Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 7/15 p. 9-12
  • Iniingatan ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Hungarya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Iniingatan ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Hungarya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Isang Katamtamang Pagsisimula
  • Tumindi ang mga Pag-atake
  • Matagal na Ipinagbawal
  • Pansamantala Lamang ang Isang Mainam na Pagbabago
  • Nagsimula ang Kakilabutan
  • Gumagandang mga Pag-asa
  • Malaya Na sa Wakas!
  • Kung Ano ang Nangyayari Ngayon
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 7/15 p. 9-12

Iniingatan ni Jehova ang Kaniyang Bayan sa Hungarya

ANG Hungarya, nasa gitna ng Europa, ay kalimitang dinadalaw ng mga kaligaligan ng kasaysayan. Ang mga mamamayan nito ay labis na nagdusa, bagaman sila’y inialay sa Birheng Maria at pinilit na maging naturingang mga Kristiyano noong 1001 ni Stephen, ang kanilang unang hari.

Sa paglakad ng daan-daang taon ang Hungarya ay pinahina ng maraming mga alitang panloob na umakay sa ibang mga bansa upang paulit-ulit na supilin ito. Ang populasyon ng buu-buong mga bayan ay nangalipol sa mga pagbabakang ito, at sa bandang huli ay nahalinhan na ng populasyong banyaga. Sa gayon, ang populasyon ay naging haluang galing sa sari-saring mga bansa. Kung relihiyon ang pag-uusapan, mga dalawang katlo ng populasyon ng bansa ang nanatiling Katoliko, bagaman ang Repormasyon ay lumaganap sa ilang mga lugar noong bandang huli.

Isang Katamtamang Pagsisimula

Noong 1908 unang inihasik sa Hungarya ang mga binhi ng katotohanan sa Bibliya. Ito’y ginawa ng isang babae na natuto ng katotohanan buhat sa mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Dahilan sa kaniyang pangangaral, marami ang naging interesado sa mabuting balita. Hindi nagtagal pagkatapos dalawang lalaking bumalik sa Hungarya galing sa Estados Unidos ang nagpalaganap ng mabuting balita nang buong panahon bilang mga colporteur. Ang katotohanan ay lumaganap nang mabagal subalit sigurado naman, at isang palimbagan ang itinayo sa Kolozsvár.

Ang unang mapanghahawakang ulat ay nakuha noong 1922, nang 67 Estudyante ng Bibliya buhat sa sampung bayan ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang kanilang gawaing pagpapatotoo ay agad-agad na nagkaroon ng epekto, na nagbunga ng pananalansang samantalang sinusulsulan ng klero ang pamahalaan at ang pahayagan na hadlangan ang pangangaral.

Tumindi ang mga Pag-atake

Noong 1928, ang paring Katoliko na si Zoltán Nyisztor ay naglabas ng isang pampletang pinamagatang Millennialist Bible Students. Doon ay mariing sinabi niya tungkol sa mga Estudyante sa Bibliya: “Sila’y mas masama kaysa mga komunista na umaatake na taglay ang mga armas, sapagkat ang mga ito ay nagliligaw sa mga walang-malay sa pamamagitan ng paggamit ng Bibliya upang ikubli ang kanilang tunay na mga motibo. Ang Hungaryong Royal State Police ay may kasabikang nagmamasid sa kanilang gawain.”

Nang panahong iyon isang masigasig na kapatid na nagngangalang Josef Kiss ang dumalaw sa mga kongregasyon. Ang mga pulis ay palihim na sumunod sa kaniya. Noong 1931 siya’y nasa tahanan ng isang kapatid nang biglain siya ng pulisya at ipag-utos sa kaniya na umalis agad-agad. Samantalang si Brother Kiss ay nagsisimulang mag-impake ng kaniyang mga kagamitan, isang pulis ang pumukpok sa kaniya ng puluhan ng kaniyang riple at nagbanta: “Dalian mo, o kung hindi ay sasaksakin ka!” Ngumiti si Brother Kiss at nagsabi: “Kung magkakagayon ay maaga akong makauuwi,” na ang tinutukoy ay ang kaniyang makalangit na pag-asa bilang isang pinahirang Kristiyano.

Ang mga kawal ay sumunod kay Brother Kiss hanggang sa tren. Inaasahan siyang darating sa kongregasyon sa Debrecen noong Hunyo 20, 1931, subalit hindi na siya nakita roon. Nahinuha ng mga kapatid na siya’y pinatay na ng kaniyang mga kaaway, na siya’y “umuwi na” nga upang kamtin ang kaniyang makalangit na gantimpala. Bagaman napahinto ang kaniyang gawain, hindi kailanman nagtagumpay ang mga maykapangyarihan na patayin ang ilaw ng katotohanan.

