Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Praktikal Pa Ba ang Bibliya sa Ngayon?
    Gumising!—2015 | Pebrero
    • Bukás na Bibliya

      TAMPOK NA PAKSA

      Praktikal Pa Ba ang Bibliya sa Ngayon?

      ‘Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naging masaya.’

      MAHILIG si Hilton sa boksing. Pitong taon pa lang siya, nakikipagsuntukan na siya—sa loob at labas ng ring! Noong nasa high school, naggagala silang magkakaibigan at naghahanap ng sinumang mabubugbog. “Nagnanakaw ako, nagsusugal, nanonood ng pornograpya, nambabastos ng mga babae; at kahit mga magulang ko, minumura ko,” ang sabi niya. “Para sa mga magulang ko, wala na akong pag-asang magbago. Pagkatapos ng high school, lumayas ako sa ’min.”

      Nang bumalik si Hilton makaraan ang 12 taon, hindi makapaniwala ang mga magulang niya! Mahinahon na siya ngayon, may pagpipigil sa sarili, at magalang. Ano kaya ang nagpabago sa kaniya? Habang wala siya sa poder ng kaniyang mga magulang, napag-isip-isip niya kung saan papunta ang buhay niya. Binasa rin niya ang Bibliya at tiningnan kung makatutulong ito sa kaniya. Sinabi niya: “Ikinapit ko ang mga nababasa ko sa Bibliya, gaya ng pag-aalis ng lumang personalidad at pagsunod sa Efeso 6:2, 3, na igalang ang mga magulang. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako naging ganito kasaya! Napasaya ko rin ang mga magulang ko; di-tulad noon na puro sama ng loob ang ibinibigay ko sa kanila.”

      Ipinakikita ng kuwento ni Hilton na praktikal pa rin ang mga pamantayan ng Bibliya at may kapangyarihang magpabago sa buhay ng tao. (Hebreo 4:12) Tingnan natin ang ilan sa mga pamantayang iyan—katapatan sa kapuwa, pagpipigil sa sarili, katapatan sa asawa, at pag-ibig—at kung paano pinagaganda ng mga iyan ang buhay natin.

      NAPAG-IWANAN NA BA NG PANAHON?

      Basurahang punô ng lumang gamit ng computer

      Sinasabi ng ilan na ang Bibliya ay lipas na, gaya ng isang manwal ng lumang computer. Pero mababaw at nakaliligaw ang pagkukumparang iyan. Ang mga computer ay napapalitan kung kaya naluluma ang mga manwal. Pero ang mga bagay na likas sa tao ay hindi nagbabago. Halimbawa, pagdating sa pag-ibig at poot, katapatan at kataksilan, kabaitan at kalupitan, ang reaksiyon ng mga tao ngayon ay katulad din ng reaksiyon ng mga ninuno natin noon. Kaya pagdating sa mga bagay na likas sa tao, “walang anumang bago sa ilalim ng araw.”—Eclesiastes 1:9.

  • Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Katapatan
    Gumising!—2015 | Pebrero
    • TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?

      Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Katapatan

      SIMULAIN SA BIBLIYA: ‘Sino ang magiging panauhin sa tolda ng Diyos? Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.’—Awit 15:1, 2.

      MGA PAKINABANG: Para sa marami, mahalaga ang katapatan at integridad. Pero paano kung ang isa ay may tsansang makapandaya at walang makaaalam nito? Ano kaya ang ididikta ng puso niya?

      Sinabi ni Raquel, na nagtatrabaho sa purchasing: “May mga ahenteng nag-aalok sa ’kin ng kickback. Sabi nila, kapag sa kanila ako bumili, sa ’kin nila ibibigay ang ‘discount’ sa halip na sa kompanya namin. Pero naalaala ko ang payo ng Bibliya tungkol sa katapatan, kaya tumanggi ako. Nang mabalitaan ’to ng boss ko, mas lumaki ang tiwala niya sa ’kin.”

      Kung natukso si Raquel sa alok, baka nagkapera nga siya. Pero paano kung malaman ito ng boss niya? Hindi kaya siya mapaalis sa trabaho? Tatanggapin pa kaya siya ng ibang kompanya? Mas mahalaga kay Raquel ang kaniyang konsensiya at respeto sa sarili. “Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan; ang lingap [o respeto] ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto,” ang sabi ng Kawikaan 22:1.

      Si Jessie sa kaniyang trabaho

      Naging maganda ang reputasyon ni Jessie bilang tapat na empleado

      Si Jessie ay tapat din at maaasahan, kaya naging maganda ang reputasyon niya sa kaniyang employer. Ang resulta? Hindi lang siya ginawang manager, kundi binigyan pa siya ng higit na kalayaan sa iskedyul niya. Kaya mas marami siyang panahon sa kaniyang asawa’t mga anak at sa espirituwal na mga gawain.

