ayon sa Kawikaan kabanata 8, kung saan tinawag din siyang “karunungan.” (Kaw 8:1, 22, 30) Mababasa sa Kaw 8:22-31 kung paano tumulong si Jesus sa paglalang, at binanggit doon na ang dalubhasang manggagawa ni Jehova ay ‘masayang-masaya nang makita niya ang lupang titirhan ng tao, at espesyal para sa kaniya ang mga anak ng tao [o “ang sangkatauhan”].’ Ito ang kahulugan ng Col 1:16, na nagsasabi: “Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kaniya.”
-