Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rs p. 145-p. 152
  • Ebolusyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ebolusyon
  • Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung May Magsasabi​—
  • Nililitis ang Ebolusyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pandaraya sa Siyensiya—Isang Lalong Dakilang Pandaraya
    Gumising!—1990
  • Magkasuwato ba ang Ebolusyon at ang Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Paglalang o Ebolusyon—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?
    Tanong ng mga Kabataan
Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
rs p. 145-p. 152

Ebolusyon

Kahulugan: Ang organikong ebolusyon ay ang teoriya na ang unang nabubuhay na organismo ay nabuo mula sa walang-buhay na materya. Pagkatapos, habang ito ay nagluluwal ng supling, di-umano, ito’y nabago tungo sa iba’t-ibang uri ng nabubuhay na bagay, at sa wakas ay nagluwal ng lahat ng anyo ng buhay-halaman at buhay-hayop na kailanma’y umiral sa ibabaw ng lupang ito. Sinasabi na lahat ng ito ay naganap nang walang makahimalang pakikialam mula sa isang Maylikha. Sinisikap ng iba na paglahukin ang paniniwala sa Diyos at ang ebolusyon, sa pagsasabing ang Diyos ay lumalang sa pamamagitan ng ebolusyon, na kaniyang pinairal ang sinaunang mabababang anyo ng buhay at na pagkatapos nito, ang matataas na anyo ng buhay, kasama na ang tao, ay umiral sa pamamagitan ng ebolusyon. Hindi itinuturo sa Bibliya.

Ang ebolusyon ba ay talagang maka-siyentipiko?

Ang “maka-siyentipikong paraan” ay gaya ng sumusunod: Masdan kung ano ang nangyayari; salig sa mga obserbasyong ito, bumuo ng isang teoriya hinggil sa kung ano ang totoo; subukin ang teoriya sa pamamagitan ng higit pang pagmamasid at pag-eeksperimento; at tingnan kung ang mga prediksiyon na nasasalig sa teoriya ay natutupad. Ang paraan bang ito ay sinusunod niyaong mga naniniwala at nagtuturo ng ebolusyon?

Sinabi ng astronomong si Robert Jastrow: “Napapahiya sila [ang mga siyentipiko] pagka’t wala silang malinaw na sagot, sapagka’t ang mga kimiko ay hindi kailanman nagtagumpay sa pagtulad sa mga eksperimento ng kalikasan sa paglikha ng buhay mula sa walang-buhay na materya. Hindi nalalaman ng mga siyentipiko kung papaano ito nangyari.”​—The Enchanted Loom: Mind in the Universe (Nueba York, 1981), p. 19.

Inamin ng ebolusyonistang si Loren Eiseley: “Pagkaraang sumbatan ang mga teologo dahil sa pananalig sa alamat at himala, nasumpungan ng siyensiya ang sarili sa di-kanaisnais na katayuan sa paglikha ng sarili niyang mitolohiya: alalaong baga’y, na yaong hindi kayang patunayan sa kasalukuyan sa kabila ng matagal na pagsisikap, di umano’y naganap na noong pasimula ng kasaysayan.”​—The Immense Journey (Nueba York, 1957), p. 199.

Ayon sa New Scientist: “Isang lumalagong bilang ng mga siyentipiko, lalung-lalo na ang isang lumalaking bilang ng mga ebolusyonista . . . ay nangangatuwiran na ang teoriya ni Darwin sa ebolusyon ay hindi naman talagang isang tunay na siyentipikong teoriya. . . . Marami sa mga pumupuna ay kilala sa pagtataglay ng mataas na antas ng katalinuhan.”​—Hunyo 25, 1981, p. 828.

Sinabi ng pisistang si H. S. Lipson: “Ang tanging kapanipaniwalang paliwanag ay ang paglalang. Batid kong ito ay kasumpasumpa sa isang pisista, na siyang totoo rin kung sa ganang akin, subali’t hindi natin dapat tanggihan ang isang teoriya na hindi natin naiibigan kung ang ebidensiya ng pag-eeksperimento ay umaalalay dito.” (Idinagdag namin ang mga pahilis.)​—Physics Bulletin, 1980, Tomo 31, p. 138.

