Panlipunang Paglilibang—Tamasahin ang mga Pakinabang, Iwasan ang mga Silo
“Walang lalong maigi [sa tao] kundi ang kumain at uminom nga at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pinagpagalan.”—ECLESIASTES 2:24.
1. Sa papaano tinutulungan ng patnubay ng Diyos ang kaniyang bayan kung tungkol sa paglilibang?
ANG patnubay ni Jehova ay nagdadala sa kaniyang mga lingkod ng maraming pakinabang. Makikita natin ito sa larangan ng libangan. Ang kaniyang patnubay ay naglalayo sa mga Kristiyano sa pagmamalabis sa magkabilang panig ng paniniwala. Ang ibang relihiyonista, na istrikto sa damit at sa asal, ay may paniwala na makasalanan ang anumang paglilibang. Sa isang banda, karamihan ng tao ay nahihilig sa paglilibang kahit na iyon ay labag sa mga kautusan at simulain ni Jehova.—Roma 1:24-27; 13:13, 14; Efeso 4:17-19.
2. Ano ang nagbigay ng maagang pagkakakilanlan sa pananaw ng Diyos tungkol sa paglilibang?
2 Subalit, kumusta naman ang bayan ni Jehova? Maraming nagsisimulang mag-aral ng Bibliya ang nagtataka pagka naalaman nila na nilalang ng Diyos ang tao na taglay ang katangian na maligayahan sa buhay. Binigyan niya ang ating unang mga magulang ng gawain—ngunit hindi yaong nakaiinip na gawain na nararanasan ng karamihan ng di-sakdal na mga tao. (Genesis 1:28-30) Isipin ang napakaraming mabubuting paraan na makapagpapaligaya sa lahat ng naninirahan sa isang makalupang paraiso. Gunigunihin ang kanilang kagalakan sa pagmamasid sa maiilap na mga hayop na hindi magiging panganib at ang sari-saring maaamong hayop na maaaring maging bahagi ng araw-araw na pamumuhay! At anong sarap na pagkain ang makukuha nila buhat sa “bawat punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabuting kanin”!—Genesis 2:9; Eclesiastes 2:24.
3-5. (a) Sa anong layunin dapat magsilbi ang paglilibang? (b) Bakit matitiyak natin na hindi pinanghina ng Diyos ang loob ng mga Israelita sa paghahangad ng libangan?
3 Ang mga gawaing iyon, sa katunayan, ay maituturing na libangan, ang layunin nito sa Paraiso ay magiging katulad din sa ngayon: upang muling sariwain at isauli ang lakas ng isa para makapagpatuloy sa mabungang aktibidades (gawain). Pagka ito’y nagawa ng paglilibang, iyon ay kapaki-pakinabang. Iyan ba ay nangangahulugan na ang mga tunay na mananamba ay maaaring makapagbigay-dako sa paglilibang kahit na hindi pa namumuhay sa Paraiso? Oo. Sa Insight on the Scriptures ay sinasabi ang tungkol sa paglilibang ng sinaunang mga lingkod ni Jehova:
4 “Ang mga paglilibang at dibersiyon ng mga Israelita ay hindi binibigyan ng prominenteng paglalarawan sa Bibliya. Gayumpaman, ipinakikita niyaon na ang mga ito’y dapat malasin bilang kapuwa nararapat at kanais-nais pagka naaayon sa relihiyosong mga simulain ng bansa. Ang pangunahing mga uri ng paglilibang ay ang pagtugtog ng mga instrumento sa musika, pag-awit, pagsasayaw, pag-uusap, at pati na rin ang ilang laro. Ang pagbibigay ng mga palaisipan at ng mahihirap na tanong ay lubhang minamahalaga.—Huk. 14:12.”—Tomo 1, pahina 102.