      Kapag naghahanap ng mga empleado, pumupunta ang ilang employer sa mga grupong kilalá sa pagiging tapat. Halimbawa, isang manager ng kompanya sa Pilipinas ang sumulat sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova para alukin ng trabaho ang mga Saksi. Sila ay “masipag, tapat, at seryoso sa trabaho,” ang sabi niya. Pero ang kapurihan ay sa Diyos na Jehova, na nagtuturo sa atin na “kapootan . . . ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.”—Amos 5:15.

  • Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Pagpipigil sa Sarili
    Gumising!—2015 | Pebrero
    • TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?

      Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Pagpipigil sa Sarili

      SIMULAIN SA BIBLIYA: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon.”—Kawikaan 29:11.

      “Para akong inagaw sa kamatayan!”

      MGA PAKINABANG: Kung ililista mo ang lahat ng pakinabang ng pagpipigil sa sarili, mangangailangan ka ng napakaraming papel! Sa kalusugan pa lang, may pakinabang na ito. “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan,” ang sabi ng Bibliya. Sinasabi rin nito na “ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling.” (Kawikaan 14:30; 17:22) Sa kabaligtaran, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga taong magagalitin at madalas makipagtalo ay mas malamang na magkasakit, lalo na sa puso. Pero siyempre, marami pang ibang pakinabang ang pagpipigil sa sarili.

      Sinabi ni Cassius, mahigit 30 anyos: “Palaaway ako noon at mainitin ang ulo. Halos wala akong respeto sa sarili ko. Pero nagbago ang lahat ng ’yan nang ikapit ko ang mga simulain sa Bibliya. Natutuhan kong kontrolin ang galit ko, at naging mapagpakumbaba ako at mapagpatawad. Kung hindi, siguro nasa kulungan na ’ko ngayon. Para akong inagaw sa kamatayan!”

      Drayber na galít na galít habang mahinahong nagmomotor si Cassius

      Natutuhan ni Cassius na kontrolin ang kaniyang galit at maging mapagpatawad

  • Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Katapatan sa Asawa
    Gumising!—2015 | Pebrero
    • TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?

      Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Katapatan sa Asawa

      SIMULAIN SA BIBLIYA: “Maging marangal nawa ang pag-aasawa sa gitna ng lahat, at maging walang dungis ang higaang pangmag-asawa.”—Hebreo 13:4.

      MGA PAKINABANG: May mga nagsasabing lipas na ang mga salitang iyan. Pero mali sila—maling mali! Kung paanong napakasakit noong panahon ng Bibliya ang mapagtaksilan, ganoon din ito kasakit ngayon.—Kawikaan 6:34, 35.

      Isinulat ni Jessie, may asawa’t anak: “Dahil tapat kami sa isa’t isa, naging matibay at maligaya ang pagsasama naming mag-asawa. Sa pag-aasawa, napakahalaga talaga ng pagtitiwala. Pero sinisira ng pagtataksil ang pagtitiwalang ’yan”—bukod pa sa magiging epekto nito sa mga anak!

      Muntik nang masira ni Ligayaa ang pagsasama nilang mag-asawa. “Nagkaroon ako ng masasamang kasama,” ang sabi niya. “Kaya natuto akong mag-nightlife, at magtaksil sa asawa ko.” Naging masaya ba si Ligaya? Palagi silang nagtatalong mag-asawa, at naging miserable ang buhay niya. Dagdag pa niya: “Kapag naaalaala ko kung gaano kagulo ang buhay ko no’n, naiisip kong tama pala ang mga magulang ko no’ng sinasabi nila sa ’kin, ‘Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.’”—1 Corinto 15:33.

      Kuwento pa ni Ligaya: “Bago pa lumala ang mga bagay-bagay, itinigil ko na ang masasamang ginagawa ko at nag-aral ako ng Bibliya—at sa pagkakataong ito, ikinapit ko ang mga natututuhan ko.” Ang resulta? Nailigtas ni Ligaya ang pagsasama nilang mag-asawa, at naging mas mabait at magalang sa kaniya ang asawa niya. “Binago ng Bibliya ang buhay ko,” ang sabi niya, “at hindi ko pinagsisisihang iniwan ko ang dati kong buhay at ang mga inaakala kong kaibigan.”

      a Binago ang ilang pangalan.

  • Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Pag-ibig
    Gumising!—2015 | Pebrero
    • TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?

      Mga Pamantayang Hindi Kumukupas​—Pag-ibig

      SIMULAIN SA BIBLIYA: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14.