Nagkakasundo ba yaong mga nagtataguyod ng ebolusyon? Dahil sa mga katotohanang ito ay ano ang nadadama ninyo tungkol sa kanilang turo?

Ganito ang sinasabi ng pambungad sa ika-isandaang edisyon ng Origin of Species ni Darwin (Londres, 1956): “Gaya ng alam natin, iba-iba ang palagay ng mga bayologo, hindi lamang tungkol sa mga sanhi ng ebolusyon, kundi maging sa kung papaano ito aktuwal na nangyari. Ang pagkakaiba-ibang ito ay umiiral sapagka’t ang ebidensiya ay hindi kasiyasiya at hindi nito pinahihintulutan ang pagkakaroon ng isang tiyak na konklusyon. Wasto at angkop kung magkagayon na akayin ang pansin ng di-maka-siyentipikong madla sa mga di-pagkakasundo sa ebolusyon.”​—Ni W. R. Thompson, na noo’y direktor ng Commonwealth Institute of Biological Control, Ottawa, Canada.

“Isang siglo pagkamatay ni Darwin, hindi pa rin natin taglay ni katiting na katunayan o kahit na isang kapanipaniwalang ideya hinggil sa kung papaano talaga naganap ang ebolusyon​—at nitong nakaraang ilang taon, ito ay umakay sa isang di-pangkaraniwang serye ng mga labanan hinggil sa buong suliraning ito. . . . Halos ay umiiral ang isang lantarang pagdidigmaan sa gitna mismo ng mga ebolusyonista, na kung saan iginigiit ng bawa’t uri ng [ebolusyonaryong] sekta ang isang bagong pagrerebisa.”​—C. Booker (patnugot ng London Times), The Star, (Johannesburg), Abril 20, 1982, p. 19.

Sinabi ng maka-siyentipikong magasin na Discover: “Ang ebolusyon ay . . . hindi lamang sinasalakay ng mga pundamentalistang Kristiyano, kundi ito’y pinag-aalinlanganan din ng mga kagalanggalang na siyentipiko. Sa gitna ng mga paleontologo, mga siyentista na nagsusuri sa natuklasang mga labi sa bato [fossils], ay dumarami ang mga pagtatalo.”​—Oktubre 1980, p. 88.

Anong pangmalas ang itinataguyod ng natuklasang mga labi sa bato?

Inamin ni Darwin: “Kung ang sarisaring uri . . . ay talagang sabay-sabay na pinairal, ang katotohanang ito ay papatay sa teoriya ng ebolusyon.” (The Origin of Species, Nueba York, 1902, Pangalawang Bahagi, p. 83) Ipinakikita ba ng ebidensiya na ang “sarisaring uri” ay umiral nang sabay-sabay, o nagpapakita ba ito ng unti-unting pagsulong, gaya ng inaangkin ng ebolusyon?

Sapat ba ang nasumpungang labi upang makagawa ng matinong pagpapasiya?

Sinabi ng siyentipiko sa Smithsonian Institution na si Porter Kier: “May isang daang milyong mga labi na pawang nakatala at nakilala, sa mga museo sa buong daigdig.” (New Scientist, Enero 15, 1981, p. 129) Idinagdag pa ng A Guide to Earth History: “Sa tulong ng mga labi ang mga paleontologo ay makapagbibigay ngayon sa atin ng isang napakahusay na larawan hinggil sa buhay noong nakaraang mga panahon.”​—(Nueba York, 1956), Richard Carrington, edisyong Mentor, p. 48.

Ano ang aktuwal na ipinakikita ng natuklasang mga labi?

