-
Mga Bulaang PropetaNangangatuwiran Mula sa Kasulatan
-
-
Ang isa pang dapat isaalang-alang tungkol sa mga turo ng mga Saksi ni Jehova ay ito: Tunay bang pinabuti ng mga ito ang asal ng mga tao? Ang mga nanghahawakan ba sa mga turong ito ay nagiging bukod-tangi sa kanilang mga komunidad dahil sa kanilang katapatan? Napabubuti ba ang kanilang buhay-pamilya dahil sa pagkakapit ng mga turong ito? Sinabi ni Jesus na madaling makilala ang kaniyang mga alagad dahil sa taglay nilang pag-ibig sa isa’t-isa. (Juan 13:35) Namumukod-tangi ba ang katangiang ito sa gitna ng mga Saksi ni Jehova? Hayaan natin ang aktuwal na mga pangyayari ang siyang sumagot.
Kung May Magsasabi—
‘Sinabi ng aming ministro na ang mga Saksi ni Jehova raw ay mga bulaang propeta’
Maaari kayong sumagot: ‘Matanong ko kayo, May naipakita ba siyang anoman mula sa Bibliya na nagpapaliwanag sa aming pinaniniwalaan at ginagawa at na nagsasabi na ang ganitong mga tao ay mga bulaang propeta? . . . Maaari ko bang ipakita sa inyo kung papaano inilalarawan ng Bibliya ang mga bulaang propeta? (Pagkatapos ay maaari ninyong gamitin ang isa o higit pang punto na binabalangkas sa mga pahina 75-79.)’
O kaya’y: ‘Natitiyak kong sasang-ayon kayo na ang ispesipikong ebidensiya ay dapat umalalay sa ganitong napakalubhang paratang. May binanggit ba ang inyong ministro na espesipikong halimbawa? (Kung tukuyin ng maybahay ang ilang inaangking “prediksiyon” na hindi natupad, gamitin ang materyales sa pahina 77, at mula sa ibaba ng pahina 78 hanggang sa itaas ng 80.)’
Isa pang posibilidad: ‘Natitiyak ko na kung may magpaparatang sa inyo ng ganiyan, pasasalamatan ninyo ang pagkakataon na kahit papaano’y maipaliwanag ang inyong katayuan o punto-de-vista, hindi po ba? . . . Kaya maaari ko bang ipakita sa inyo mula sa Bibliya . . . ?’
-
-
Kaarawan ng KapanganakanNangangatuwiran Mula sa Kasulatan
-
-
Kaarawan ng Kapanganakan
Kahulugan: Ang araw ng kapanganakan ng isa o ang anibersaryo ng araw na yaon. Sa ibang lugar ang anibersaryo ng kapanganakan ng isa, lalo na ng isang bata, ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng isang salu-salo at ng pagbibigay ng regalo. Hindi isang maka-Kasulatang kaugalian.
Ang mga pagbanggit ba ng Bibliya sa mga pagdiriwang ng kaarawan ay nangangahulugang sinasang-ayunan ang mga ito? Ang Bibliya ay may dalawa lamang pagtukoy sa ganitong pagdiriwang:
Gen. 40:20-22: “At nangyari nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan kay Faraon, kaya’t siya’y naghanda ng isang salu-salo . . . At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng saro sa kaniyang pagkakatiwala ng saro . . . Datapuwa’t ang puno ng mga magtitinapay ay ibinitin niya.”
Mat. 14:6-10: “Nang ipagdiwang ang araw ng kapanganakan kay Herodes ay sumayaw ang anak na babae ni Herodias, anupa’t sa tuwa ni Herodes ay ipinangako niya na may sumpa na ipagkakaloob sa kaniya ang anomang hingin nito. Kaya’t ito, sa udyok ng kaniyang ina, ay nagsabi: ‘Ibigay mo sa akin sa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.’ . . . Kaya’t ipinag-utos niya at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan.”
Lahat ng nakasulat sa Bibliya ay may kadahilanan. (2 Tim. 3:16, 17) Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na hindi sinasang-ayunan ng Salita ng Diyos ang mga pagdiriwang ng kaarawan kung kaya’t iniiwasan nila ito.