5 Nang bumalik si David na taglay ang tagumpay, ang mga babaing Hebreo ay gumamit ng mga lutes at mga pandereta samantalang nagdiriwang (Hebreo, sa·chaqʹ). (1 Samuel 18:6, 7) Ang saligang kahulugan ng salitang Hebreo ay “tumawa,” at sa ilang bersiyon naman ay binabanggit na “mga babaing nagsasaya.” (Byington, Rotherham, The New English Bible) Samantalang inililipat ang Kaban, “si David at ang buong sambahayan ng Israel ay nagdiriwang sa harap ni Jehova taglay ang lahat ng uri ng instrumento.” Si Michal, ang asawa ni David, ay di-timbang sa kaniyang pangmalas, sapagkat siya’y tumutol sa pakikibahagi ni David sa mga aktibidades sa pagdiriwang. (2 Samuel 6:5, 14-20) Humula ang Diyos na ang nagsisibalik na mga bihag buhat sa Babilonya ay makikibahagi sa nakakatulad na mga kasayahan.—Jeremias 30:18, 19; 31:4; ihambing ang Awit 126:2.
6. Papaano tayo tinutulungan ng Kasulatang Griegong Kristiyano sa ating pananaw tungkol sa paglilibang?
6 Tayo rin ay dapat na maghangad na maging timbang tungkol sa paglilibang. Halimbawa, alam ba natin na si Jesus ay hindi isang taong mapagkait sa sarili? Siya’y nagbigay ng panahon sa nakapagpapasiglang mga handaan, tulad halimbawa ng “malaking piging” na inihanda ni Levi. At nang pintasan siya ng mga taong nag-aaring matuwid-sa-sarili sa pakikisalamuha at pakikipag-inuman, tinanggihan ni Jesus ang kanilang opinyon at mga pamamaraan. (Lucas 5:29-31; 7:33-36) Alalahanin din na siya’y kapuwa dumalo sa isang kasalan at nakibahagi sa mga kasayahan. (Juan 2:1-10) Binanggit ng kapatid ni Jesus sa ina na si Judas na ang mga Kristiyano ay may “mga piging ng pag-iibigan,” marahil mga kainan na kung saan ang mga dukha ay nasisiyahan sa pagkain at sa kalugud-lugod, maalwang pakikipagsamahan.—Judas 12.
Panlipunang Paglilibang Kung Tungkol sa Panahon at Lugar
7. Papaano nanghihimok ang Salita ng Diyos na maging timbang tungkol sa paglilibang?
7 Mabuti ang pagkasabi ng Eclesiastes 10:19 tungkol sa ‘tinapay sa ikapagtatawa ng mga manggagawa at alak na nagpapasaya sa buhay.’ Waring hindi ibig sabihin na likas na mali o masama ang paglilibang, di ba? Gayunman, ang aklat ding iyan ay nagsasabi: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw.” (Eclesiastes 3:1, 4) Oo, bagaman hindi minamasama ang nararapat na paglilibang, tayo’y pinapag-iingat ng Bibliya. Kasama na rito ang payo na ang panlipunang paglilibang ay ilagay sa kaniyang dako kung tungkol sa panahon at lugar. Tayo’y pinaaalalahanan din tungkol sa mga silo na malimit nangyayari sa malalaking panlipunang mga pagtitipon.—2 Timoteo 3:4.
8, 9. Bakit ang panahon na kinabubuhayan natin at ang ating bigay-Diyos na atas ay dapat makaugnay ng paglilibang?
8 Napansin natin na ang mga Judio na nagbabalik galing sa Babilonya—na nagpagal nang puspusan—ay nakibahagi sa masayang libangan. Gayunman, una pa rito ay sinabi ni Jeremias na hindi siya ‘mauupo sa matalik na grupo ng mga nangagbibiruan o nangagsasaya.’ (Jeremias 15:17) Siya’y kinasihan na maghatid ng isang pabalita tungkol sa napipintong pagpaparusa, kaya hindi iyon ang itinakdang panahon upang siya’y makipagsaya.
9 Ang mga Kristiyano sa ngayon ay inatasan na maghayag ng mensahe ng Diyos ng pag-asa at magpahayag ng kaniyang mga kahatulan laban sa balakyot na sistema ni Satanas. (Isaias 61:1-3; Gawa 17:30, 31) Sa gayo’y dapat makita na hindi natin pinapayagang maging prominente sa ating buhay ang paglilibang. Maipaghahalimbawa natin iyan sa isang karampot na asin o sa isang natatanging pantimpla na lalong nagpapasarap sa pagkain. Titimplahan mo ba ang pagkain ng napakarami nito anupat nadadaig pa ang pagkain? Hindi nga. Kasuwato ng mga salita ni Jesus sa Juan 4:34 at Mateo 6:33, ang pangunahing pinagkakaabalahan natin—ang ating mismong pagkain—ay dapat na ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Kaya naman ang paglilibang ay nagiging mistulang pantimpla. Ito’y dapat magpasigla at magpalakas, hindi upang magbigay ng kapaguran o panghihina.