Ipinaliwanag ng Bulletin ng Chicago Field Museum of Natural History: “Ang teoriya ni Darwin hinggil sa [ebolusyon] ay laging may matalik na kaugnayan sa katibayan mula sa mga labi, at malamang na karamihan ng tao ay nagpapalagay na ang mga labi ay isang napakahalagang bahagi ng pangkalahatang pangangatuwiran bilang pag-alalay sa mga paliwanag ni Darwin hinggil sa kasaysayan ng buhay. Subali’t, ito’y hindi lubusang totoo. . . . kahit na noon at maging sa ngayon ang ulat ng heolohiya ay hindi naglalaan ng isang maayos ang pagkakasunudsunod na kawing ng unti-unti at pasulong na ebolusyon.”​—Enero 1979, Tomo 50, Blg. 1, p. 22, 23.

Sinabi ng A View of Life: “Magbuhat sa pasimula ng yugtong Cambrian at patuloy sa sumunod na 10 milyong taon, lahat ng pangunahing grupo ng mga kalansay ng hayop ay unang lumitaw sa kagilagilalas na pagkakasarisari na kailanma’y naiulat sa ating planeta.”​—(California, 1981), Salvador E. Luria, Stephen Jay Gould, Sam Singer, p. 649.

Sumulat ang paleontologong si Alfred Romer: “Sa pinaka-ilalim ng [yugtong Cambrian] na ito, ay umiiral ang napakakapal na latak na kung saan dapat asahang makita ang mga kanunununuan ng mga anyong Cambrian. Subali’t hindi natin masumpungan ang mga ito; ang mas matatandang mga sapin na ito ay halos walang anomang ipinakikitang anyo ng buhay, at makatuwirang masasabi na ang pangkalahatang larawan ay kasuwato ng ideya ng isang pantanging paglalang sa pasimula ng mga kapanahunang Cambrian.”​—Natural History, Oktubre 1959, p. 467.

Sinabi ng soologong si Harold Coffin: “Kung wasto nga ang pasulong na ebolusyon mula sa payak tungo sa masalimuot, dapat masumpungan ang mga ninuno ng mga maygulang na nabubuhay na nilikhang ito sa panahong Cambrian; subali’t ang mga ito’y hindi nasumpungan at inaamin ng mga siyentipiko na hindi sila masyadong umaasa na ito ay masusumpungan. Kung ibabatay lamang sa mga katotohanan, salig sa kung ano ang talagang natuklasan sa lupa, mas naaangkop ang teoriya na biglang nilikha nang sabay-sabay ang mga pangunahing anyo ng buhay.”​—Liberty, Setyembre/Oktubre, 1975, p. 12.

Si Carl Sagan, sa kaniyang aklat na Cosmos, ay buong-pagtatapat na umamin: “Ang ebidensiya ng mga labi ay maaaring makasuwato ng ideya tungkol sa isang Dakilang Disenyador.”​—(Nueba York, 1980), p. 29.

Maaari kayang naganap ang ebolusyon bunga ng mga mutasyon, alalaong baga’y, ang bigla at malalaking pagbabago sa mga gene?

Sinasabi ng Science Digest: “Ang mga tagarebisa sa ebolusyon ay naniniwala na ang mga mutasyon sa mga pangunahing tagapag-ayos na gene ay malamang na siyang inaasahang genetikong kasagutan sa kanilang teoriya.” Gayumpaman, sinisipi rin ng magasing ito ang soologong si Colin Patterson ng Britanya sa pagsasabing: “Laganap ang pagbabaka-sakali. Wala kaming nalalaman hinggil sa mga pangunahing tagapag-ayos na mga gene na ito.” (Pebrero 1982, p. 92) Sa ibang pangungusap, walang ebidensiya upang umalalay sa teoriyang ito.

Inaamin ng The Encyclopedia Americana: “Ang bagay na ang karamihan ng mutasyon ay nakapipinsala sa organismo ay tila mahirap makasuwato ng pangmalas na ang mutasyon ang siyang bukal ng mga materyales na nagbunga ng ebolusyon. Ang totoo, ang mga mutasyon na inilalarawan sa mga aklat-aralan ng bayolohiya ay pawang kakatwa at napakapangit at waring ang mutasyon ay isang nakapipinsala sa halip na isang kapakipakinabang na pamamaraan.”​—(1977), Tomo 10, p. 742.

Kumusta naman ang mga “taong-bakulaw” na inilalarawan sa mga aklat sa paaralan, mga encyclopedia at museo?

