Aorist
Isang anyo ng pandiwa (verb tense) sa wikang Griego na ginamit sa Bibliya, pero kadalasan nang tumutukoy ito sa uri ng pagkilos sa halip na sa panahon. Ang mga pandiwa sa panahunang aorist ay maaaring isalin sa iba’t ibang paraan depende sa konteksto. Halimbawa, puwedeng tumukoy ang aorist sa isang pagkilos na minsan lang ginawa sa halip na sa isang pagkilos na patuluyan o nakasanayan.
Sa 1 Juan 2:1, ang pandiwang Griego sa panahunang aorist ay isinaling “magkasala.” Maliwanag na tumutukoy ito sa isang beses na pagkakasala. Ang pandiwang Griego naman na nasa panahunang pangkasalukuyan ay madalas na tumutukoy sa patuluyang pagkilos. Halimbawa, sa 1 Juan 3:6, ang pandiwang “magkasala” na nasa panahunang pangkasalukuyan ay isinaling “namimihasa sa kasalanan.” Sa Mateo 4:9, ang pandiwang nasa aorist ay malinaw na nagpapakitang “isang beses” lang ang pagsambang hiniling ni Satanas kay Jesus, hindi patuluyan.
Ang isang utos ay puwede ring nasa anyong aorist. Di-gaya ng isang pagbabawal na nasa panahunang pangkasalukuyan, na madalas na tumutukoy sa isang utos para itigil ang paggawa ng isang bagay (Luc 5:10; 23:28; Ju 2:16), ang pagbabawal na nasa anyong aorist ay puwedeng tumukoy sa isang utos na huwag gawin ang isang bagay kahit kailan. Ang isang halimbawa ay nasa Mateo 6:34: “Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw.” Dito, ipinapahiwatig ng pandiwang aorist na hindi tayo dapat mag-alala kahit kailan.