10. Bakit lahat tayo ay dapat magsuri ng ating libangan kung tungkol sa ating ginugugol na panahon doon?
10 Huminto at isaalang-alang, nga: Hindi ba karamihan ng tao ay nagsasabi na ang panahon at atensiyon na kanilang ibinibigay sa paglilibang ay katamtaman? Kung hindi gayon, disin sana ay gumawa sila ng pagbabago. Hindi ba ito nagpapahiwatig na bawat isa sa atin ay dapat huminto sandali at taimtim, tahasan, na suriin kung ano ang aktuwal na dako ng paglilibang sa ating buhay? Hindi kaya ito palihim na naging pangunahing bahagi ng ating buhay? Halimbawa, kusa bang binubuksan natin ang TV pagdating natin sa tahanan? Tayo ba’y namihasa na ng paggugol ng malaking bahagi ng panahon sa paglilibang bawat sanlinggo, tulad halimbawa tuwing Biyernes ng gabi o Sabado ng gabi? Tayo ba’y malulungkot kung dumating ang panahong iyan at tayo’y nasa bahay na walang isinaplanong paglilibang? Dalawa pang karagdagang tanong: Pagkatapos ng isang pagtitipon, atin bang nadama na tayo’y gabing-gabi nang nakauwi o naglakbay nang napakalayo na anupat tayo’y nahapo, baka hapung-hapo upang makibahagi pa sa ministeryong Kristiyano o makapagtrabaho pa nang mahusay sa maghapon? Kung ang ating libangan manaka-naka, o madalas, ay may ganiyang epekto iyon ba ay talagang angkop at timbang na paglilibang?—Ihambing ang Kawikaan 26:17-19.
11. Bakit angkop na repasuhin ang uri ng ating libangan?
11 Marahil ay makabubuti na repasuhin din natin ang uri ng ating libangan. Hindi dahil sa tayo’y mga lingkod ng Diyos ay katiyakan iyon na angkop ang ating libangan. Isaalang-alang ang isinulat ni apostol Pedro sa pinahirang mga Kristiyano: “Sapat na ang nakaraang panahon nang gawin ninyo ang kalooban ng mga bansa nang kayo’y lumakad sa kalibugan, sa masasamang pita, sa pagmamalabis sa alak, sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom, at sa labag-kautusang mga idolatriya.” (1 Pedro 4:3) Hindi niya sinusurot ang sinuman upang paratangan sila, wika nga, na binibintangan ang kaniyang mga kapatid ng pagtulad sa ginagawa ng mga taga-sanlibutan. Gayunman, mahalaga sa mga Kristiyano (noon at ngayon) na maging listo sapagkat ang sinuman ay maaaring madaling mabiktima ng nakapipinsalang paglilibang.—1 Pedro 1:2; 2:1; 4:7; 2 Pedro 2:13.
Maging Listo sa mga Silo
12. Ang 1 Pedro 4:3 ay nagtatampok ng anong uri ng silo?
12 Sa anong uri ng silo dapat tayong maging listo? Bueno, binanggit ni Pedro ang “pagmamalabis sa alak, sa mga kalayawan, sa mga paligsahan ng pag-inom.” Ipinaliwanag ng isang komentaristang Aleman na ang salitang Griego na ginamit ay “lalung-lalo nang kumakapit sa sosyal na pag-inom sa bangkete.” Isang propesor na Swiso ang sumulat na ang mga kaugaliang iyon ay karaniwan noon: “Ang paglalarawan ay tumutukoy sa organisadong mga pagtitipon o dili kaya’y sa regular na mga samahan na kung saan ginaganap ang nakahihiyang mga gawain na inilarawan.”
