Isang Bagong Depensa sa Pakikipagbaka sa Tuberkulosis
TUBERKULOSIS (TB) ang pinakamatandang nakahahawang sakit na mamamatay-tao, at ito’y nananatiling isang malubhang banta sa kalusugan anupat inihahambing ito ng World Health Organization (WHO) sa isang time bomb. “Nakikipag-unahan tayo sa panahon,” babala ng isang ulat ng WHO tungkol sa TB. Kung hindi mapawawalang-bisa ng tao ang bombang ito, baka makaharap niya balang araw ang isang karamdamang di-tinatablan ng gamot na “kumakalat sa hangin, gayunma’y talagang di-malunasan na gaya ng AIDS.” Dumating na ang panahon, ang himok ng WHO, upang kilalanin ang pagiging nakapipinsala ng TB. “Ang bawat isa na lumalanghap ng hangin, mula sa Wall Street hanggang sa Great Wall . . . , ay dapat mabahala tungkol sa panganib na ito.”
Isang pagpapakalabis? Hindi. Isip-isipin lamang kung gaanong pag-iingat ang gagawin ng daigdig kung isang karamdaman ang nagbabantang kumalat at lumipol sa buong populasyon ng, halimbawa, Canada sa loob ng sampung taon! Bagaman ito’y parang isang kathang-isip, totoo ang banta. Sa buong daigdig, ang TB ay pumapatay ng mas maraming tao kaysa sa pinagsamang AIDS, malarya, at mga karamdamang pantropiko: 8,000 tao sa bawat araw. Mga 20 milyong tao ngayon ang pinahihirapan ng aktibong TB, at mga 30 milyon ang maaaring mamatay dahil dito sa susunod na sampung taon—mas marami kaysa sa populasyon ng Canada.—Tingnan ang kahon na “Ang Mahigpit na Pangglobong Hawak ng TB,” sa pahina 22.
Ang Mabuting Balita Ngayon
Gayunman, may pag-asa sa ngayon. Pagkatapos ng sampung taon ng pagsubok, nakatuklas ang mga mananaliksik ng isang estratehiya na makasusupil sa lakas ng TB bilang isang nakawalang mamamatay-tao tungo sa pagiging isang nasawatang kriminal. Tinawag ni Dr. Hiroshi Nakajima, dating panlahat na patnugot ng WHO, ang bagong estratehiyang ito na “isa sa pinakamahalagang tuklas ng dekadang ito sa kalusugang bayan.” At sinabi ni Dr. Arata Kochi, patnugot ng WHO Global TB Programme, na ito’y nagbibigay ng unang pagkakataon upang “sugpuin ang epidemya ng TB.” Ang dahilan ng lahat ng katuwaang ito? Ang paraang tinatawag na DOTS.
Ang DOTS ay isang akronima para sa directly observed treatment, short-course. Isa itong sistema ng pangangasiwang pangkalusugan na makapagpapagaling sa karamihan ng mga maysakit na TB sa loob ng anim hanggang walong buwan nang hindi gumugugol ng isang araw sa ospital. Ang DOTS ay depende sa limang elemento para sa tagumpay nito. Kung wala ang alinman sa mga elementong ito, sabi ng WHO, ang kakayahang gamutin ang mga biktima ng TB ay “mawawalang saysay.” Anu-ano ang mga elementong ito?
● 1. Directly: Ang pinakamapanganib na kaso ng TB ay ang kaso na hindi nasusuri. Kaya binibigyang-diin ng WHO na una sa lahat, dapat ituon (direct) ng mga manggagawa sa pangangalagang-pangkalusugan ang kanilang mga pagsisikap upang kilalanin ang mga tao sa kanilang pamayanan na may nakahahawang TB.
● 2. Observed: Ang ikalawang elemento ng DOTS ay nagpapangyari sa sistemang pangkalusugan—hindi sa pasyente—na maging responsable sa pagkakamit ng lunas. Ang mga manggagawa sa pangangalagang-pangkalusugan o sinanay na mga boluntaryo, gaya ng mga bantay sa tindahan, guro, o dating mga pasyenteng may TB, ay nagmamasid (observe) sa paglunok ng mga pasyente ng bawat dosis ng mga gamot na panlaban sa TB. Mahalaga sa tagumpay ang “mga tagamasid sa pasyente” sapagkat ang pangunahing dahilan kung bakit umiiral pa rin hanggang ngayon ang TB ay na inihihinto nang maaga ng mga pasyente ang pag-inom ng kanilang mga gamot. (Tingnan ang kahon na “Bakit Dumarami—Na Naman?” sa pahina 22.) Pagkaraan lamang ng ilang linggo ng paggamot, bumubuti na ang kanilang pakiramdam kung kaya inihihinto na nila ang pag-inom ng mga pildoras. Gayunman, ang paggagamot ay kailangang gawin sa loob ng anim hanggang walong buwan upang maalis ang lahat ng baktirya ng TB.
