-
Mga Study Note sa 2 Timoteo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus: Ipinapaliwanag dito ni Pablo na ang “walang-kapantay na kabaitan” ng Diyos, na binanggit sa talata 9, ay “malinaw na . . . nakikita dahil sa pagkakahayag [kay] Kristo Jesus.” Sa kontekstong ito, inihayag ni Jehova si Jesus nang isugo niya sa lupa ang Anak niyang ito para maging tao. Binanggit din ang paghahayag na ito sa Ju 1:14, na nagsasabing “ang Salita ay naging tao at namuhay kasama” ng mga tao. Gayundin, binanggit sa 1Ti 3:16 (tingnan ang study note) na si Jesus ay “naging tao.” Tumutukoy ito sa buhay at ministeryo ni Jesus sa lupa, na lumilitaw na nagsimula nang bautismuhan siya sa Ilog Jordan. Sa buong ministeryo ni Jesus, malinaw niyang itinuro sa mga tao kung paano sila maliligtas mula sa kasalanan at magkakaroon ng buhay na walang hanggan.—Mat 1:21; Luc 2:11; 3:6.
si Kristo Jesus, na . . . nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay at katawang di-nasisira: Mababasa sa Hebreong Kasulatan ang tungkol sa pagkabuhay-muli at pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Job 14:14, 15; Aw 37:29; Isa 26:19; Dan 12:2, 13) Pero marami pang kinailangang isiwalat at linawin tungkol sa mga iyon. Tinatawag si Jesus na “tunay na liwanag na nagbibigay ng liwanag.” (Ju 1:9) Kaya tama lang na siya ang ‘magsiwalat’ ng impormasyon tungkol sa pag-asang ito. Tinawag niya ang sarili niya na “buhay,” at ipinangako niya na sinumang manampalataya sa kaniyang salita ay magkakaroon ng “buhay na walang hanggan.” (Ju 5:24; 6:40; 14:6) ‘Isiniwalat din ni Jesus kung paano magkakaroon ng buhay’ nang ipaliwanag niya na ang buhay na ibibigay niya bilang pantubos ang mag-aalis sa kamatayan. (Mat 20:28; Ju 3:16; 5:28, 29; 11:25, 26) Isiniwalat din ni Jesus na may ilang tao na mabubuhay sa langit at mamamahalang kasama niya. (Luc 12:32; Ju 14:2, 3) Kapag natanggap na nila ang gantimpala nila sa langit, magkakaroon sila ng “katawang hindi nabubulok.”—1Co 15:42 at study note; 1Pe 1:3, 4.
-