Kanon (kanon ng Bibliya)
Ang ekspresyong “kanon ng Bibliya” ay tumutukoy sa koleksiyon, o listahan, ng mga aklat na kinikilalang totoong bahagi ng banal na Kasulatan.
Ang terminong “kanon” ay mula sa salitang Hebreo na qa·nehʹ (tambo). Ginagamit ang tambo bilang batayan o panukat. (Eze 41:8) Kaya ang kanon ng Bibliya, o koleksiyon ng mga aklat na mula sa Diyos, ay magagamit ng mga mambabasa na “batayan” ng kanilang pananampalataya, turo, at paggawi.
Ang kanon ng Hebreong Kasulatan ay nakumpleto noong katapusan ng ikalimang siglo B.C.E. Ayon sa mga akdang Judio, sinimulan ito ng mahusay na eskriba at manunulat ng Bibliya na si Ezra, at tinapos ito ni Nehemias. (Ezr 7:6, tlb.) Natapos ang pagsulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan noong ang mga tagasunod ni Kristo ay mayroon pang kaloob ng espiritu. (Ju 14:26; Apo 1:1) Ang ilang Kristiyano noon ay may kaloob na “kumilala ng pananalita mula sa Diyos.” (1Co 12:10) Kaya hindi nila kailangang kumonsulta sa mga lider ng simbahan para malaman kung ang mga sulat na natatanggap ng kongregasyon ay mula sa Diyos. Nang mamatay si Juan, ang huling apostol, wala nang ginabayan ang espiritu para sumulat ng mga aklat ng Bibliya. Kaya ang kanon ng Bibliya ay nakumpleto matapos isulat ang aklat ng Apocalipsis, ang Ebanghelyo ni Juan, at ang tatlo niyang liham. Nang maglaon, may ilang manunulat at istoryador na kumilala sa kanon ng Bibliya. Pero ang testimonya nila ay hindi magagamit na basehan ng pagtukoy sa kung ano ang bahagi ng kanon, dahil ang banal na espiritu ang ginamit ng Diyos para matukoy ito.