● 3. Treatment: Sa loob ng anim hanggang walong buwang ito, sinusubaybayan ng mga manggagawang pangkalusugan ang mga resulta ng paggamot (treatment) at isinusulat ang pagsulong ng mga pasyente. Sa ganitong paraan, natitiyak nila na ang mga pasyente ay lubusang gumaling at hindi makahahawa sa iba.
● 4. Short-Course: Sa paggamit ng tamang kombinasyon at tamang dami ng mga gamot na panlaban sa TB, na kilala bilang short-course chemotherapy, sa tamang haba ng panahon ang ikaapat na elemento ng estratehiyang DOTS. Ang pinagsamang mga gamot na ito ay sapat ang lakas upang patayin ang baktirya ng TB.a Dapat ay laging may suplay na gamot upang hindi maputol ang paggamot.
● 5. !: Ipinahahayag ng WHO ang ikalimang elementong ito ng estratehiyang DOTS sa pamamagitan ng isang tandang pandamdam sa dulo ng DOTS! Kinakatawan nito ang paglalaan ng pondo at makatuwirang mga patakaran. Hinihimok ng WHO ang mga sistemang pangkalusugan na mangalap ng pinansiyal na tulong mula sa mga gobyerno at hindi gobyernong organisasyon at gawing bahagi ng umiiral na sistemang pangkalusugan ng bansa ang paggamot sa TB.
May kinalaman sa paglalaan ng pondo, ang paraan na DOTS ay nakaaakit sa mga gumagawa ng patakaran na humahawak ng pananalapi. Inihanay ng World Bank ang DOTS bilang “isa sa pinakamatipid na makukuhang paraan ng pakikipagbaka . . . sa karamdaman.” Ang kabuuang halaga sa paggamit ng estratehiya sa mahihirap na bansa, ayon sa tantiya ng WHO, ay mga $100 sa bawat pasyente. “Bihira pa itong magkahalaga ng mahigit na 10 sentimos (U.S.) bawat tao sa papaunlad na mga bansa, na kayang-kaya kahit sa pinakagrabeng mga kalagayan sa ekonomiya.” Gayunman, kasali sa mababang halaga ang maraming pakinabang.
Gaano Kabisa Ito?
Ipinahayag ng mga kinatawan ng WHO noong Marso 1997 na ang limitadong paggamit sa estratehiyang DOTS ay “nagpangyari na hindi tumaas ang bilang ng pangglobong epidemya ng TB sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng mga dekada.” “Kung saan ginamit ang DOTS, ang dami ng gumagaling ay halos nadoble.” Ang mga proyektong eksperimental na DOTS na isinagawa sa mga dakong marami ang may TB ay nagpapakita na mabisa ang estratehiya. Isaalang-alang ang ilang kuwento ng tagumpay na binanggit ng WHO.
Sa India ang “DOTS ay ginamit sa mga dako kung saan ito sinubukan na sumasaklaw sa mahigit na 12 milyong tao. . . . Magaling na ngayon ang tuberkulosis ng 4 sa bawat 5 pasyente.” Sa isang programang eksperimental na sumasaklaw ng isang milyong tao sa Bangladesh, “87 porsiyento [ng mga pasyenteng may TB] ang napagaling.” Sa isang isla sa Indonesia, isang proyektong DOTS “ang nagpagaling ng 9 sa 10 nakahahawang pasyente.” Sa Tsina, ang mga proyektong eksperimental ay “isang kahanga-hangang tagumpay,” anupat 94 na porsiyento ang dami ng gumaling. Sa isang lunsod sa Timog Aprika, “mahigit na 80 porsiyento [ng mga pasyenteng may TB] ang matagumpay na napagaling.” Kamakailan lamang, sinimulan din ang DOTS sa New York City, taglay ang kahanga-hangang mga resulta.
Ang mga tuklas ng mga field test sa maraming bansa, hinuha ni Dr. Kochi, ay nagpapakita na ang estratehiya ay “magagamit saanman at magbubunga ng 85 porsiyento o higit pang paggaling.”
Hindi Biglang Paglawak—Kundi Pagsulong
Sa pamamagitan ng isang paggamot na talagang makatatalo nang madali at hindi magastos sa isa sa pinakamapanganib na nakahahawang sakit na pumapatay ng tao, aasahan mo na ang estratehiyang DOTS ay biglang lalawak. “Gayunman,” sabi ng isang opisyal ng WHO, “nakapagtataka na iilang bansa lamang ang nagsasagawa ng estratehiya ng WHO na napatunayan na at matipid na pansugpo sa TB.” Sa katunayan, sa pagsisimula ng 1996, 34 na mga bansa lamang ang nagpatupad ng estratehiya sa buong bansa.