Ang katalinuhan ay kalimitang ginagamit upang makapagpatotoo. Halimbawa, noong kalagitnaan ng dekada ng 1930, isang kapatid na lalaki ang namatay sa Tiszakarád. Ang paglilibing noon ay magagawa lamang kung may pahintulot ng mga opisyal. Ang mga kapatid ay pinayagan na magkaroon ng isang minuto lamang na panalangin at isang minutong awit. Ang mga pulis, na naroon sa libing na taglay ang mga riple at mga bayoneta, ang magpapatupad nito. Maraming tagaroon ang nagsidating sapagkat sila’y sabik na makapanood kung papaano gagawin ang paglilibing.

Isang kapatid ang tumayo sa tabi ng kabaong at nanalangin nang may kalahating oras ngunit sa isang paraan na anupat nasabi ng mga tao na hindi pa raw sila nakakarinig ng katulad niyaon. “Kahit na anim na pari ang magkaroon ng bahagi sa paglilibing,” sabi nila, “hindi magiging katulad niyaon na lubhang nakaaantig-damdamin.” Isang kapatid na lalaking may magandang tinig ang nagsimulang manguna sa pag-aawitan, ngunit isang bantay ang nagpahinto sa kaniya. Nang bandang huli inamin ng mga pulis na, bagaman hindi sila mapakali, hindi nila mapahinto ang pananalangin.

Samantalang nagpapatuloy ang mga pag-atake, si Lajos Szabó, isang pari ng Reformed Church, ay sumulat nang ganito sa kaniyang 1935 brosyur na Antichrist by the River Tisza: “Isang matalinong idea na pasukan ang kaisipan ng mga tao ng Komunismo sa ngalan ng relihiyon . . . Si Marx ay nag-anyong si Kristo . . . ang Antikristo ay narito na nakapulang abito kasama ng mga Saksi ni Jehova.”

Matagal na Ipinagbawal

Noong 1939 ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay tahasang ipinagbawal. Ito’y tinagurian na isang gawain na “laban sa relihiyon at laban sa lipunan.” Ang mga Adventista, Baptist, Evangelical, at mga Presbiteryano ay naglabas ng mga pulyeto laban sa mga Saksi. Subalit hindi pinabayaan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, at inalagaan sila ng mga Saksi sa ibang mga bansa. Karagdagan pa, ang bayan ng Diyos sa Hungarya ay nagkaroon ng maraming karanasan na nagpapatibay ng pananampalataya.

Halimbawa, nang isang kapatid ang nagdala ng isang backpack (sisidlan) na punô ng ating mga magasin na galing sa Czechoslovakia, ang punò sa adwana ay nagtanong: “Ano ba ang nasa iyong backpack?” Ang kapatid ay nagtapat naman ng pagsagot: “mga Bantayan po.” Nang magkagayon ang punò ay sumenyas ng kaniyang kamay na para bagang ibig niyang sabihin na nababaliw na ang kapatid, at pinayagan niyang magpatuloy ito sa kaniyang lakad. Sa gayon, ang espirituwal na pagkain ay ligtas na nakarating sa Hungarya.

Gayunman, hindi huminto ang panggugulo sa kanila. Parami nang parami ang mga kapatid na inaresto at ikinulong sa iba’t ibang yugto ng panahon. Pagkatapos isang pantanging pangkat ng mga imbestigador ang binigyan ng atas na sugpuin ang mga Saksi ni Jehova. Noong 1942, mga lalaki, babae, at mga bata ang hinuli at inilagay sa mga kuwadra at sa bakanteng mga paaralang Judio. Makalipas ang dalawang buwan ng pagpapahirap, sila’y nilitis at hinatulan. Ang ilan ay hinatulan ng habang-buhay na pagkabilanggo; ang iba naman ay mula sa 2 hanggang 15 taon sa bilangguan. Tatlong kapatid na lalaki​—sina Dénes Faluvégi, András Bartha, at János Konrád​—​ang hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti, subalit nang bandang huli ay hinalinhan ang sentensiya ng habang-buhay na pagkabilanggo. Pagkatapos, 160 kapatid ang dinala sa death camp sa Bor. Nang makatawid sa hangganan, sila’y sinabihan na hindi na sila makababalik nang buháy. Sa 6,000 idineportang mga Judio na dinala sa kampong ito, 83 lamang ang natirang buháy. Gayunman, maliban sa apat ang lahat ng Saksi ay nagsibalik.

