Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Impiyerno
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
    • Jastrow, Jr., p. 581) Ang unang ebidensiya ng maapoy na impiyerno ng Sangkakristiyanuhan ay masusumpungan sa relihiyon ng sinaunang Ehipto. (The Book of the Dead, New Hyde Park, N. Y., 1960, na may pambungad ni E. A. Wallis Budge, p. 144, 149, 151, 153, 161) Ang Buddhismo, na nagpasimula noong ika-6 na siglo B.C.E., nang maglaon ay nagtampok kapuwa ng mainit at malamig na mga impiyerno. (The Encyclopedia Americana, 1977, Tomo 14, p. 68) Ang mga paglalarawan ng impiyerno na nakaguhit sa mga simbahang Katoliko sa Italya ay tinutunton sa mga ugat na Etruscano.​—La civiltà etrusca (Milan, 1979), Werner Keller, p. 389.

      Subali’t ang talagang mga ugat ng doktrinang ito na lumalapastangan sa Diyos ay mas malalim pa kaysa rito. Ang buktot na mga paniwala na kaugnay ng isang impiyerno ng paghihirap ay lumalapastangan sa Diyos at nagmumula sa pangunahing maninirang-puri sa Diyos (ang Diyablo, na ang pangala’y nangangahulugan ng “Maninirang-Puri”), ang tinukoy ni Jesu-Kristo na “ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44.

  • Jehova
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
    • Jehova

      Kahulugan: Ang personal na pangalan ng tanging tunay na Diyos. Ang katawagan na ipinagkaloob niya sa kaniyang sarili. Si Jehova ang Maylikha at matuwid lamang na siya ang maging Kataastaasang Tagapamahala ng Sansinukob. Ang “Jehova” ay isinalin mula sa Hebreong Tetragrammaton, יהוה, na nangangahulugang “Kaniyang Pinapangyayari.” Ang apat na titik-Hebreong ito ay kinakatawanan sa maraming wika ng mga titik na JHVH o YHWH.

      Saan masusumpungan ang pangalan ng Diyos sa mga salin ng Bibliya na karaniwang ginagamit ngayon?

      The New English Bible: Ang pangalang Jehova ay lumilitaw sa Exodo 3:15; 6:3. Tingnan din ang Genesis 22:14; Exodo 17:15; Hukom 6:24; Ezekiel 48:35. (Subali’t kung ang “Jehova” ay ginagamit sa maraming dako sa saling ito at sa iba pang salin, bakit hindi laging ginagamit ito sa bawa’t dako na kung saan lumilitaw ang Hebreong Tetragrammaton sa tekstong Hebreo?)

      Revised Standard Version: Isang talababa sa Exodo 3:15 ay nagsasabi: “Ang salitang PANGINOON kapag binabaybay sa malalaking titik, ay kumakatawan sa banal na pangalang, YHWH.”

      Today’s English Version: Isang talababa sa Exodo 6:3 ay nagsasaad: “ANG PANGINOON: . . . Sa mga dako na kung saan ang tekstong Hebreo ay gumagamit ng Yahweh, na karaniwan nang isinasalin nang literal bilang Jehova, ang saling ito ay gumagamit ng PANGINOON na may malalaking titik, na sinusunod ang isang kaugalian na laganap sa mga saling Ingles.”

      King James Version: Ang pangalang Jehova ay masusumpungan sa Exodo 6:3; Awit 83:18; Isaias 12:2; 26:4. Tingnan din ang Genesis 22:14; Exodo 17:15; Hukom 6:24.

      American Standard Version: Ang pangalang Jehova ay palaging ginagamit sa Hebreong Kasulatan ng saling ito, pasimula sa Genesis 2:4.