Magkagayon man, may pagsulong. Bago ang 1993, nang ipahayag ng WHO ang isang pangglobong krisis sa TB, 1 lamang sa bawat 50 pasyenteng may TB ang tumanggap ng DOTS. Ngayon ang katumbasan ay 1 sa bawat 10. Iniulat na noong 1998, mga 96 na bansa ang gumagamit ng estratehiyang DOTS. Kung mas maraming bansa ang magtataguyod sa DOTS, ang taunang bilang ng mga kaso ng TB ay ‘mababawasan ng kalahati sa loob lamang ng isang dekada.’ Ganito ang sabi ni Dr. Kochi: “Mayroon tayong napatunayang kaayusan sa pangangalagang pangkalusugan na nangangailangan lamang na gamitin nang malawakan.”
Yamang may kaalaman at kagamitan ang tao upang matagumpay na labanan ang TB, ang kulang na lamang ay ang ‘mga tao na titiyak na ang mga gamot na ito ay gagamitin sa buong daigdig.’ Hindi kataka-taka na sa isang publikasyong patungkol sa mga manggagamot at iba pang mga manggagawang pangkalusugan sa buong daigdig, ang WHO ay nagtanong: “Ano pa ang hinihintay nating lahat?”
[Talababa]
a Kabilang sa mga gamot ang isoniazid, rifampin, pyrazinamide, streptomycin, at ethambutol.
[Blurb sa pahina 21]
Bawat segundo, may isa sa lupa na nahahawa sa tuberkulosis
[Blurb sa pahina 21]
‘Ang mga gamot na nagliligtas-buhay ay hindi ginagamit samantalang milyun-milyon ang namamatay.’—Dr. Arata Kochi
[Blurb sa pahina 23]
“Ang estratehiyang DOTS ang kakatawan sa pinakamahalagang tuklas ng dekadang ito sa kalusugang bayan.”—Press release ng WHO
[Kahon sa pahina 22]
Bakit Dumami—NA NAMAN?
Ang lunas para sa tuberkulosis (TB) ay natuklasan mahigit nang apat na dekada ang nakalipas. Mula noon, mahigit na 120 milyong tao ang namatay na dahil sa TB, at halos 3 milyon pang tao ang mamamatay sa taóng ito. Bakit napakarami pa ring tao ang namamatay dahil sa TB gayong may lunas naman? Sa tatlong kadahilanan: pagpapabaya, HIV/AIDS, at TB na di-tinatablan ng maraming gamot.
Pagpapabaya. Ang mga mata ng daigdig ay nakatuon sa nakahahawang mga sakit na gaya ng AIDS at Ebola. Gayunman, iilang tao ang nakatatalos na sa bawat taong namatay dahil sa Ebola, 12,000 ang namatay dahil sa TB. Sa katunayan, napakapangkaraniwan ng TB sa papaunlad na mga bansa anupat minamalas ng mga tao roon na ang karamdaman ay normal na bahagi na ng buhay. Samantala, sa mas mayayamang bansa, ang TB ay pinabayaang lumaganap kahit na may mabibisang gamot para pagalingin ito subalit hindi ginagamit. Ang pangglobong pagpapabayang ito ay napatunayang isang nakamamatay na pagkakamali. Habang humihina ang pagkabahala ng daigdig may kinalaman sa TB, ang baktirya ng TB ay lalong lumalakas. Sinasalakay nito ngayon ang mas maraming tao sa mas maraming bansa na ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng tao.
HIV/AIDS. Ang TB ay kasama ng HIV at AIDS. Kapag ang mga tao’y nahawa ng HIV—na nagpapahina ng kanilang imyunidad—sila’y 30 ulit na mas malamang na magkaroon ng TB. Hindi kataka-taka na ang kasalukuyang epidemya ng HIV ay naging sanhi rin ng pagdami ng mga pasyenteng may TB! Tinatayang 266,000 tao na positibo sa HIV ang namatay dahil sa TB noong 1997. “Mga lalaki’t babae ito,” sabi ni Peter Piot, patnugot ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS, “na hindi nakinabang sa matipid na mga gamot laban sa TB na kailangan nila upang mapagaling ang kanilang tuberkulosis.”