Ang ilan sa mga Saksi ni Jehova ay naging mga martir. Nang magtatapos na ang Digmaang Pandaigdig II, ang ilang kapatid ay pinatay ng mga Nazi. Sina Bertalan Szabó, János Zsondor, at Antal Hónis ay binaril at nangamatay, at si Lajos Deli ay binigti.​—Mateo 24:9.

Pansamantala Lamang ang Isang Mainam na Pagbabago

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang kalagayan ay minsan pang nagbago. Isang gobyernong pinagsanib ang nangako ng mga karapatang pantao. Ang mga kapatid na nagbabalik buhat sa mga kampo ay agad nagsimulang mangaral at mag-organisa ng mga kongregasyon. Inakala nila na sila’y pinagkalooban ni Jehova ng kalayaan upang kanilang mapuri ang kaniyang dakilang pangalan, hindi upang magkamal ng materyal na mga ari-arian. Nang may katapusan ng 1945, may 590 aktibong mamamahayag ng Kaharian. Noong 1947 isang ari-arian ang nabili upang gamitin bilang isang tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower, at ang unang pambansang kombensiyon ay ginanap, sa isang bulwagang palaruan. Ang dumalo ay 1,200, at ang perokaril ng estadong Hungaryo ay nagbigay pa ng 50-porsiyentong diskuwento sa mga nagbibiyahe patungo sa kombensiyon.

Subalit, ang kalayaan ay hindi nagtagal. Sandali lamang, ang Partido Komunista ay humawak ng kapangyarihan, at nagbago ang pamahalaan. Ang pagdami ng mga Saksi ni Jehova ay tumawag ng pansin ng bagong pamahalaan, sapagkat sila’y dumami mula sa 1,253 mamamahayag noong 1947 hanggang sa 2,307 noong 1950. Nang taon na iyan ang mga opisyal ay nagsimulang maglagay ng mga balakid sa gawaing pangangaral. Kinailangang kumuha ng mga pahintulot, subalit ayaw magbigay ang gobyerno, at yaong mga kumukuha ng mga permiso ay ginulpi ng National Guard. Mga artikulo sa pahayagan ang patuloy na tumuligsa sa mga Saksi bilang ‘mga ahente ng mga imperyalista.’ Kapuna-puna naman, bago napasakapangyarihan ang Komunismo, ang mga Saksi ay dinadala na sa mga kampong piitan sa akusasyon na pagiging ‘mga alipores ng mga Judiong Komunista.’

Nagsimula ang Kakilabutan

Noong Nobyembre 13, 1950, ang tagapangasiwa ng sangay at ang tagapagsalin (dalawa sa dating mga sentensiyado ng kamatayan) ay inaresto, kasama ang tagapangasiwa ng unang sirkito. Sila’y dinala sa ubod-samang lihim na piitan sa 60 Andrássy Street sa Budapest, upang “mapalambot.” Sila’y nilitis noong Pebrero 2 ng sumunod na taon. Ang tagapangasiwa ng sangay ay sinintensiyahan ng sampung taóng pagkakulong, ang tagapagsalin ay siyam na taon, at ang tagapangasiwa ng sirkito ay walong taon. Ang mga ari-arian ng tatlong ito ay kinumpiska. Sa panahon ng paglilitis, apat pang mga tagapangasiwa ng kongregasyon ang sinintensiyahang mabilanggo mula sa lima hanggang anim na taon sa paratang na pagsisikap na maibagsak ang gobyerno.

Ang mga kapatid ay inilagay sa piitan na may mahigpit na seguridad, na doon ay hindi sila maaaring tumanggap ng mga liham, mga balutan, o mga bisita. Ang kanilang pami-pamilya ay hindi nakabalita ng anuman tungkol sa kanila. Ang kanilang mga pangalan ay hindi man lamang maaaring banggitin ng mga guwardiya. Para sa pagkakakilanlan, bawat isa ay may nakasabit sa leeg na karatulang kahoy na may numero. Mayroon pang karatula sa dingding na ganito ang nakasulat: “Huwag bantayan lamang ang mga preso; sila’y inyong kapootan.”

Ang mga Saksi ay kumilos nang patago, subalit hindi huminto ang gawaing pangangaral. Ang ibang mga Saksi ang nagpatuloy ng gawain ng mga ibinilanggo. Dumating ang panahon na maging yaong mga inihalili ay nangahuli rin. Nang sumapit ang taóng 1953, mahigit na 500 kapatid ang nangahatulan at nasintensiyahang mabilanggo, subalit hindi maaaring igapos ang mabuting balita. Kakaunti lamang sa mga kapatid ang naniwala sa mapang-akit na mga pangako ng mga guwardiya at nakipagkompromiso.

