Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be aralin 24 p. 160-p. 165 par. 1
  • Pagpili ng mga Salita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpili ng mga Salita
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kaparehong Materyal
  • Gamitin sa Ikabubuti ang Kapangyarihan ng Dila
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Magsalita ng “Mabuti sa Ikatitibay”
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Matatas na Pagpapahayag
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Magsalita ng “Mabubuting Bagay na Nakapagpapatibay”
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be aralin 24 p. 160-p. 165 par. 1

ARALIN 24

Pagpili ng mga Salita

Ano ang kailangan mong gawin?

Gumamit ng mga salita na may paggalang at kinakikitaan ng kabaitan, na madaling maunawaan, na nagbibigay ng iba’t ibang kulay sa iyong pagsasalita, at naghahatid ng angkop na puwersa at damdamin. Gumamit ng mga salita na kaayon ng mga alituntunin ng balarila.

Bakit ito mahalaga?

Ito’y nagpapakita ng paggalang sa mensaheng iyong ipinahahayag at nagsisiwalat nang malaki hinggil sa iyong saloobin sa mga tao na iyong kinakausap. Ito’y nakaiimpluwensiya sa reaksiyon ng iba sa iyong sinasabi.

ANG mga salita ay mabisang kasangkapan sa komunikasyon. Subalit upang maisakatuparan ng ating mga salita ang isang espesipikong layunin, kailangang maingat nating piliin ang mga ito. Ang isang salita na maaaring angkop sa isang pagkakataon ay maaaring magkaroon ng masamang epekto kapag iba na ang mga kalagayan. Kapag hindi wasto ang paggamit, ang isang pananalitang nakatutuwa ay maaaring maging “isang salitang nakasasakit.” Ang paggamit ng gayong mga pananalita ay maaaring hindi pinag-isipan, anupat nagpapakita ng kawalan ng konsiderasyon. Ang ilang termino ay may dalawang kahulugan, at ang isa rito ay nakasasakit o nakaiinsulto. (Kaw. 12:18; 15:1) Sa kabilang panig, “ang mabuting salita”​—isang salita na nagpapatibay-loob—​ay nagdudulot ng kagalakan sa puso ng isa na pinagsasabihan nito. (Kaw. 12:25) Ang paghahanap ng wastong mga salita ay nangangailangan ng pagsisikap, kahit na sa isang matalinong tao. Sinasabi sa atin ng Bibliya na batid ni Solomon ang pangangailangang humanap ng “nakalulugod na mga salita” at “wastong mga salita ng katotohanan.”​—Ecles. 12:10.

Sa ilang wika, may mga salitang ginagamit sa pakikipag-usap sa mga nakatatanda o sa mga nagtataglay ng posisyon ng awtoridad, samantalang naiibang pananalita naman ang ginagamit kapag nakikipag-usap sa mga kaedad o sa mas nakababata. Ang hindi paggamit ng gayong mga salita ng paggalang ay itinuturing na kagaspangan. Hindi rin naman angkop na ikapit sa sarili ang mga pananalita ng paggalang na nakareserba lamang para sa iba ayon sa lokal na kaugalian. Hinggil sa pagpapakita ng paggalang, ang Bibliya ay nagtatakda ng mas mataas na pamantayan kaysa sa maaaring hilingin ng batas o ng lokal na kaugalian. Hinihimok nito ang mga Kristiyano na “parangalan ang lahat ng uri ng mga tao.” (1 Ped. 2:17) Yaong mga gumagawa nito mula sa puso ay nagsasalita sa mga tao na iba’t iba ang edad sa paraang nagpapakita ng paggalang.

Sabihin pa, maraming tao na hindi tunay na mga Kristiyano ang gumagamit ng mga salitang magagaspang at masasagwa. Maaaring ipinalalagay nila na ang gayong malalaswang pananalita ay nagdiriin sa kanilang sinasabi. O baka ang kanilang paggamit nito ay bunga lamang ng napakalimitadong bokabularyo. Kung nakaugalian na ng isa na gumamit ng gayong pananalita bago matuto ng mga daan ni Jehova, maaaring maging mahirap sa kaniya na alisin ang gayong ugali. Subalit, iyon ay posible. Ang espiritu ng Diyos ay makatutulong sa isang tao na mabago ang kinagawiang paraan ng pagsasalita. Gayunman, dapat na naisin din ng indibiduwal na bumuo ng isang bokabularyong punô ng mabubuting salita​—mga salitang kanais-nais, mga salitang nagpapatibay​—at pagkatapos ay gamitin ang mga ito nang regular.​—Roma 12:2; Efe. 4:29; Col. 3:8.

Salitang Madaling Maunawaan. Isang pangunahing kahilingan sa mabuting pagsasalita ang pagiging madaling maunawaan nito. (1 Cor. 14:9) Kung ang mga salitang ginagamit mo ay hindi madaling maunawaan ng iyong tagapakinig, ikaw ay parang nagsasalita sa kanila sa isang banyagang wika.