      Douay Version: Isang talababa sa Exodo 6:3 ay nagsasabi: “Ang pangalan kong Adonai. Ang pangalang ito, na nasa Hebreong teksto, ay siyang pinaka-angkop na pangalan ng Diyos, na sumasagisag sa kaniyang walang-hanggang pag-iral sa ganang sarili, (Exodo 3, 14,Exo 3:14) na kailanma’y hindi binigkas ng mga Judio dahil sa pagpipitagan; subali’t, sa halip, kailanma’t ito’y lumilitaw sa Bibliya, ay binabasa nilang Adonai, na nangangahulugang ang Panginoon; at, kung magkagayon, ay kanilang inilalagay ang mga patinig, na masusumpungan sa pangalang Adonai, sa apat na titik ng di-mabigkas na pangalan, Jod, He, Vau, He. Dahil dito ay binuo ng ilang makabago ang pangalang Jehova, na hindi kilala ng mga sinauna, maging Judio o Kristiyano man; sapagka’t ang tunay na bigkas ng pangalan, na masusumpungan sa tekstong Hebreo, ay nawala na palibhasa’y kay tagal nang di-ginagamit.” (Kapansinpansin ang sinasabi ng The Catholic Encyclopedia [1913, Tomo VIII, p. 329]: “Jehova, ang angkop na pangalan ng Diyos sa Matandang Tipan; kaya dahil sa karingalan nito, ay tinawag ito ng mga Judio na ang pangalan, ang dakilang pangalan, ang tanging pangalan.”)

      The Holy Bible na isinalin ni Ronald A. Knox: Ang pangalang Yahweh ay masusumpungan sa mga talababa ng Exodo 3:14 at 6:3.

      The New American Bible: Ang talababa sa Exodo 3:14 ay sumasang-ayon sa anyong “Yahweh,” subali’t ang pangalan ay hindi lumilitaw sa pangunahing teksto ng saling ito. Sa Saint Joseph Edition, tingnan din ang Bible Dictionary sa apendise sa ilalim ng “Panginoon” at “Yahweh.”

      The Jerusalem Bible: Ang Tetragrammaton ay isinasaling Yahweh, pasimula sa unang paglitaw nito, sa Genesis 2:4.

      New World Translation: Sa saling ito ang pangalang Jehova ay ginagamit kapuwa sa Hebreo at Kristiyanong Griyegong Kasulatan, at lumilitaw ito nang 7,210 ulit.

      An American Translation: Sa Exodo 3:15 at 6:3 ang pangalang Yahweh ay ginagamit, na sinusundan ng “ang PANGINOON” na nakapaloob sa mga panaklong.

      The Bible in Living English, S. T. Byington: Ang pangalang Jehova ay ginagamit sa buong Hebreong Kasulatan.

      The ‘Holy Scriptures’ na isinalin ni J. N. Darby: Ang pangalang Jehova ay lumilitaw sa buong Hebreong Kasulatan, at sa maraming talababa sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan, pasimula sa Mateo 1:20.

      The Emphatic Diaglott, Benjamin Wilson: Ang pangalang Jehova ay masusumpungan sa Mateo 21:9 at sa 17 iba pang lugar sa saling ito ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan.

      The Holy Scriptures According to the Masoretic Text​—A New Translation, Jewish Publication Society of America, Max Margolis pangulong patnugot: Sa Exodo 6:3 ang Hebreong Tetragrammaton ay lumilitaw sa tekstong Ingles.

      The Holy Bible na isinalin ni Robert Young: Ang pangalang Jehova ay masusumpungan sa buong Hebreong Kasulatan ng literal na saling ito.

      Bakit ang maraming salin ng Bibliya ay hindi gumagamit ng personal na pangalan ng Diyos o kung ginagamit ma’y madalang lamang?