Gumagandang mga Pag-asa

Noong taglagas ng 1956, ang mga mamamayan ay nagsimulang maghimagsik laban sa gobyerno. Sinupil ng Hukbong Sobyet ang rebolusyon, at ang Partido Komunista ay muling humawak ng kapangyarihan.

Lahat ng ibinilanggong mga Saksi ay napalaya na noon, subalit ang ilang kilalang mga kapatid ay pinabalik sa piitan upang ipagpatuloy ang kani-kanilang sentensiya, bagaman ang mga baguhan ay hindi nahatulan. Sa wakas, noong 1964, ang kalagayan ay nagsimulang bumuti. Ang mga libing at mga piging sa kasalan ay hindi na pinakialaman ng mga maykapangyarihan. Nagdaos ng mga asambleang pansirkito sa mga gubat. Bagaman ang ilan sa mga ito ay pinakialaman, wala nang mga Saksi na ibinilanggo.

Noong 1979 ang mga kapatid na tagapangasiwa ay pinayagang dumalo sa kombensiyon sa Vienna. Nang taón ding iyon, nangako ang mga maykapangyarihan na kikilalanin na legal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, subalit sampung taon pa ang lumipas bago ito aktuwal na naganap. Noong 1986 ay ginanap ang unang pandistritong kombensiyon, sa Youth Park of the Kamara Forest, na may kaalaman ang mga maykapangyarihan. Nagpaskil pa ng isang karatula, na nagsasabing ito ang “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Nang sumunod na taon ay ginanap ang “Magtiwala kay Jehova” na Kombensiyon at noong 1988 ay nakinabang ang mga kapatid sa “Banal na Katarungan” na Kombensiyon.

Malaya Na sa Wakas!

Ang Hunyo 27, 1989, ay isang kahanga-hangang araw, sapagkat noon tumanggap ang mga kapatid ng isang dokumento na nagkakaloob ng opisyal na pagkilala sa Relihiyosong Organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Hungarya. Noong Hulyo ang marangyang Budapest Sports Hall ay nagamit ng 9,477 katao na dumalo sa “Maka-Diyos na Debosyon” na Pandistritong Kombensiyon. Ang bulwagan ding ito ang ginamit para sa “Dalisay na Wika” na Pandistritong Kombensiyon noong 1990, at nagdaos pa rin ng mga kombensiyon sa tatlo pang malalaking lunsod sa Hungarya.

Ngayon na tuluyang inalis na ang pagbabawal, maaari nang mag-organisa ng unang internasyonal na kombensiyon. Sa kabila ng masamang lagay ng panahon, ito ay ginanap sa Népstadion sa Budapest, na kung saan 40,601 ang nagtipon upang makinabang sa init ng pag-iibigang magkakapatid. Dumalo ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at pinatibay ang pananampalataya ng mga kapatid sa pamamagitan ng kanilang mga pahayag, at bagong mga aklat at mga brosyur na may makulay na mga ilustrasyon ang inilabas sa kombensiyong ito.

Kung Ano ang Nangyayari Ngayon

Ang mga edisyong Hungaryo ng Ang Bantayan at Gumising! ay inilalathala ngayon kasabay ng katumbas na mga magasing Ingles at may ganoon ding magandang porma. Noong 1992 ang Yearbook ay sinimulang ilathala sa Hungaryo. Ang bilang ng mga mamamahayag ng mabuting balita ay mabilis na naragdagan mula 6,352 noong 1971 hanggang 13,136 noong Enero 1993.

Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Hungarya ay nagtatamasa ng kalayaan ng relihiyon at malayang nangangaral sa bahay-bahay. May 205 kongregasyon, at 27,844 ang dumalo sa Memoryal noong Abril 17, 1992. Hanggat hindi nagkakaroon ng sapat na dami ng mga Kingdom Hall, ang mga kongregasyon ay patuloy na nagtitipon sa mga paaralan, mga sentrong pangkultura, bakanteng mga barracks, at maging sa nabakanteng mga opisina ng Partido Komunista. Noong 1992, sampung kongregasyon ang nag-alay ng kanilang sariling mga Kingdom Hall, at ang ibang mga bulwagan ay ginagawa pa.

Sa kabila ng lahat ng pagbabago at mga rebolusyon, ang mga kapatid ay tapat na nanatiling nasa panig ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at patuloy na nangangaral. Sila’y naririto pa rin sa kabila ng mga kaligaligan ng panahong ito, sapagkat iningatan ni Jehova ang kaniyang bayan sa Hungarya.​—Kawikaan 18:10.

[Mapa sa pahina 9]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Vienna

AUSTRIA

Budapest

Debrecen

HUNGARYA

ROMANIA

[Larawan sa pahina 10]

Ang bayan ni Jehova na nagtipon sa Budapest

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share