-
Isang Tudlaan ng Pagsalakay ng SobyetGumising!—2001 | Abril 22
-
-
indibiduwal na nangunguna sa gawain ang inaresto at ibinilanggo. “Di-nagtagal at naging maliwanag na gusto ng KGB na arestuhin ang lahat,” sabi ni Lembit Toom na isang Saksi sa Estonia. Totoo ito saanman nasumpungan ang mga Saksi sa Unyong Sobyet.
Inilarawan ng mga Sobyet ang mga Saksi bilang ang pinakamasasamang kriminal at bilang isang malaking banta sa ateistikong Estadong Sobyet. Kaya kahit saan, sila ay pinaghahanap, inaaresto, at ibinibilanggo. Sinabi ng The Sword and the Shield: “Ang labis na pagkainis sa mga Jehovist ng mga nakatataas na opisyal ng KGB ay, malamang, ang pinakasukdulang halimbawa ng kanilang kawalang-kakayahang timbangin ang tunay na situwasyon kapag napaharap maging sa pinakamaliliit na anyo ng pagtutol.”
Ang labis na pagkainis na ito ay maliwanag na pinatunayan ng mahusay na paghahanda ng pagsalakay laban sa mga Saksi noong Abril 1951. Dalawang taon pa lamang ang nakalilipas, noong 1999, sinabi ni Propesor Sergei Ivanenko, isang iginagalang na Rusong iskolar, sa kaniyang aklat na The People Who Are Never Without Their Bibles, na noong maagang bahagi ng Abril 1951, “mahigit na 5,000 pamilya ng mga Saksi ni Jehova mula sa mga republika ng Sobyet na Ukraine, Byelorussia, Moldavia, at sa Baltic ang ipinadala sa ‘isang permanenteng pamayanan’ sa Siberia, sa Malayong Silangan, at sa Kazakhstan.”
Karapat-dapat Alalahanin
Maguguniguni mo ba ang pagsisikap na kinailangan sa pagsalakay na iyon—sa loob ng isang araw ay tinipon ang libu-libong pamilya ng mga Saksi mula sa gayon kalaking lugar? Isip-isipin ang pag-oorganisa ng daan-daang tauhan, kung hindi man libu-libo—una sa lahat ay upang tukuyin kung sino ang mga Saksi at pagkatapos, habang madilim pa, ay isagawa ang sabay-sabay at biglaang mga paglusob sa mga tahanan ng mga ito. Kasunod nito, nariyan ang trabaho ng paglululan ng mga tao sa mga kariton, mga karo, at iba pang sasakyan; pagdadala sa kanila sa mga istasyon ng tren; at paglilipat sa kanila sa mga bagon ng tren.
Isip-isipin din ang paghihirap ng mga biktima. Maguguniguni mo ba kung ano ang pakiramdam kung pipilitin kang maglakbay nang libu-libong kilometro—sa loob ng tatlong linggo o higit pa—sa mga siksikan at maruruming bagon na doo’y isa lamang timba ang nagsisilbing kasilyas? At sikaping gunigunihin na basta ka na lamang itinapon sa ilang ng Siberia, anupat nalalaman mong upang makaraos ay kailangang maghanap ka ng ikabubuhay sa isang malupit na kapaligiran.
Ang buwang ito ang ika-50 anibersaryo ng pagkatapon ng mga Saksi ni Jehova noong Abril 1951. Upang mailahad ang salaysay ng kanilang katapatan sa kabila ng mga dekada ng pag-uusig, ang mga karanasan ng mga nakaligtas ay inirekord sa videotape. Isinisiwalat ng mga ito na—tulad din ng karanasan ng unang-siglong mga Kristiyano—ang mga pagtatangka na hadlangan ang mga tao mula sa pagsamba sa Diyos ay tiyak na mabibigo sa dakong huli.
Ang Naisakatuparan ng Pagkatapon
Di-nagtagal at napagtanto ng mga Sobyet na ang pagpapahinto sa mga Saksi sa pagsamba kay Jehova ay higit na mas mahirap kaysa sa kanilang inakala. Sa kabila ng mga pagtutol ng mga humuli sa kanila, umawit ang mga Saksi ng mga papuri kay Jehova habang sapilitang ipinatatapon at nagsabit ng mga karatula sa kanilang mga bagon sa tren na nagsasabi: “Sakay ang mga Saksi ni Jehova.” Ipinaliwanag ng isang Saksi: “Sa mga istasyon ng tren na nadaraanan, nakasalubong namin ang iba pang tren na may sakay na mga ipinatapon, at nakita namin ang mga karatula na nakasabit sa mga bagon ng tren.” Anong laking pampatibay-loob ang inilaan nito!
