-
BuhayNangangatuwiran Mula sa Kasulatan
-
-
Juan 11:25, 26: “Sinabi ni Jesus sa kaniya [sa kapatid ng isang lalake na kaniyang binuhay-muli]: ‘Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay muling mabubuhay; at bawa’t nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi na mamamatay kailan pa man. Sinasampalatayanan mo ba ito?’ ” (Kaya, bukod sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, may iba pang ipinangako si Jesus para sa mga taong nabubuhay sa panahong magwawakas ang kasalukuyang balakyot na sanlibutan. Yaong may pag-asa na maging makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay maaaring makaligtas at hindi na mamamatay kailan pa man.)
Mayroon bang patotoo sa kayarian ng katawan ng tao na ito’y dinisenyo upang mabuhay magpakailanman?
Sa maraming dako ay kinikilala na ang kakayahan ng utak ng tao ay lubha pang nakahihigit sa maaaring magamit sa kasalukuyang lawig-ng-buhay, tayo man ay umabot sa edad na 70 o 100. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na ang utak ng tao ay “sinangkapan ng ibayong potensiyal kaysa maaaring matanto sa buong lawig-ng-buhay ng isang tao.” (1976, Tomo 12, p. 998) Sinasabi ng siyentistang si Carl Sagan na ang utak ng tao ay makapaglalaman ng impormasyon na “maaaring pumuno sa dalawampung milyong aklat, kasingdami niyaong nasa pinakamalalaking aklatan sa daigdig.” (Cosmos, 1980, p. 278)
Tungkol sa kakayahan ng “filing system” ng utak, ang biokemiko na si Isaac Asimov ay sumulat na ito’y “may kakayahang tumanggap ng anomang maipapasok doon ng isang tao mula sa kaniyang pinag-aralan at sa kaniyang memorya—at isang bilyong ulit na makapupung higit.”—The New York Times Magazine, Oktubre 9, 1966, p. 146. (Bakit kaya binigyan ang utak ng tao ng gayong kalaking kakayahan kung hindi ito gagamitin? Hindi ba makatuwiran na ang tao, na may kakayahan ukol sa walang-hanggang pagkatuto, ay talagang dinisenyo upang mabuhay magpakailanman?)
May buhay ba sa ibang mga planeta?
Iniuulat ng The New York Times: “Ang pagsisikap na hanapin ang matalinong buhay sa ibang bahagi ng sansinukob . . . ay nagsimula mga 25 taon ang nakalilipas . . . Ang kasindak-sindak na gawaing ito, na nangangahulugang kailangang suriin ang daan-daang bilyong mga bituin, hanggang sa ngayon ay hindi pa naglaan ng malinaw na katibayan na umiiral ang buhay sa labas ng Lupa.”—Hulyo 2, 1984, p. A1.
Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Walang ibang planeta [sa labas ng ating solar system] ang nasumpungan. Subali’t sa bawa’t planeta na maaaring umiral sa labas ng solar system, may posibilidad na nagsimula ang buhay at na ito’y unti-unting sumulong hanggang sa naging isang matalinong kabihasnan.” (1977, Tomo 22, p. 176) (Gaya ng makikita sa mga salitang ito, posible kaya na isa sa pangunahing motibo ng magastos na paghanap ng buhay sa kalawakan ay ang pagnanais na makasumpong ng patotoo para sa teoriya ng ebolusyon, na ang tao ay hindi nilikha ng Diyos anupa’t hindi siya magbibigay-sulit sa Kaniya?)
Ipinakikita ng Bibliya na hindi lamang sa lupang ito umiiral ang buhay. May mga nabubuhay na espiritu—ang Diyos at ang mga anghel—na may katalinuhan at kapangyarihan na makapupung higit kaysa sa tao. Ang mga ito’y nakipagtalastasan na sa sangkatauhan, at ipinaliwanag ang pinagmulan ng buhay at kung ano ang kalutasan sa mabibigat na suliraning napapaharap sa sanlibutan. (Tingnan ang mga paksang “Bibliya” at “Diyos.”)
-
-
Mga Bulaang PropetaNangangatuwiran Mula sa Kasulatan
-
-
Mga Bulaang Propeta
Kahulugan: Mga indibiduwal at organisasyon na naghahayag ng mga mensahe na inaangkin nilang nagbubuhat sa isa na nakahihigit sa tao subali’t hindi talaga nagmumula sa tunay na Diyos at hindi kasuwato ng kaniyang inihayag na kalooban.
Papaano makikilala ang mga tunay na propeta at yaong mga bulaan?
Ipinakikilala ng mga tunay na propeta ang pananampalataya nila kay Jesus, subali’t higit pa ang kailangan kaysa basta pag-aangkin lamang na nangangaral sa kaniyang pangalan
1 Juan 4:1-3: “Subukin ninyo ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung sila’y mula sa Diyos, sapagka’t maraming nagsilitaw na bulaang propeta sa sanlibutan. Sa ganito’y makikilala ninyo ang kinasihang kapahayagan na nagmumula sa Diyos: Bawa’t kinasihang kapahayagan na nagpapahayag na si Jesu-Kristo ay naparito sa laman ay mula sa Diyos, subali’t bawa’t kinasihang kapahayagan na hindi nagpapahayag kay Jesus ay hindi buhat sa Diyos.”
Mat. 7:21-23: “Hindi ang lahat ng nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi siya na gumaganap sa kalooban ng aking Ama na nasa mga langit.
-