-
Mga Study Note sa Tito—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pag-asang buhay na walang hanggan na matagal nang ipinangako: Nang sabihin ni Pablo na “matagal nang” ipinangako ng Diyos ang pag-asang ito (ihambing ang study note sa 2Ti 1:9), posibleng tinutukoy niya dito ang panahon kung kailan unang nilayon ni Jehova na magkaroon ng “buhay na walang hanggan” ang mga tao sa lupa. O puwede ring ang tinutukoy niya ay ang panahon kung kailan unang isiniwalat ni Jehova ang layunin niya para sa mga tao. (Gen 1:27, 28; 2:17) Nang hatulan ng Diyos ang mga rebelde sa Eden, hindi niya binago ang orihinal na layunin niya. (Aw 37:29) Pero sinabi niya nang panahong iyon na isang espesyal na “supling” ang dudurog kay Satanas, at nang maglaon, ipinakita sa Bibliya na kasama sa “supling” na ito ang ilang tao na mabubuhay magpakailanman sa langit. (Gen 3:15; ihambing ang Dan 7:13, 14, 27; Luc 22:28-30.) Kaya nanghawakan si Pablo at ang iba pang pinahirang Kristiyano sa “pag-asang buhay na walang hanggan” sa langit.—Tingnan ang study note sa Efe 3:11.
Diyos, na hindi makapagsisinungaling: Hindi magagawang magsinungaling ni “Jehova na Diyos ng katotohanan.” (Aw 31:5) Sa lahat ng ginagawa ni Jehova, ginagamit niya ang kaniyang banal na espiritu, na tinatawag ni Jesus na “espiritu ng katotohanan.” (Ju 15:26; 16:13) Ibang-iba si Jehova sa di-perpektong mga tao, dahil “ang Diyos ay hindi gaya ng tao na nagsisinungaling.” (Bil 23:19) At ibang-iba si Jehova kay Satanas, na “sinungaling at . . . ama ng kasinungalingan.” (Ju 8:44) Ito ang punto ni Pablo: Imposibleng magsinungaling ang Diyos, kaya lubusang mapagkakatiwalaan ang mga pangako niya.—Heb 6:18.
-