Kaya sa halip na manghina ang loob, ipinaaninag niyaong mga ipinatapon ang espiritu ng mga apostol ni Jesus. Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos na ang mga ito’y pagpapaluin at pag-utusan na tumigil sa pangangaral, “nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gawa 5:40-42) Tunay nga, gaya ng sinabi ni Kolarz hinggil sa pagkatapon, “hindi ito ang katapusan ng ‘mga Saksi’ sa Russia, kundi ang simula lamang ng isang bagong kabanata sa kanilang mga gawain sa pangungumberte. Sinikap pa nga nilang palaganapin ang kanilang pananampalataya kapag humihinto sila sa mga istasyon habang patungo sa pagtatapunan sa kanila.”
Nang makarating ang mga Saksi sa kanilang iba’t ibang destinasyon at maibaba sila roon, sila’y nagtamo ng magandang reputasyon dahil sa pagiging mga masunurin at masisipag na manggagawa. Ngunit, kasabay nito, bilang pagtulad sa mga apostol ni Kristo, sa katunayan ay sinasabi rin nila sa kanilang mga maniniil: ‘Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa aming Diyos.’ (Gawa 4:20) Marami ang nakinig sa itinuro ng mga Saksi at sumama sa kanila sa paglilingkod sa Diyos.
Ang ibinunga ay katulad ng ipinaliwanag ni Kolarz: “Sa pamamagitan ng pagpapatapon sa kanila, nagawa ng Pamahalaang Sobyet ang pinakamabuting bagay para sa pagpapalaganap ng kanilang pananampalataya. Mula sa kanilang pagiging nakabukod sa nayon [sa kanluraning mga republika ng Sobyet] ang ‘mga Saksi’ ay dinala sa isang mas malawak na daigdig, kahit na ito’y ang kahila-hilakbot na daigdig lamang ng mga kampong piitan at pang-aalipin.”
Mga Pagsisikap Upang Sawatain ang Paglago
Nang maglaon, gumamit ang mga Sobyet ng iba’t ibang pamamaraan upang pahintuin ang mga Saksi ni Jehova. Yamang ang malupit na pag-uusig ay hindi nagbunga ng hinahangad na mga resulta, isang mahusay ang pagkakaplanong programa ng propaganda ng kasinungalingan ang pinasimulan. Ang mga aklat, mga pelikula, at mga programa sa radyo—gayundin ang palihim na pagpasok ng sinanay na mga agent ng KGB sa loob ng mga kongregasyon—ay sinubukang lahat.
Dahil sa malawakang paninira, maraming tao ang nagkaroon ng maling pangmalas sa mga Saksi taglay ang takot at kawalan ng pagtitiwala, gaya ng pinatutunayan ng isang artikulo sa Reader’s Digest ng Agosto 1982, Edisyon sa Canada. Isinulat ito ni Vladimir Bukovsky, isang Ruso na pinahintulutang mandayuhan sa Inglatera noong 1976. Sumulat siya: “Isang gabi sa London, nakakita ako ng isang karatula sa isang gusali na kababasahan: MGA SAKSI NI JEHOVA . . . Hindi ko na maituloy ang pagbasa, nasindak ako, anupat halos mataranta ako.”
Ipinaliwanag ni Vladimir kung bakit labis-labis ang kaniyang takot: “Ito ang mga miyembro ng kulto na ginagamit ng mga awtoridad sa aming bansa bilang panakot sa mga bata . . . Sa U.S.S.R., matatagpuan mo lamang ang ‘mga Saksi’ nang harap-harapan sa mga bilangguan at mga kampong piitan. At narito ako sa harapan ng isang gusali, ng isang karatula. Talaga kayang may papasok doon upang makisalamuha sa kanila?” ang tanong niya. Bilang pagdiriin kung bakit siya nangangamba, ganito ang pagtatapos ni Vladimir: “Ang ‘mga Saksi’ ay tinutugis sa aming bansa sa paraang kasintindi ng pagtugis sa Mafia sa kanilang bansa, at magkatulad ang hiwaga na bumabalot sa kanila.”
Gayunman, sa kabila ng malupit na pag-uusig at propaganda ng kasinungalingan, nagbata ang mga Saksi at lumaki ang kanilang bilang. Ang mga aklat ng Sobyet kagaya ng The Truths About Jehovah’s Witnesses, na 100,000 kopya ang inilathala sa Russia noong 1978, ay nagpahiwatig na kailangan ang mas puspusang propaganda laban sa mga Saksi. Ang awtor, si V. V. Konik, na naglarawan kung paano isinasagawa ng mga Saksi ang kanilang pangangaral sa harap ng mahihigpit na pagbabawal, ay nagpayo: “Dapat matutuhan ng mga mananaliksik ng Sobyet hinggil sa relihiyon kung ano ang mas mabibisang pamamaraan upang madaig ang mga turo ng mga saksi ni Jehova.”
Bakit Tudlaan ng Pagsalakay?
Sa simpleng pananalita, ang mga Saksi ni Jehova ang pangunahing tudlaan ng pagsalakay ng Sobyet dahil tinularan nila ang unang mga tagasunod
-
-
Kung Paano Nakaligtas ang RelihiyonGumising!—2001 | Abril 22
-
-
[Larawan sa pahina 8, 9]
-