“Ang laman at buhok ng mga binuo-muling nilalang na ito ay nalikha sa pamamagitan ng guni-guni. . . . Ang kutis; kulay, hugis at kapal ng buhok; ang anyo ng mga bahagi ng katawan; at ang hitsura ng mukha​—hinggil dito’y wala kaming nalalamang anoman tungkol sa sinaunang tao.”​—The Biology of Race (Nueba York, 1971), James C. King, p. 135, 151.

“Ang kalakhang bahagi ng mga kathang-isip ng mga tagaguhit ay salig sa guni-guni sa halip na sa katibayan. . . . Ang mga tagaguhit ay kailangang makalikha ng isang bagay na mistulang bakulaw at mistulang tao; mentras tumatanda ang tantiya nila sa edad ng ispesimen, lalo nila itong pinagmumukhang bakulaw.”​—Science Digest, Abril 1981, p. 41.

“Kung papaanong unti-unti nating natututuhan na ang sinaunang mga tao ay hindi laging mga taong-gubat, dapat din nating matutuhang unawain na ang mga tao noong Edad Yelo ay hindi mga mababagsik na halimaw ni mga mestisong tsonggo ni mga hangal. Kaya hindi mailarawan ang kamangmangan ng lahat ng pagsisikap na muling buuin ang taong Neandertal at maging ang taong Peking.”​—Man, God and Magic (Nueba York, 1961), Ivar Lissner, p. 304.

Hindi ba inihaharap ng mga aklat-aralan na ang ebolusyon ay isang katotohanan?

“Maraming siyentipiko ang nahuhulog sa tukso na maging dogmatiko, . . . paulit-ulit na inihaharap ang suliranin hinggil sa pinagmulan ng mga species na wari bagang ito’y nalutas na. Malayo ito sa katotohanan. . . . Subali’t gumigiit ang hilig na maging dogmatiko, at ito’y hindi tumutulong sa kapakanan ng siyensiya.”​—The Guardian, Londres, Ingglatiyera, Disyembre 4, 1980, p. 15.

Subali’ t makatuwiran bang maniwala na lahat ng bagay sa lupa ay nalikha sa anim na araw?

May mga grupong relihiyoso na nagtuturong ang lahat ay nilikha ng Diyos sa anim na araw na tig-24 na oras. Subali’t hindi ganito ang sinasabi ng Bibliya.

Sinasabi ng Genesis 1:3-31 kung papaano inihanda ng Diyos ang dati nang umiiral na lupa upang matahanan ng tao. Sinasabi nito na ito ay naganap sa isang yugto ng anim na araw, subali’t hindi nito sinasabi na ang mga ito ay araw na may 24 na oras. Hindi pambihira na tukuyin ng isa ang “araw ng aking lolo,” na nangangahulugan ng buong buhay nito. Kaya, malimit ding gamitin ng Bibliya ang katagang “araw” upang ilarawan ang isang mahabang yugto ng panahon. (Ihambing ang 2 Pedro 3:8.) Kaya makatuwiran na ang mga ‘araw’ sa Genesis kabanatang 1 ay maaaring maging libu-libong taon ang haba.

Ukol sa karagdagang detalye, tingnan ang pahina 294.

Kung May Magsasabi​—

‘Naniniwala ako sa ebolusyon’

Maaari kayong sumagot: ‘Naniniwala ba kayo na ang Diyos ay may pananagutan sa bagay na ito, o naniniwala ba kayo na buhat pa sa pasimula ang paglitaw ng buhay ay basta nagkataon lamang? (Pagkatapos ay magpatuloy salig sa kung ano ang sasabihin ng maybahay.)’