      Ganito ang paliwanag ng paunang-salita ng Revised Standard Version: “May dalawang dahilan kung bakit nanumbalik ang Komitiba sa higit na kilalang gamit ng King James Version: (1) ang salitang ‘Jehova’ ay hindi wastong kumakatawan sa alinmang anyo ng Pangalan na kailanma’y ginamit sa Hebreo; at (2) ang paggamit ng alinmang pangalan ukol sa iisa at tanging Diyos, na wari bang may iba pang mga diyos na mula roo’y dapat siyang matangi, ay hindi ipinagpatuloy sa Judaismo bago pa ang kapanahunang Kristiyano at dahil dito’y lubusang di-angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Iglesiya Kristiyana.” (Kaya ang kanilang naging batayan sa pag-aalis sa Banal na Bibliya ng personal na pangalan ng Banal na May-akda nito, ay ang sarili nilang palagay hinggil sa kung ano ang angkop, samantalang ito’y isang pangalan na lumilitaw sa orihinal na Hebreo nang mas malimit kaysa alin pa mang ibang pangalan o titulo. Inaamin nila na kanilang sinunod ang kaugalian ng mga tagasunod ng Judaismo, na tungkol sa mga ito’y ganito ang sinabi ni Jesus: “Niwalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.”​—Mat. 15:6.)

      Ang mga tagapagsalin na nakadama ng pananagutan na ilakip ang personal na pangalan ng Diyos kahit minsan man lamang o marahil ay ilang beses sa pangunahing teksto, bagaman hindi ginagawa ang ganito sa tuwing ito’y lumilitaw sa Hebreo, ay maliwanag na sumunod sa halimbawa ni William Tyndale, na naglakip ng banal na pangalan sa kaniyang salin ng Pentateuch na inilathala noong 1530, sa gayo’y humihiwalay sa kaugalian na lubus-lubusang pagtatakwil sa pangalan.

      Ang pangalang Jehova ba ay ginamit ng kinasihang mga manunulat ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan?

      Noong ikaapat na siglo, ay sumulat si Jerome: “Si Mateo, na siya ring Levi, na mula sa pagiging maniningil-ng-buwis ay naging isang apostol, ay unang bumuo ng Ebanghelyo tungkol kay Kristo sa Judea sa wika at mga titik-Hebreo sa kapakanan niyaong mga tuling nagsisampalataya.” (De viris inlustribus, kab. III) Ang Ebanghelyong ito ay naglalaman ng 11 tuwirang pagsipi sa mga bahagi ng Hebreong Kasulatan na kung saan masusumpungan ang Tetragrammaton. Walang dahilan upang maniwala na si Mateo ay hindi sumipi ng mga talatang ito ayon sa kung papaano nasulat ang mga ito sa tekstong Hebreo na kaniyang pinagsipian.

      Ang iba pang kinasihang mga manunulat na ang mga liham ay napalakip sa Kristiyanong Griyegong Kasulatan ay sumipi ng daan-daang talata mula sa Septuagint, isang pagsasalin ng Hebreong Kasulatan tungo sa Griyego. Marami sa mga talatang ito ay naglakip sa Hebreong Tetragrammaton sa mismong tekstong Griyego ng sinaunang mga sipi ng Septuagint. Kasuwato ng sariling saloobin ni Jesus hinggil sa pangalan ng kaniyang Ama, malamang na pinanatili ng mga alagad ni Jesus ang pangalang yaon sa mga pagsiping ito.​—Ihambing ang Juan 17:6, 26.