TB na Di-Tinatablan ng Maraming Gamot. “Ang mga superbug,” na hindi na tinatablan ng lahat ng antibiotic na ginawa ng tao, ay mga likha ng kathang-isip sa siyensiya, subalit sa kaso ng TB, ito ay mabilis na nagiging katotohanan. Mahigit na 50 milyong tao ang maaaring nahawa na sa TB na multidrug-resistant (MDR). Ang mga pasyenteng may TB ay humihinto na sa pag-inom ng mga gamot pagkatapos ng ilang linggo sapagkat bumubuti na ang kanilang pakiramdam, sapagkat naubos na ang kanilang gamot, o sapagkat nagdadala ng kahihiyan sa lipunan ang sakit ay hindi pumapatay sa lahat ng baktirya ng TB sa kanilang katawan. Halimbawa, sa isang bansa sa Asia, 2 sa bawat 3 pasyenteng may TB ang maagang huminto sa paggamot. Nang muli silang magkasakit, ang karamdaman ay maaaring mas mahirap nang gamutin sapagkat ang natirang baktirya ay lumalaban at nagtatagumpay sa bawat makukuhang gamot laban sa TB. Bunga nito, ang mga pasyente ay nauuwi sa isang uri ng TB na hindi na mapagagaling—para sa kanila at sa kaninuman na mahawaan nila. At minsang ang nakamamatay na genie na ito ng MDR ay kumalat sa hangin, may naiiwang malungkot na katanungan sa atin, Masasawata ba ng tao ang pagkalat nito?
[Kahon sa pahina 22]
Ang Mahigpit na Pangglobong Hawak ng TB
Ang epidemya ng tuberkulosis (TB) ay mas lumalaganap, mas magastos, at mas nakamamatay sa bawat taon. Natunton ng mga ulat na natipon ng World Health Organization ang paglaganap ng di-kilalang mamamatay-tao na ito. Narito ang ilang halimbawa: “Natatalo ang Pakistan sa pakikipagbaka sa tuberkulosis.” “Muling lumitaw ang tuberkulosis sa Thailand taglay ang paghihiganti.” “Ngayon, ang tuberkulosis ay nahahanay sa nangungunang mga sanhi ng karamdaman at kamatayan sa Brazil.” “Pinanatili ng tuberkulosis ang mahigpit na hawak nito sa mga tao sa Mexico.” Sa Russia, “lubhang dumarami ang maysakit ng TB.” Sa Ethiopia, ang “tuberkulosis ay hindi masawata sa buong bansa.” “Ang Timog Aprika ay isa sa may pinakamataas na bilang ng naiulat na kaso ng TB sa buong daigdig.”
Bagaman 95 sa bawat 100 pasyenteng may TB ang nakatira sa mas mahihirap na bansa sa daigdig, ang TB ay kumakalat din sa mayayamang bansa. Naranasan ng Estados Unidos ang biglang pagdami sa naiulat na mga kaso ng TB noong mga unang taon ng dekada ng 1990. Binanggit ng peryodista sa Estados Unidos na si Valery Gartseff na ang TB “ay minsan pang nagbalik upang salutin ang mga Amerikano.” Sa katulad na paraan, si Dr. Jaap Broekmans, patnugot ng Royal Netherlands TB Association, ay nagsabi kamakailan na ang epidemya ng TB ay “nagsimulang lumala sa Silangang Europa at sa mga bahagi ng Kanlurang Europa.” Hindi kataka-taka, binanggit ng babasahing Science, ng Agosto 11, 1997, na ang “tuberkulosis ay patuloy na nagiging isang malaking banta sa kalusugan.”
[Kahon sa pahina 24]
Natuklasan ang Blueprint ng TB
Nagtagumpay kamakailan ang mga mananaliksik sa paggawa ng dokumento sa buong henetikong blueprint ng baktirya ng tuberkulosis (TB). Ang pambihirang tuklas na ito ay palatandaan ng “isang bagong yugto sa pakikipagbaka sa isa sa pinakamatagumpay na maninila ng sangkatauhan,” ang sabi ni Dr. Douglas Young, ng Imperial College School of Medicine sa London. Ang World Health Organization ay nag-uulat na ang tuklas na ito ay “maaaring maging napakahalaga sa pananaliksik sa hinaharap tungkol sa mga gamot at bakuna laban sa TB.”—The TB Treatment Observer, Setyembre 15, 1998.
[Mga larawan sa pahina 23]
Maaaring patayin ng pinagsamang mga gamot na ito ang baktirya ng TB
[Credit Lines]
Larawang ibinigay ng WHO, Geneva
Larawan: WHO/Thierry Falise
[Mga larawan sa pahina 24]
Nangangailangan ng $100 upang gamutin ang isang pasyente
[Credit Lines]
Larawan: WHO/Thierry Falise
Larawang ibinigay ng WHO, Geneva
Larawan: WHO/Thierry Falise
[Picture Credit Lines sa pahina 21]
Larawan: WHO/Thierry Falise
Larawang ibinigay ng WHO, Geneva
Larawan: WHO/Thierry Falise