O maaari ninyong sabihin: ‘Hindi magiging maka-katotohanan na tanggihan ang isang bagay na lubusang napatunayan bilang isang maka-siyentipikong katotohanan, hindi ba? . . . Narito ang ilang kapunapunang komento ng mga siyentipiko hinggil sa puntong ito. (Gamitin ang materyales sa mga pahina 145, 146, sa ilalim ng subtitulong “Ang ebolusyon ba ay talagang maka-siyentipiko?” o sa pahina 146, sa ilalim ng “Nagkakasundo ba yaong mga nagtataguyod ng ebolusyon? . . . ”)’

Isa pang posibilidad: ‘Kapag may matatag na saligan na nagpapatunay sa anoman, ito ang dapat nating paniwalaan, hindi ba? . . . Natatandaan ko sa aking mga aklat sa paaralan na may mga larawan ng mga labi bilang alalay sa ebolusyon. Subali’t magbuhat noon ay nakabasa ako ng kapansinpansing mga komento ng mga siyentipiko hinggil sa natuklasang mga labi. Narito ang ilan sa mga ito. (Gamitin ang materyales sa mga pahina 146, 147, sa ilalim ng pamagat na “Anong pangmalas ang itinataguyod ng natuklasang mga labi sa bato?”)’

Isang karagdagang mungkahi: ‘Tama ba ang palagay ko na kayo ay isang tao na gustong humarap sa buhay ayon sa kung ano talaga ito? . . . Ako rin.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Kung ako’y maglalakad sa kabukiran at makakasumpong ako ng mga kahoy at bato na hinubog bilang isang bahay, dapat kong isipin na may nauna sa akin doon at nagtayo nito; tama ba? . . . Ngayon, magiging makatuwiran ba ako kung ipapasiya ko na ang mga bulaklak na tumutubo sa tabi ng bahay ay bunga lamang ng pagkakataon? Kung ganoon ang aking nadadama dapat kong suriing mabuti at pansinin ang masalimuot na disenyo nito, sapagka’t batid ko ang saligang katotohanan na kung saan may disenyo ay dapat na may disenyador. Ito ang sinasabi ng Bibliya sa Hebreo 3:4.’

O maaari kayong sumagot (sa isang nakatatanda): ‘Isa sa mga saligang ideya ng ebolusyon ay na ito ang may pananagutan sa pagsulong ng tao, sa kaniyang pag-unlad sa kung ano siya ngayon, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Kayo po ay nabuhay na ng mahabang panahon. Natatandaan po ba ninyo kung ano ang kalagayan nang kayo’y bata pa? Noon ba’y malala ang krimen na gaya nang sa ngayon? . . . Lagi ba kayong nagkakandado ng pinto? . . . Masasabi po ba ninyo na ang mga tao noon ay mas nagmamalasakit sa kanilang kapuwa, at gayon din sa matatanda, kaysa sa ngayon? . . . Kaya bagaman nagkaroon ng malaking pagsulong sa larangan ng teknolohiya, ang mga tao mismo’y tila hindi sumusulong sa mga katangian na mas mahalaga. Bakit po kaya?’ (2) ‘Nasumpungan ko na ang mga kalagayan sa buhay na kapuwa natin naoobserbahan ay kasang-ayon ng nasusulat dito sa Bibliya sa Roma 5:12. . . . Kaya, ang totoo, paurong ang takbo ng mga pangyayari.’ (3) ‘Nguni’t ipinakikita ng Bibliya kung papaano ito magbabago. (Dan. 2:44; Apoc. 21:3, 4)’

‘Naniniwala ako na nilalang ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng ebolusyon’

Maaari kayong sumagot: ‘Marami na akong nakausap na kagaya din ninyo ang paniwala. Tama ba ako sa pagsasabing kayo ay isang tao na may matibay na pananampalataya sa Diyos? . . . Kaya ang inyong pananampalataya ay talagang nagtataglay ng unang dako sa inyong buhay; at sa tulong nito, sinisikap din ninyong timbang-timbangin ang ibang bagay, hindi po ba? . . . Ganoon din ang pangmalas ko sa mga bagay-bagay.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Alam ko na kung ang pinaniniwalaan ko ay katotohanan, hindi ito sasalungat sa napatunayan nang maka-siyentipikong mga bagay. Kasabay nito alam ko rin na magiging mangmang ako kung wawaling-bahala ko ang sinasabi ng Salita ng Diyos, sapagka’t higit pa ang alam ng Diyos tungkol sa kaniyang mga gawa kaysa kaninoman sa atin. Ako’y humahanga sa sinasabi ng Bibliya, ang kinasihang Salita ng Diyos, dito sa Genesis 1:21 (idiin ang “ayon sa kani-kaniyang uri”).’ (2) ‘Pagkatapos, sa Genesis 2:7 ay natututuhan natin na hinubog ng Diyos ang tao, hindi mula sa nakabababang mga hayop, kundi mula sa alabok.’ (3) ‘At sa Gen 2 bersikulo 21, 22, mababasa natin na si Eba ay hinubog, hindi mula sa isang hayop, kundi mula sa tadyang ni Adan bilang saligang materyales.’