      Ganito ang isinulat ni George Howard ng Pamantasan ng Georgia sa Journal of Biblical Literature: “Batid natin ang katotohanan na ang mga Judiong nagsasalita ng Griyego ay patuloy na sumulat ng יהוה sa kanilang mga Kasulatang Griyego. Bukod dito, mahirap maniwala na ang sinaunang konserbatibong mga Judio-Kristiyano na nagsasalita ng Griyego ay lilihis sa kaugaliang ito. Bagaman sa pangalawahing mga pagtukoy sa Diyos ay malamang na ginamit nila ang mga salitang [Diyos] at [Panginoon], magiging lubusang kakatwa para sa kanila na alisin ang Tetragram mula sa mismong tekstong bibliko. . . . Yamang ang Tetragram ay nakasulat pa rin sa mga sipi ng Bibliyang Griyego na bumubuo sa mga Kasulatan ng sinaunang iglesiya, makatuwirang maniwala na ang mga manunulat ng B[agong] T[ipan], kapag sumisipi mula sa Kasulatan, ay iningatan ang Tetragram sa loob ng mismong tekstong bibliko. . . . Subali’t nang ito’y alisin mula sa Griyegong M[atandang] T[ipan], ito’y inalis din sa mga pagsipi mula sa M[atandang] T[ipan] tungo sa B[agong] T[ipan]. Kaya noong mga pasimula ng ikalawang siglo ang paggamit ng mga kahalili [kapalit] ay malamang na siyang nag-alis ng Tetragram sa dalawang Tipan.”​—Tomo 96, No. 1, Marso 1977, p. 76, 77.

      Aling anyo ng banal na pangalan ang siyang wasto​—Jehova o Yahweh?

      Walang sinomang tao sa ngayon ang makatitiyak sa kung papaano ito unang-unang binigkas sa Hebreo. Bakit wala? Sa pasimula ang Biblikal na Hebreo ay isinulat sa pamamagitan lamang ng mga katinig, walang mga patinig. Nang ang wika ay ginagamit sa pang-araw-araw, ang bumabasa ay walang-kahirapang naglalaan ng angkop na mga patinig. Gayumpaman, nang maglaon, ang mga Judio ay nagkaroon ng mapamahiing palagay na mali ang pagbigkas nang malakas sa personal na pangalan ng Diyos, kaya gumamit sila ng kapalit na mga pamagat. Maraming dantaon pagkaraan nito, nakabuo ang mga Judiong iskolar ng isang sistema ng mga tuldok na nagpapahiwatig kung aling patinig ang dapat gamitin sa pagbasa ng sinaunang Hebreo, subali’t isiningit nila ang mga patinig ng mga kahaliling pamagat sa loob ng apat na katinig na kumakatawan sa banal na pangalan. Kaya ang orihinal na bigkas ng banal na pangalan ay nawaglit.

      Maraming iskolar ang nahihilig sa pagbaybay na “Yahweh,” subali’t ito’y hindi tiyak at sila-sila rin ay hindi nagkakaayon. Sa kabilang dako, “Jehova” ang anyo ng pangalan na madali agad makilala sapagka’t ito’y ginagamit sa Ingles sa loob na ng maraming siglo at iniingatan nito, na gaya ng iba pang anyo, ang apat na katinig ng Hebreong Tetragrammaton.

      Ginamit ni J. B. Rotherham, sa The Emphasized Bible, ang anyong “Yahweh” sa buong Hebreong Kasulatan. Gayumpaman, nang maglaon sa kaniyang Studies in the Psalms ay ginamit niya ang anyong “Jehova.” Nagpaliwanag siya: “JEHOVA​—Ang paggamit ng anyong Ingles na ito sa Pang-alaalang pangalan . . . sa kasalukuyang salin ng Mga Awit ay hindi bumabangon mula sa anomang pag-aalinlangan hinggil sa higit na wastong bigkas, na siya ngang Yahwéh; kundi tanging mula sa praktikal na ebidensiya ng personal na pagpili dahil sa pagnanais na makiayon sa pakinig at paningin ng madla sa bagay na ito, na kung saan ang pangunahing bagay ay ang madaling makilala ang Banal na pangalan.”​—(Londres, 1911), p. 29.

      Pagkatapos talakayin ang iba’t-ibang pagbigkas, ganito ang ipinasiya ng Alemang propesor na si Gustav Friedrich Oehler: “Mula sa puntong ito patuloy na ginagamit ko ang salitang Jehova, sapagka’t, ang totoo, ang pangalang ito’y naging bahagi na ngayon ng ating talasalitaan, at hindi na ito maaari pang halinhan.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share