13. Papaanong ang paggamit ng alak sa mga pagtitipon ay nagiging isang silo? (Isaias 5:11, 12)
13 Ang paggamit ng mga alak sa malalaking panlipunang mga pagtitipon ay nagsilbing silo sa marami. Hindi ibig sabihin na para bang ibinabawal ng Bibliya ang katamtamang paggamit ng gayong mga inumin, sapagkat hindi naman gayon. Bilang patotoo nito, si Jesus ay gumawa ng alak sa isang kasalan sa Cana. Hindi nagkaroon doon ng labis na pag-iinuman, sapagkat sinunod din ni Jesus ang payo ng Diyos na iwasan ang mapabilang sa malalakas uminom. (Kawikaan 23:20, 21) Ngunit isaalang-alang ang detalyeng ito: Ang direktor ng kapistahang iyon ay nagsabi na sa mga ibang kapistahan ang mabuting alak ang isinisilbing una ‘at pagka lasing na ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri ng alak.’ (Juan 2:10) Kaya karaniwan na para sa mga Judio na malasing sa mga kasalan na kung saan may saganang alak para sa lahat.
14. Papaano mapagtatagumpayan ng punong-abalang mga Kristiyano ang silo na nagagawa ng alak?
14 Kaya naman, ang ilang mga Kristiyanong punong-abala ay naghahanda ng alak, beer, at iba pang mga inuming de alkohol tangi lamang kung personal na mapangangasiwaan ang isinisilbi o ipinaiinom sa kanilang mga bisita. Kung ang isang grupo ay mas malaki kaysa tuwirang mapangangasiwaan ng punong-abala, tulad halimbawa ng binanggit na mga kasalang Judio, ang maraming alak ay maaaring maging isang mapanganib na silo. Baka mayroon doon na isang taong nakipagpunyagi at nagtagumpay naman sa isang problema sa pag-inom. Maiintindihan mo na dahil sa pagkakataong napaharap nang walang patumangga sa alak ay maaaring matukso siya na uminom ng labis-labis at sirain ang pagkakataong iyon para sa lahat. Isang tagapangasiwa at ama sa Alemanya ang bumanggit na nakikinabang ang kaniyang pamilya sa kalugud-lugod na pakikihalubilo sa mga pagtitipon kasama ng mga kapananampalataya. Ngunit, kaniyang isinusog na ang potensiyal para sa mga suliranin ay tiyakang mas malaki pagka maluwag na nakahihingi roon ng beer.
15. Papaano makakamit ang wastong patnubay sa panlipunang mga pagtitipon?
15 Ang kasalan sa Cana ay may isang “direktor ng kapistahan.” (Juan 2:8) Ito’y hindi nangangahulugan na ang isang pamilyang nag-anyaya ng isang grupo sa kaniyang bahay para sa isang pagsasalu-salo o upang sila’y magkasama-sama ay kailangang mag-atas ng isang direktor. Ang asawang lalaki ang may pananagutan na mangasiwa sa okasyong iyon. Subalit kahit ang isang grupo ay binubuo ng dalawa lamang pamilya o mas malaki pa, dapat liwanagin na may isa na mananagot kung anuman ang mangyari doon. Maraming magulang ang nagtatanong muna tungkol dito pagka ang kanilang anak na lalaki o babae ay inaanyayahan sa isang sosyal na pagtitipon. Sila’y nakikipagtalastasan sa punong-abala upang itanong kung sino ang mangangasiwa sa buong pagtitipon, kasali na ang pagiging presente roon hanggang sa matapos. Isinaayos pa ng mga magulang na Kristiyano ang kanilang sariling iskedyul upang makadalo roon para ang kapuwa nakatatanda at ang mga nakababata ay parehong makinabang sa pagsasamahang iyon.
16. Anu-ano ang angkop isaalang-alang kung tungkol sa laki ng mga pagtitipon?
16 Ang sangay ng Watch Tower Society sa Canada ay sumulat: “Ang payo tungkol sa paglalagay ng limitasyon sa sosyal na mga pagtitipon ay inunawa ng ilang matatanda bilang nangangahulugan na ang malalaking pagtitipon sa mga handaan ng kasal ay paglabag sa payo. Kanilang ikinatuwiran na kung tayo’y pinapayuhan na panatilihing maliit, na madaling pangasiwaan ang ating sosyal na mga pagtitipon, isang pagkakamali na magkaroon ng 200 o 300 na mga bisita sa isang handaan sa kasal.”a Imbes na ipakadiin ang isang itinakdang laki na salig sa sariling pananaw, ang pangunahing atensiyon ay dapat nasa tumpak na pangangasiwa, gaano mang karami ang dadalo roon. Ang dami ng alak na ginawa ni Jesus ay nagpapakita na may kalakihan ang grupong dumalo sa kasalan sa Cana, subalit maliwanag na maayos ang pangangasiwa roon. Ang mga ibang kapistahan noong sinauna ay hindi gayon; ang laki ng mga ito ay maaaring isang dahilan kung kaya hindi napangasiwaang mabuti. Mientras malaki ang isang pagtitipon, lalo namang malaki ang hamon, sapagkat mas madali para sa mahihina, na mahilig magmalabis, na maging pangahas. Sa mga pagtitipon na walang tagapangasiwa sila’y baka magpasok ng nakapag-aalinlangang mga aktibidades.—1 Corinto 10:6-8.