O maaari ninyong sabihin: ‘(Pagkatapos magkasundo sa isang partikular na punto, gaya nang nasa itaas . . . ) Sinasabi ng iba na ang pagtukoy ng Bibliya kay Adan ay isa lamang talinghaga. Subali’t kung ito’y totoo, aakay ito sa anong konklusyon?’ (1) ‘Buweno, pansinin ang sinasabi dito sa Roma 5:19: “Kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ang marami ay naging makasalanan, gayon din sa pamamagitan ng pagtalima ng isa [si Jesu-Kristo] ay marami ang aariing-matuwid.” Kasuwato nito, ang 1 Corinto 15:22 ay nagsasabi: “Sapagka’t kung paanong kay Adan ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” Ngayon kung talagang walang “isang tao” na nagngangalang Adan, hindi talaga siya nagkasala. Kung hindi siya nagkasala at nagpamana ng kasalanan sa kaniyang mga supling, hindi kakailanganin ni Kristo na ihandog ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Kung hindi talaga ipinagkaloob ni Kristo ang kaniyang buhay alang-alang sa atin, kung magkagayo’y wala nang pag-asa pang mabuhay maliban na sa ating kasalukuyang maikling panahon. Mangangahulugan ito na talagang walang kabuluhan ang Kristiyanismo.’ (2) ‘Gayumpaman, napapaloob sa Kristiyanismo ang pinakamatatayog na prinsipyong moral na masusumpungan saanman. Posible kaya na ang pinakamagagaling na turo hinggil sa katotohanan at katapatan ay mag-ugat sa isang bagay na kasinungalingan?’ (Tingnan din ang mga pahina 27-29, sa ilalim ng paksang “Adan at Eba.”)

‘Subali’t pinaniniwalaan ito ng mga taong may mataas na pinag-aralan’

Maaari kayong sumagot: ‘Totoo, subali’t alam ko na maging yaong nagsasabi na naniniwala sila dito ay maaaring tahasang hindi sumasang-ayon sa sinasabi ng iba na naniniwala sa ebolusyon. (Banggitin ang mga halimbawa mula sa materyal sa pahina 146.) Kaya, dapat nating personal na suriin ang katibayan upang makita kung alin ang ating paniniwalaan​—ebolusyon o paglalang.’

O maaari ninyong sabihin: ‘Totoo iyan, subali’t natatalos ko na marami ding tao na mataas ang pinag-aralan ang hindi naniniwala rito.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Bakit kaya may pagkakaiba? May kabatiran naman silang lahat sa magkakaparehong ebidensiya. Maaari kayang masangkot ang motibo? Posible.’ (2) ‘Papaano natin matitiyak kung alin ang dapat paniwalaan? Buweno, kung hahatulan ang grupo bilang kabuuan (at hindi namimintas sa mga indibiduwal), aling grupo ang sa paniwala ninyo ay higit na matapat​—yaong mga naniniwala na ang tao ay nilalang ng Diyos at nakakadama na sila’y dapat magsulit sa kaniya, o yaong mga nagsasabi na sila ay produkto lamang ng pagkakataon kung kaya’t wala silang pagsusulitan kundi ang sarili?’ (3) ‘Kaya nga, dapat na personal nating suriin ang ebidensiya upang makita kung baga ang paglalang o ang ebolusyon ang naglalaan ng pinaka-kasiyasiyang mga sagot hinggil sa buhay.’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share