-
Nakaiintrigang Kababalaghan!Gumising!—2017 | Blg. 2
-
-
TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG NASA LIKOD NG KABABALAGHAN?
Nakaiintrigang Kababalaghan!
“Kalimutan na ang mga bampira, werewolf, at zombie—nandito na ang pagsanib ng mga demonyo at exorcism.”—The Wall Street Journal.
MGA bata’t matandang salamangkero, mapang-akit na mga mangkukulam, at guwapong mga bampira—ilan lang ito sa mga tauhan na kaliwa’t kanang itinatampok sa industriya ng aklat, pelikula, at video game. Bakit marami ang tumatangkilik dito?a
“Nitong nakaraang mga dekada, dumami ang naniniwala sa multo. Dati, 1 lang sa bawat 10 Amerikano ang naniniwala sa mga multo, pero ngayon, 1 na sa bawat 3,” ang isinulat ng sociology professor na si Claude Fischer. “Posible na dalawang kabataang Amerikano sa bawat isang matandang Amerikano ang magsabi na sumangguni sila sa psychic, at naniniwala sa multo at haunted house.”
Kaya naman hindi nakapagtatakang nauuso ulit ang mga kuwento tungkol sa masasamang espiritu na sumasanib sa mga tao. “Dahil sa biglang pagsikat ng zombie, werewolf, at bampira nitong nakaraang dekada, nagbalik ang mga kuwento tungkol sa pagsanib ng mga demonyo na nagugustuhan ng masa ngayon,” ang isinulat ni Michael Calia sa The Wall Street Journal.
Ayon sa isang ulat, “25 hanggang 50 porsiyento ng populasyon sa mundo ang naniniwala sa multo, at itinatampok ito sa literatura ng maraming kultura.” At sa isinagawang survey sa United States ng sociology professor na sina Christopher Bader at Carson Mencken, “nakagugulat na 70 hanggang 80 porsiyento ng mga Amerikano ang talagang naniniwala sa kahit isang uri ng kababalaghan.”
Katuwaan lang ba ang pakikisangkot sa kababalaghan at espiritismo?
a Kababalaghan: Isang bagay na “hindi maipaliwanag ng siyensiya o ng mga batas ng kalikasan.”—Merriam-Webster’s Learner’s Dictionary.
-
-
Ano ang Itinuturo ng Bibliya Tungkol sa Espiritismo?Gumising!—2017 | Blg. 2
-
-
Pinalalabas ng entertainment industry na kawili-wili ang mga kuwento at tauhan na nauugnay sa espiritismo, pero dapat tayong maging alisto sa mga panganib na kaakibat nito
TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG NASA LIKOD NG KABABALAGHAN?
Ano ang Itinuturo ng Bibliya Tungkol sa Espiritismo?
MARAMI ang hindi naniniwala sa kababalaghan at espiritismo. Itinuturing nila itong pandaraya o gawa-gawa lang ng mga manunulat ng pelikula na malilikot ang isip. Pero iba ang pananaw ng Bibliya. Malinaw ang babala nito laban sa espiritismo. Halimbawa, mababasa sa Deuteronomio 18:10-13: “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay.” Bakit? Sinasabi pa ng teksto: “Ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova . . . Maging walang pagkukulang ka kay Jehova na iyong Diyos.”
Bakit gayon katindi ang babala ng Bibliya laban sa lahat ng uri ng espiritismo?
DI-MAGANDANG PINAGMULAN
Sinasabi ng Bibliya na matagal na panahon pa bago lalangin ng Diyos ang lupa, nilikha niya ang milyon-milyong espiritung nilalang, o mga anghel. (Job 38:4, 7; Apocalipsis 5:11) Bawat isa sa mga ito ay pinagkalooban ng kalayaang magpasiya—puwede nilang piliin ang mabuti o masama. Pinili ng ilan sa mga ito na magrebelde sa Diyos, at iniwan nila ang langit para maghasik ng kasamaan sa lupa. Dahil dito, “ang lupa ay napuno ng karahasan.”—Genesis 6:2-5, 11; Judas 6.
Sinasabi ng Bibliya na napakalaki ng impluwensiya ng masasamang anghel, anupat inililigaw ang milyon-milyong tao. (Apocalipsis 12:9) Sinasamantala pa nga nila ang pagnanais ng mga tao na malaman ang kinabukasan.—1 Samuel 28:5, 7; 1 Timoteo 4:1.
