-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Nagpapasalamat ako sa Diyos: Sinimulan ni Pablo ang maraming liham niya sa pagpapasalamat. (Ro 1:8; 1Co 1:4; Efe 1:15, 16; Fil 1:3-5; Col 1:3, 4; 1Te 1:2, 3; 2Te 1:3; Flm 4) Ngayong nakabilanggo na siya sa Roma, nararamdaman niyang malapit na siyang mamatay. (2Ti 4:6-8) Dumanas siya ng matinding pag-uusig, at iniwan siya ng ilan sa mga kaibigan niya. (2Ti 4:10-12, 14-17) Pero kahit na ganoon, sinimulan niya ang liham na ito sa pasasalamat, sa halip na sa paghihinagpis. Sinabi niya sa talatang ito ang isa sa mga bagay na ipinagpapasalamat niya—ang kaibigan niyang si Timoteo, na ipinapanalangin niya “araw at gabi.” Partikular na ipinagpapasalamat ni Pablo ang di-matatawarang pananampalataya ng kabataang ito na sinabi niyang “walang halong pagkukunwari.”—2Ti 1:5.
Diyos na pinaglilingkuran ko: O “Diyos na pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod; Diyos na sinasamba ko.” Kinikilala dito ni Pablo na may pribilehiyo siyang paglingkuran ang Diyos, gaya ng tapat na mga ninuno niyang Judio, na may napakagandang rekord sa Hebreong Kasulatan. Dito, ang ‘paglilingkod’ ay puwedeng tumukoy sa pagsamba sa Diyos sa ilalim ng Judiong sistema, gayundin sa kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, nang isalin ng Septuagint ang utos ni Moises sa bayan na paglingkuran ang Diyos (Deu 6:13), ginamit nito ang pandiwang Griego na ginamit ni Pablo sa talatang ito. Sa Mat 4:10, sumipi si Jesus sa Deuteronomio nang sabihin niya sa Diyablo: “Si Jehova . . . lang ang dapat mong paglingkuran.” (Tingnan ang study note sa Mat 4:10; tingnan din ang Exo 3:12; Deu 10:12, 20; Jos 22:5; LXX) Sa liham ni Pablo sa mga taga-Roma, ipinakita niya na mahalagang bahagi ng sagradong paglilingkod ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Anak ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Ro 1:9.
may malinis na konsensiya: Kahit nakabilanggo at nakatanikala si Pablo bilang kriminal (2Ti 1:16), masasabi niyang napaglingkuran niya ang Diyos na Jehova nang tapat at may malinis na motibo. (Tingnan ang study note sa 2Ti 1:12.) Bago nito, sumulat siya sa mga kapananampalataya niya sa Corinto: “Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya.”—2Co 7:2; tingnan ang study note sa Ro 2:15; 1Ti 1:5.
-