-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 4Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
mabait: Malawak ang kahulugan ng salitang Griego na khaʹris, at kadalasan nang ginagamit ito sa Kasulatan para tumukoy sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. Dito, ginamit ito ni Pablo para tumukoy sa pananalita na kapaki-pakinabang, masarap pakinggan, at kahali-halina pa nga. (Ihambing ang Efe 4:29, kung saan isinalin ang khaʹris na “makinabang.”) Isinalin ang salitang ito na ‘nakagiginhawa’ sa Luc 4:22 nang tukuyin ang pananalita ni Jesus noong nasa Nazaret siya, na sarili niyang bayan. (Ihambing ang Aw 45:2 [44:3, LXX], kung saan ginamit ng Septuagint ang khaʹris para ilarawan ang kahali-halinang pananalita ng Mesiyanikong Hari.) Dapat na laging kapaki-pakinabang, mabait, masarap pakinggan, at kahali-halina pa nga ang pananalita ng isang Kristiyano. Kaya ipinapahiwatig ni Pablo na hindi lang magsasalita nang mabait ang isang Kristiyano sa pilíng mga tao o okasyon; dapat na maging natural ito sa kaniya.
tinitimplahan ito ng asin: Ilang beses na binanggit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang asin, at ginagamit ito sa literal at makasagisag na diwa. Makakatulong ang pagkakagamit sa ekspresyong ito sa ibang mga teksto para maunawaan ang ibig sabihin ni Pablo. (Tingnan ang study note sa Mat 5:13; Mar 9:50.) Lumilitaw na ang tinutukoy ni Pablo ay ang kakayahan ng asin na pasarapin ang pagkain, magdagdag ng lasa, at magsilbing preserbatibo. Kaya hinihimok niya ang mga Kristiyano na ‘timplahan’ ang pananalita nila para masarap itong pakinggan at mailigtas ang mga taong makikinig sa mensahe nila.
-