Ang ilang salita ay may pantanging kahulugan sa mga tao na nasa isang partikular na propesyon. Ang gayong mga termino ay maaaring ginagamit nila sa araw-araw. Subalit ang paggamit mo ng mga ito sa di-angkop na pagkakataon ay maaaring makahadlang sa iyong kakayahang magtawid ng ibig mong sabihin. Karagdagan pa, kahit na ang ginagamit mo ay ang pang-araw-araw na bokabularyo, kapag napasobra ka sa pagbibigay ng di-kinakailangang mga detalye, maaaring ibaling na lamang ng iyong mga tagapakinig ang kanilang isip sa ibang mga bagay.

Ang isang makonsiderasyong tagapagsalita ay pumipili ng mga salitang mauunawaan kahit na niyaong mababa ang pinag-aralan. Bilang pagtulad kay Jehova, siya’y nagpapakita ng konsiderasyon sa “maralita.” (Job 34:19) Kung makita ng tagapagsalita na kailangang gumamit ng isang di-pamilyar na salita, kung gayon ay nararapat na gamitin niya ito kaugnay ng simpleng mga parirala na magpapaliwanag sa kahulugan nito.

Ang simpleng mga salita na piling-pili ay nagpapahayag ng mga ideya taglay ang matinding puwersa. Ang maiikling pangungusap at simpleng mga parirala ay madaling unawain. Ang mga ito ay maaaring isalit sa ilang mahahabang pangungusap upang ang pagpapahayag ay hindi maging paputul-putol. Subalit para sa mga ideya na nais mong pantanging matandaan ng iyong tagapakinig, pumili ka ng mga salitang simple at mga pangungusap na maiikli.

Pagkasari-sari at Katumpakan ng Pananalita. Hindi kukulangin ang magagamit na mabubuting salita. Sa halip na gumamit ng parehong mga pananalita para sa bawat situwasyon, gumamit ng iba’t ibang salita. Sa gayon ay magiging kapana-panabik at makahulugan ang iyong pagsasalita. Paano mo mapalalawak ang iyong bokabularyo?

Kapag nagbabasa, markahan ang anumang salita na hindi mo lubos na nauunawaan, at tingnan ang mga ito sa isang diksiyunaryo kung mayroon nito sa iyong wika. Pumili ng ilan sa mga salitang iyon, at pagsikapang gamitin ang mga iyon kapag naaangkop. Tiyakin mong bigkasin ang mga iyon nang tama at gamitin sa konteksto na doo’y madaling mauunawaan at hindi upang makatawag lamang ng pansin. Ang pagpapalawak ng iyong bokabularyo ay magdaragdag ng sari-saring kulay sa iyong pahayag. Subalit kailangan ang pag-iingat​—kapag mali ang pagbigkas o paggamit ng isang tao ng mga salita, maaaring isipin ng iba na talagang hindi niya alam ang kaniyang sinasabi.

Ang layunin natin sa pagpapalawak ng ating bokabularyo ay upang magbigay ng impormasyon at hindi upang pahangain ang ating mga tagapakinig. Ang masalimuot na pangungusap at mahahabang salita ay nagtutuon ng pansin sa tagapagsalita. Dapat nating hangarín na maibahagi ang mahalagang impormasyon at gawin itong kapana-panabik para sa mga nakaririnig nito. Tandaan ang kawikaan sa Bibliya: “Ang dila ng marurunong ay gumagawa ng mabuti dahil sa kaalaman.” (Kaw. 15:2) Ang paggamit ng mabubuting salita, angkop na mga salita na madaling maunawaan, ay tumutulong upang ang ating pagsasalita ay makaginhawa at makapagpasigla sa halip na maging nakababagot at hindi kawili-wili.

Habang pinalalawak mo ang iyong bokabularyo, bigyan ng maingat na pansin ang paggamit ng tamang salita. Ang dalawang salita ay maaaring magkahawig subalit may bahagyang pagkakaiba ng kahulugan para magamit sa magkaibang kalagayan. Kapag kinilala mo ito, mapasusulong mo ang kalinawan ng iyong pagsasalita at makaiiwas na makasakit sa iyong mga tagapakinig. Makinig na mabuti sa mga taong mahusay magsalita. Itinatala ng ilang diksiyunaryo sa ilalim ng bawat salita ang mga synonym nito (mga salitang may pagkakahawig, bagaman hindi parehong-pareho ang kahulugan) at mga antonym (mga salitang ang kahulugan ay siyang kabaligtaran). Kaya naman makikita mo hindi lamang ang iba’t ibang pananalita para sa iisang ideya kundi maging ang pagkakaiba-iba ng kahulugan. Napakalaking tulong nito kapag naghahanap ka ng tamang salita para sa isang partikular na kalagayan. Bago ka magdagdag ng salita sa iyong bokabularyo, tiyaking alam mo kung ano ang kahulugan nito, kung paano bibigkasin ito, at kung kailan dapat gamitin ito.