Papaano minalas ng mga sinaunang Kristiyano at ng mga Judio noong kapanahunan ng Bibliya ang mga pagdiriwang ng kaarawan?
“Sa pangkalahatan, ang pagdiriwang ng kapanganakan ay malayung-malayo sa paniwala ng mga Kristiyano noong panahong ito.”—The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries (Nueba York, 1848), Augustus Neander (isinalin ni Henry John Rose), p. 190.
“Ang pagdiriwang ng kaarawan ay itinuring ng mga Hebreo nitong huli bilang isang bahagi ng maka-idolatrosong pagsamba, isang pangmalas na lubos na pinatutunayan ng kanilang nasaksihan sa karaniwang mga pagdiriwang na nauso noong mga panahong yaon.”—The Imperial Bible-Dictionary (Londres, 1874), pinamatnugutan ni Patrick Fairbairn, Tomo I, p. 225.
Ano ang pinagmulan ng palasak na mga kaugalian kaugnay ng pagdiriwang ng kaarawan?
“Ang sari-saring kaugalian ng mga tao sa pagdiriwang nila ngayon ng kanilang kaarawan ay may mahabang kasaysayan. Ang pinagmulan nito ay nag-uugat sa daigdig ng salamangka at relihiyon. Ang mga kaugalian ng pagbati, pagreregalo at pagdiriwang noong sinaunang panahon—pati na ang mga kandilang sinindihan—ay nilayon upang ang nagdiriwang ng kaarawan ay ipagsanggalang mula sa mga demonyo at upang matiyak ang kaniyang kapanatagan sa susunod na taon. . . . Hanggang sa ikaapat na siglo ay tinanggihan ng Pagkakristiyano ang pagdiriwang ng kaarawan bilang isang paganong kaugalian.”—Schwäbische Zeitung (suplementong magasin Zeit und Welt), Abril 3/4, 1981, p. 4.
“Ang mga Griyego ay naniwala na bawa’t isa ay may nagsasanggalang na espiritu o daemon na naroon nang siya’y isilang at na nagbabantay sa kaniya habang-buhay. Ang espiritung ito ay may mahiwagang kaugnayan sa diyos na katapat ng araw ng kapanganakan ng isa. Ang mga Romano ay nanghawakan din sa palagay na ito. . . . Ang paniwalang ito ay napalakip at nasasalamin sa paniniwala ng mga tao sa anghel-dela-guwardiya, sa inang engkantada at sa santong patron. . . . Ang kaugalian ng mga cake na may sinding kandila ay nagsimula sa mga Griyego. . . . Ang mga cake na pulotpukyutan na hugis-buwan at may mga sinding kandila ay inihandog sa mga dambana ng templo ni [Artemis]. . . . Ang mga kandila ng kapanganakan, ayon sa alamat, ay nilalakipan ng pantanging salamangka ukol sa pagkakaloob ng mga kahilingan. . . . Ang mga sinindihang kandila at mga handog na susunugin ay may pantanging mahiwagang kahulugan mula nang unang magtayo ang tao ng dambana sa kaniyang mga diyos. Kaya ang mga kandila ng kapanganakan ay isang parangal at pagbibigay-galang sa sanggol na nagdiriwang ng kaarawan at upang magdala ng mabuting kapalaran. . . . Ang mga pagbati sa kaarawan at mga kahilingan ukol sa kaligayahan ay isang likas na bahagi ng kapistahang ito. . . . Sa pasimula ang paniwalang ito ay nag-uugat sa salamangka. . . . Ang mga pagbati sa kaarawan ay may puwersa ukol sa mabuti o masama sapagka’t ang isa ay napapalapit sa daigdig ng mga espiritu sa araw na ito.”—The Lore of Birthdays (Nueba York, 1952), Ralph at Adelin Linton, p. 8, 18-20.
Hindi tinututulan ang masisiglang pagtitipon ng pamilya at magkakaibigan upang kumain, uminom at magsaya sa ibang mga pagkakataon
Ecles. 3:12, 13: “Walang maigi para sa kanila kundi ang magalak at gumawa ng mabuti habang sila’y nabubuhay; at ang bawa’t tao rin naman ay marapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa kaniyang kasipagan. Ito’y kaloob ng Diyos.”
Tingnan din ang 1 Corinto 10:31.
-