      MGA PAKINABANG: Ang pag-ibig na madalas banggitin sa Bibliya ay hindi romantikong pag-ibig. Sa halip, ito ay pag-ibig na may simulain gaya ng habag, pagpapatawad, kapakumbabaan, katapatan, kabaitan, kahinahunan, at pagtitiis. (Mikas 6:8; Colosas 3:12, 13) Di-gaya ng romantikong pagkahumaling na lumilipas, ang pag-ibig ay patuloy na sumisidhi.

      Sinabi ni Brenda, halos 30 taon nang kasal: “Ang pag-ibig ng mga bagong-kasal para sa isa’t isa ay walang-wala kung ikukumpara sa pag-ibig ng mga mag-asawa habang tumatagal ang pagsasama nila.”

      Sinabi naman ni Sam, mahigit 12 taon nang may asawa: “Humahanga kaming mag-asawa—at nagugulat pa nga—kung gaano kaepektibo at kasimple ang payo ng Bibliya! ’Pag sinusunod ito, nagiging maayos ang mga bagay-bagay. Pero gustuhin ko mang ikapit ito palagi, hindi ko ’yon nagagawa. Kung minsan kasi, pagód ako, nagiging makasarili, o masyadong sensitibo. Kapag gano’n, nananalangin ako kay Jehova para mawala ang mga negatibong kaisipan. Pagkatapos, niyayakap ko ang aking asawa, at nagiging okey uli kami na parang walang nangyari.”

      “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito”

      Sinabi ni Jesu-Kristo na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Oo, nasa Bibliya ang tunay na karunungan. Mabisa at hindi kumukupas ang mga turo at pamantayan nito. Kapaki-pakinabang ito sa anumang kultura at lahi. Makikita rito ang malalim na pagkaunawa sa mga bagay na likas sa tao dahil ang may-akda nito ay ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Pero mapatutunayan lang na mabisa ang turo ng Bibliya kung ikakapit ito. Kaya inaanyayahan tayo ng Bibliya na “tikman . . . at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Tatanggapin mo ba ang paanyayang iyan?

      GUMANDA ANG BUHAY KO DAHIL SA BIBLIYA

      Si Linh ay nakatira sa Timog-Silangang Asia. Ikinuwento niya sa Gumising! kung paano siya natulungan ng Bibliya na magkaroon ng magandang buhay.

      Ano ang kinalakhan mong relihiyon?

      Budista ang pamilya namin, at sumusunod kami sa mga tradisyon. Wala akong alam tungkol sa tunay na Diyos.

      Masaya ka ba no’n?

      Hindi! Marami akong problema. Hindi ako marunong magbadyet ng pera ko, hindi ako marunong pumili ng tunay na mga kaibigan, at hindi ko matulungan ang mga magulang ko sa mga problema nila.

      Pero maganda na ngayon ang buhay mo. Ikuwento mo naman sa ’min kung paano nangyari ’yon.

      May mga kabataang babaeng Saksi na nagturo sa ’kin ng Bibliya. Sa kanila ako lumalapit kapag may problema ako. Kahit mas bata sila sa ’kin, mahuhusay ang payo nila—pero hindi nila sariling opinyon ang mga ’yon. Ipinapakita nila sa ’kin kung ano ang sinasabi ng Bibliya.

      Ngayong nakita ko na ang mga pakinabang ng pagsunod sa mga turo ng Bibliya, talagang kumbinsido akong galing nga ito sa Diyos at nakakatulong ito sa sinumang nagsisikap na mamuhay ayon dito. Importante rin naman ang sekular na edukasyon, pero hindi nito kayang gawin ang nagagawa ng Bibliya.

      Bakit mo naman nasabi ’yan?

      Ang mga magulang ko ay may mataas na pinag-aralan at kilalá sa lipunan. Pero hindi nila masolusyunan ang mga problema nila. Sa totoo lang, nagdiborsiyo sila at hindi masaya. Nang magkolehiyo ako, may nagsabi sa ’kin na may mga panahong bumubuti lang ang lipunan kapag ginamitan ng karahasan. Pero sinasabi ng Bibliya na hindi magtatagumpay ang anumang pagsisikap ng tao dahil hindi tayo binigyan ng Diyos ng kakayahan ni awtoridad man na pamahalaan ang ating sarili. Kaya ang pamahalaan ng tao, anumang uri ito, ay bigo at kadalasan nang tiwali.a Pero kung magpapasakop tayo sa Diyos, magiging maganda ang ating buhay at magiging halimbawa tayo sa iba.

      Paano nakatulong sa ’yo ang Bibliya?

      Sa maraming praktikal na paraan. ’Di na ’ko gaanong namomroblema, at may mabubuting kaibigan na ako ngayon. Marunong na akong magbadyet ng pera ko at nakakapag-travel na rin paminsan-minsan. At ang pinakamaganda, nakakatulong ako sa iba kapag nangangailangan sila.

      a Tingnan ang Eclesiastes 8:9; Jeremias 10:23.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share