Ang mga pananalitang espesipiko ay nagbibigay ng mas malinaw na larawan kaysa doon sa pangkalahatan. Maaaring sabihin ng isang tagapagsalita: “Nang panahong iyon, maraming tao ang nagkasakit.” O maaari niyang sabihin: “Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, sa loob lamang ng ilang buwan, mga 21,000,000 tao ang namatay dahil sa trangkaso Espanyola.” Pansinin ang malaking pagkakaiba nang buong-linaw na banggitin ng tagapagsalita kung ano ang ibig niyang sabihin ng “nang panahong iyon,” “maraming tao,” at “nagkasakit”! Upang makapagpahayag ka ng ganito, kailangang may kaalaman ka sa mga detalyeng kaugnay ng iyong paksa bukod pa sa maingat na pagpili ng mga salita.

Ang paggamit ng tamang salita ay makatutulong din sa iyo na masabi agad ang punto nang walang maraming salita. Ang paggamit ng masyadong maraming salita ay nagpapalabo ng diwa. Dahil sa pagiging simple, nagiging mas madali para sa iba na maunawaan at matandaan ang mahahalagang katotohanan. Ito’y nakatutulong sa paghahatid ng tumpak na kaalaman. Ang pagtuturo ni Jesu-Kristo ay namumukod-tangi dahil sa pagiging simple ng mga salita nito. Matuto mula sa kaniya. (Tingnan ang mga halimbawang nakaulat sa Mateo 5:3-12 at Marcos 10:17-21.) Insayuhing maipahayag ang sarili sa maikling paraan sa piling-piling mga salita.

Mga Salitang Nagbabadya ng Puwersa, Damdamin, Kulay. Habang pinalalawak mo ang iyong bokabularyo, isipin hindi lamang ang mga bagong salita kundi gayundin ang mga salita na may partikular na mga katangian. Halimbawa, isaalang-alang ang mga pandiwa na nagpapahayag ng puwersa; mga pang-uri na nagbabadya ng kulay; at mga pananalitang nagpapakita ng damdamin, may himig ng kabaitan, o nagbabadya ng kataimtiman.

Ang Bibliya ay punô ng mga halimbawa ng gayong makahulugang mga salita. Sa pamamagitan ni propeta Amos, humimok si Jehova: “Hanapin ninyo ang kabutihan, at hindi ang kasamaan . . . Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (Amos 5:14, 15) Ipinahayag ni propeta Samuel kay Haring Saul: “Pinunit ni Jehova mula sa iyo ngayon ang maharlikang pamamahala sa Israel.” (1 Sam. 15:28) Nang nakikipag-usap kay Ezekiel, gumamit si Jehova ng salita na mahirap malimutan, sa pagsasabing: “Lahat niyaong nasa sambahayan ng Israel ay matitigas ang ulo at matitigas ang puso.” (Ezek. 3:7) Bilang pagdiriin sa bigat ng kasalanan ng Israel, si Jehova ay nagtanong: “Pagnanakawan ba ng makalupang tao ang Diyos? Ngunit ninanakawan ninyo ako.” (Mal. 3:8) Sa paglalarawan sa isang pagsubok sa pananampalataya sa Babilonya, maliwanag ang pag-uulat ni Daniel na “napuno ng pagkapoot si Nabucodonosor” sapagkat ayaw sambahin nina Sadrac, Mesac, at Abednego ang kaniyang imahen, kaya ipinag-utos niya na sila ay gapusin at ihagis sa “nagniningas na maapoy na hurno.” Upang matulungan tayo na maunawaan ang tindi ng init, iniulat ni Daniel na ipinag-utos ng hari sa kaniyang mga tauhan na “painitin ang hurno nang pitong ulit pang higit kaysa sa kinagawiang pagpapainit nito”​—ganiyan na lamang ang init anupat nang sila’y mapalapit sa hurno, ang mga tauhan ng hari ay namatay. (Dan. 3:19-22) Sa pagsasalita sa mga tao sa Jerusalem mga ilang araw bago ang kaniyang kamatayan, madamdaming sinabi ni Jesus: “Kay dalas na ninais kong tipunin ang iyong mga anak, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Ngunit hindi ninyo ibig. Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.”​—Mat. 23:37, 38.