Totoong may ilang gawang-kababalaghan na parang nakatutulong sa mga tao. (2 Corinto 11:14) Pero sa katunayan, tinatangka ng masasamang anghel na bulagin ang kaisipan ng tao para hindi nila malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos.—2 Corinto 4:4.
Kaya makatuwiran ang sinasabi ng Bibliya na ang pakikipag-ugnayan sa masasamang espiritu ay hindi lang simpleng pampalipas-oras—nakapipinsala ito. Iyan ang dahilan kung bakit nang malaman ng potensiyal na mga alagad ni Jesus ang katotohanan tungkol sa mga gawaing ito, “tinipon ng marami sa mga nagsasagawa ng sining ng mahika ang kanilang mga aklat at sinunog ang mga iyon,” kahit napakamahal ng mga iyon.—Gawa 19:19.
“Malamang na dumarami ang mga dalagitang naniniwala sa pangkukulam dahil itinatampok ng telebisyon, pelikula, at mga aklat ang mga mangkukulam na elegante at mapang-akit.”—Gallup Youth Survey, 2014
Marami rin sa ngayon ang nagpasiyang umiwas sa lahat ng gawain at libangang nauugnay sa espiritismo. Halimbawa, noong si Mariaa ay 12 taóng gulang, waring may kakayahan siyang mahulaan ang mangyayari sa hinaharap o ang mga nagbabantang panganib. Nakapagbabasa siya ng mga tarot card para sa mga kaklase niya, at dahil nagkakatotoo ang mga hula niya, nahumaling siya sa okultismo.
Akala ni Maria, galing sa Diyos ang kakayahan niyang ito na makatulong sa mga tao. “Pero nagtataka ako,” ang sabi niya. “Kapag nagbabasa ako ng mga card, nakikita ko ang kapalaran ng iba, pero hindi ko mabasa ang sarili kong kinabukasan, kahit gustong-gusto ko itong malaman.”
Maraming tanong si Maria na hindi niya masagot, kaya nanalangin siya sa Diyos. Di-nagtagal, nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova at nag-aral siya ng Bibliya. Natutuhan ni Maria mula sa Bibliya na ang kakayahan niyang malaman ang hinaharap ay hindi galing sa Diyos. Naunawaan din niya na para maging kaibigan ng Diyos, kailangan niyang itapon ang lahat ng bagay na nauugnay sa espiritismo. (1 Corinto 10:21) Ang resulta? Itinapon ni Maria ang lahat ng gamit at aklat niya sa okultismo. Ipinangangaral na niya ngayon ang tumpak na kaalamang natututuhan niya mula sa Bibliya.
Noong tin-edyer pa si Michael, mahilig siyang magbasa ng mga nobela tungkol sa mga karakter na may pambihirang kapangyarihan. “Parang nakikita ko ang sarili ko sa mga bidang karakter na kaedad ko at nasa kakaibang daigdig,” ang sabi niya. Unti-unti, nahilig magbasa si Michael ng mga aklat tungkol sa mahika at Satanikong mga ritwal. “Dahil sa pagiging mausisa, nagbasa ako ng mga aklat at nanood ng mga pelikula na may ganitong mga paksa,” ang sabi niya.
Pero dahil sa natututuhan ni Michael sa Bibliya, sinuri niyang mabuti ang mga binabasa niya. “Inisa-isa ko ang mga bagay na may kaugnayan sa espiritismo at itinapon ko ang mga iyon,” ang sabi niya. “May mahalaga akong natutuhan sa 1 Corinto 10:31. Ang sabi doon: ‘Gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ Ang lagi kong tanong sa sarili ko ngayon, ‘Kung babasahin ko ito, masasangkot ba ako sa isang bagay na hindi magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos?’ Kung oo, hindi ko na ito babasahin.”
Tamang-tama ang pagkakalarawan sa Bibliya bilang lampara. Dito nagmumula ang natatanging liwanag na naghahantad sa kung ano talaga ang espiritismo. (Awit 119:105) Pero higit pa riyan ang nagagawa ng Bibliya. Nangangako ito ng isang daigdig na wala nang impluwensiya ng masasamang espiritu. Napakalaki ng magiging epekto nito sa mga tao. Halimbawa, sinasabi ng Awit 37:10, 11: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot [o ang masama] ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”
a Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
-