Unang Liham sa mga Taga-Corinto
2 Kaya, mga kapatid, hindi ako pumunta noon para pahangain kayo gamit ang mahusay na pananalita+ o karunungan habang inihahayag sa inyo ang sagradong lihim+ ng Diyos. 2 Dahil ipinasiya kong ituon ang pansin ninyo kay Jesu-Kristo at sa pagpako sa kaniya sa tulos.+ 3 Nang pumunta ako sa inyo, mahina ako, natatakot, at nanginginig; 4 at nang magsalita ako at mangaral, hindi ako gumamit ng mapanghikayat na pananalita gaya ng matatalino, kundi ng mga salitang nagpapakita ng kapangyarihan ng espiritu,+ 5 para ang pananampalataya ninyo ay maging batay sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
6 At nagsasalita tayo ngayon sa gitna ng mga maygulang* tungkol sa karunungan,+ pero hindi tungkol sa karunungan ng sistemang* ito o ng mga tagapamahala ng sistemang ito na maglalaho;+ 7 kundi nagsasalita tayo tungkol sa karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim,+ ang nakatagong karunungan, na patiunang itinakda ng Diyos para sa ating kaluwalhatian bago pa umiral ang mga sistema sa mundo. 8 Ang karunungang ito ay hindi nalaman ng mga tagapamahala ng sistemang* ito,+ dahil kung nalaman nila, hindi sana nila pinatay* ang maluwalhating Panginoon. 9 Gaya ng nasusulat: “Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa isip* ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”+ 10 Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu,+ dahil sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.+
11 May iba bang nakaaalam sa kaisipan ng isang tao maliban sa sarili niyang puso?* Sa katulad na paraan, walang nakaaalam sa kaisipan ng Diyos maliban sa espiritu ng Diyos. 12 Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu* ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos,+ para maunawaan natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 At sinasalita rin natin ang mga ito, pero hindi gamit ang mga salitang mula sa karunungan ng tao.+ Gumagamit tayo ng espirituwal na mga salita, mga salitang itinuro ng espiritu,+ para ipaliwanag ang espirituwal na mga bagay.
14 Pero hindi tinatanggap ng taong pisikal ang mga bagay na mula sa espiritu ng Diyos, dahil kamangmangan sa kaniya ang mga ito; at hindi niya mauunawaan ang mga ito, dahil kailangang suriin ang mga ito sa tulong ng espiritu. 15 Gayunman, sinusuri ng taong espirituwal ang lahat ng bagay,+ pero hindi siya masusuri ng sinumang tao. 16 Dahil “sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova,* para maturuan niya siya?”+ Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.+