17. Papaano maipakikita ang pagiging timbang ng Kristiyano pagka nagpaplano ng isang pagtitipon?
17 Sa mainam na pangangasiwa sa isang sosyal na pagtitipon ay kasali na ang pagpaplano at paghahanda niyaon. Hindi naman kailangan dito na gumawa ng isang nakatatawag-pansin na tema upang gawin iyon na pambihira o hindi malilimot subalit ang tinutularan ay ang makasanlibutang mga handaan, gaya ng malalaking sayawan na ang mga dumadalo’y nangakasuot ng pantanging mga damit o mga nangakabalatkayo. Iyo bang maguguniguni na ang tapat na mga Israelita sa Lupang Pangako ay magpaplano ng isang party na kung saan lahat doon ay nakabihis ng gaya ng mga pagano sa Ehipto o sa ibang lupain? Sila kaya’y magpaplano ng mahalay na sayaw o magaslaw na musika na maaaring popular noon sa mga pagano? Doon sa Bundok Sinai, sila’y nasilo sa musika at sayaw na marahil ay uso noon at popular sa Ehipto. Alam natin kung ano ang pananaw ng Diyos at ng kaniyang maygulang na lingkod na si Moises sa pagtitipong iyon. (Exodo 32:5, 6, 17-19) Kung gayon, ang punong-abala o tagapangasiwa ng isang sosyal na pagtitipon ay magsasaalang-alang kung doon ba’y magkakaroon ng anumang awitan o sayawan; at kung mayroon, tiyakin niya na hindi iyon lumalabag sa mga simulaing Kristiyano.—2 Corinto 6:3.
18, 19. Anong matalinong unawa ang makukuha natin buhat sa pag-aanyaya kay Jesus sa isang kasalan, at papaano natin maikakapit ito?
18 Sa katapus-tapusan, natatandaan natin na ‘si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naanyayahan sa kasalan.’ (Juan 2:2) Ipagpalagay natin, na ang isang Kristiyano o ang isang pamilya ay naanyayahan lamang na dumalaw sa iba para sa isang kalugud-lugod, nagpapatibay na panahon. Subalit para sa isinaplanong sosyal na mga pagkakataon, ipinakikita ng karanasan na ang pagtiyak bago pa man kung sino ang dadalo roon ay tumutulong upang maiwasan ang mga problema. Ang kahalagahan nito ay idiniin ng isang matanda sa Tennessee, E.U.A., na nagpalaki ng mga anak na lalaki at babae na nasa buong-panahong ministeryo. Bago siya o ang kaniyang maybahay ay tumanggap ng isang paanyaya, o payagan ang kaniyang mga anak na dumalo, siya’y nakikipagtalastasan muna sa punong-abala upang matiyak na antimano kung sinu-sino ang dadalo roon. Ang kaniyang pamilya ay nailayo sa mga silo na naranasan ng iba sa mga pagtitipon na libreng daluhan ng lahat, maging iyon man ay isang salu-salo, isang piknik, o pag-eehersisyo, gaya ng paglalaro ng bola.
19 Hindi minabuti ni Jesus ang pag-aanyaya sa isang pagtitipon ng mga kamag-anak lamang, dating mga kaibigan, o mga kaedad o may kaparehong kabuhayan. (Lucas 14:12-14; ihambing ang Job 31:16-19; Gawa 20:7-9.) Kung maingat na pag-iisipan mo kung sino ang aanyayahan, mas madaling isali ang mga Kristiyano na may sari-saring edad at mga kalagayan. (Roma 12:13; Hebreo 13:2) Ang ilan sa kanila ay baka mahihina sa espirituwal o mga baguhan na maaaring makinabang sa pakikisama sa maygulang na mga Kristiyano.—Kawikaan 27:17.
Ang Libangan na Nasa Wastong Dako
20, 21. Bakit angkop na magkaroon ng dako sa ating buhay ang libangan?
20 Angkop para sa atin bilang mga taong may takot sa Diyos na maging interesado sa ating libangan at alamin na iyon ay nararapat at tayo ay timbang sa laki ng panahong ating ginagamit para doon. (Efeso 2:1-4; 5:15-20) Ang kinasihang manunulat ng Eclesiastes ay may gayong damdamin: “Pinuri ko ang pagsasaya, sapagkat sa sangkatauhan ay walang maiging bagay sa ilalim ng araw kundi ang kumain at ang uminom at ang magsaya, at ito’y dapat na kasama nila sa kanilang pagpapagal sa mga araw ng kanilang buhay, na ibinigay sa kanila ng tunay na Diyos sa silong ng araw.” (Eclesiastes 8:15) Ang ganiyang timbang na mga kaluguran ay maaaring makapagpasigla sa katawan at makatulong upang mapagaan ang mga suliranin at mga kabiguan na karaniwan sa kasalukuyang pamamalakad.
21 Bilang halimbawa, isang payunir na Austriano ang sumulat sa isang dating kaibigan: “Kami ay nagkaroon ng isang napakagandang pagliliwaliw noong nakalipas na araw. Mga 50 kami na lumulan sa sasakyan para tumungo sa isang munting loók malapit sa Ferlach. Si Brother B———— ang nangunguna sakay ng kaniyang van, may dalang tatlong parilya, titikluping mga silya, mga mesa, at may kasama pang isang mesa sa pingpong. “Kami ay lubhang nasiyahan doon. Isang sister ang may dalang accordion kaya kami ay umawit ng maraming awiting pang-Kaharian. Ang mga kapatid, bata’t matanda, ay nasiyahan naman sa pagsasama-samang iyon.” Siya’y may di-malilimot na mga alaala tungkol sa mainam ang pagkapamahalang paglilibang na malayo sa mga silo na gaya ng pagmamalabis sa pag-inom o mahalay na asal.—Santiago 3:17, 18.
22. Samantalang tinatamasa natin ang kasiyahan sa panlipunang libangan, anong babala ang dapat laging isaisip ng bawat isa sa atin?
22 Tayo’y pinayuhan ni Pablo na pakaingat na huwag magpadala sa mga pita ng di-sakdal na laman, huwag man lamang magsasaplano ng mga bagay na maghahantad sa atin sa tukso. (Roma 13:11-14) Kasali na riyan ang mga plano para sa panlipunang paglilibang. Pagka ating ikinakapit dito ang kaniyang payo, maiiwasan natin ang mga kalagayan na umakay sa ilan sa pagkabagbag ng espirituwalidad. (Lucas 21:34-36; 1 Timoteo 1:19) Bagkus, matalinong pipiliin natin ang kapaki-pakinabang na paglilibang na tutulong sa atin na panatilihin ang ating kaugnayan sa Diyos. Sa gayon ay makikinabang tayo sa panlipunang paglilibang na maituturing na isa sa mabubuting kaloob ng Diyos.—Eclesiastes 5:18.
[Talababa]
a Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1984, ay may timbang na payo tungkol sa kasal at sa mga handaan sa kasalan. Ang isang lalaking ikakasal at ang kaniyang nobya, pati ang iba na tutulong sa kanila, ay makikinabang sa pagrerepaso sa materyal na ito bago gawin ang kanilang mga plano sa kasal.
Ano ba ang Ating Natutuhan?
◻ Anong timbang na pananaw ang makikita natin sa Bibliya tungkol sa pagtatamasa ng kasiyahan sa panlipunang libangan?
◻ Bakit dapat isaalang-alang ang tungkol sa panahon at uri ng libangan?
◻ Ano ang ilan sa mga bagay na magagawa ng isang punong-abalang Kristiyano upang makaiwas sa mga silo?
◻ Kung iyon ay angkop at timbang, ano ang magagawa ng libangan para sa mga Kristiyano?
[Larawan sa pahina 18]
Ang isang punong-abala o isang direktor sa isang pagtitipon ay may pananagutan na asikasuhin ang mga panauhin upang huwag masilo