Ang piling-piling mga salita ay makapagbibigay ng maliwanag na impresyon sa isip ng iyong mga tagapakinig. Kung gagamit ka ng mga salitang makapupukaw ng pandamdam, “makikita” at “mahihipo” ng iyong mga tagapakinig ang mga bagay na iyong sinasabi, “malalasahan” at “maaamoy” ang mga pagkain na iyong tinutukoy, at “maririnig” ang mga tunog na iyong inilalarawan at ang mga tao na iyong sinisipi. Ang tagapakinig ay magbubuhos ng buong pansin sa iyong sinasabi sapagkat ginagawa mong buháy para sa kanila ang mga ito.

Ang mga salita na buong linaw na nagpapahayag ng mga ideya ay maaaring magpatawa o magpaiyak sa mga tao. Ang mga ito ay nakapagbibigay ng pag-asa, anupat naglalaan sa isang taong nasisiraan ng loob ng pagnanais na mabuhay at pinupukaw sa kaniyang damdamin ang pag-ibig para sa kaniyang Maylalang. Ang mga tao sa palibot ng daigdig ay lubhang apektado ng pag-asang pinukaw ng mga salitang nasa mga talata ng Bibliya gaya ng Awit 37:10, 11, 34; Juan 3:16; at Apocalipsis 21:4, 5.

Habang binabasa mo ang Bibliya at ang mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin,” makikita mo ang napakaraming iba’t ibang salita at mga parirala. (Mat. 24:45) Huwag mong basta basahin na lamang ang mga ito. Piliin yaong mga kasiya-siya para sa iyo, at ang mga ito ay gawing bahagi ng iyong pang-araw-araw na bokabularyo.

Pagsasalita Ayon sa mga Alituntunin ng Balarila. Batid ng ilang tao na ang kanilang pagsasalita ay maaaring hindi laging kaayon ng mga alituntunin ng balarila. Subalit ano ang magagawa nila hinggil dito?

Kung ikaw ay pumapasok pa sa paaralan, samantalahin ang pagkakataon ngayon na matuto ng tamang balarila at ng maingat na pagpili ng mga salita. Kung hindi mo tiyak ang dahilan para sa isang partikular na alituntunin ng balarila, magtanong sa iyong guro. Huwag kang mag-aral ng balarila upang makaraos lamang. Mayroon kang minimithi na marahil ay wala sa ibang mga estudyante. Nais mong maging isang mabisang ministro ng mabuting balita.

Kumusta naman kung ikaw ay nagkaedad na at lumaki sa pagsasalita ng isang wika na iba kaysa sa ginagamit mo ngayon? O marahil ay hindi ka gaanong nagkaroon ng pagkakataon para sa higit na pormal na edukasyon sa iyong sariling wika. Huwag masisiraan ng loob. Sa halip, gumawa ng tunay na pagsisikap upang sumulong, na ginagawa ito para sa kapakanan ng mabuting balita. Ang karamihan sa nalalaman natin tungkol sa balarila ay ating natututuhan sa pakikinig sa sinasabi ng iba. Kaya makinig na mabuti kapag ang makaranasang mga tagapagsalita ay nagbibigay ng kanilang mga pahayag. Kapag nagbabasa ka ng Bibliya at ng salig-Bibliyang mga publikasyon, pansining mabuti ang balangkas ng pangungusap, ang mga salitang ginamit nang magkakasama, at ang konteksto ng pagkakagamit sa mga ito. Gawin mong modelo sa iyong pagsasalita ang mabubuting halimbawang ito.

Ang kilalang mga artista at mga mang-aawit ay maaaring gumagamit ng mga pangungusap at istilo ng pagsasalita na kasalungat ng balarila. Mahilig ang mga tao na tularan ang gayong mga indibiduwal. Ang mga nagbebenta ng droga at iba pa na ang buong landasin sa buhay ay kriminal o imoral ay kadalasang may sariling bokabularyo, na ang katuturan ng mga salita ay ibang iba sa karaniwang kahulugan. Hindi isang katalinuhan para sa mga Kristiyano na tularan ang alinman sa mga taong ito. Ang paggawa nito ay mag-uugnay sa atin sa mga indibiduwal na ito ng sanlibutan at sa kanilang paraan ng pamumuhay.​—Juan 17:16.

Gawin mong kaugalian na gumamit ng mabubuting pananalita araw-araw. Kung magpapabaya ka sa iyong pananalita sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, huwag mong asahan na makapagsasalita ka nang mahusay sa mga pantanging okasyon. Subalit kung gagamit ka ng mabuting uri ng pananalita sa pang-araw-araw na buhay, ito’y madali at natural na darating sa iyo kapag ikaw ay nasa plataporma o kapag nagpapatotoo sa iba hinggil sa katotohanan.

KUNG PAANO SUSULONG

  • Mula sa mga mungkahi sa araling ito, pumili ng isa lamang punto na nais mong pagbutihin. Gawin mong tunguhin iyon sa loob ng isang buwan o higit pa.

  • Taglayin mo sa isipan ang iyong tunguhin kapag nagbabasa ka. Tandaan mo iyon kapag ikaw ay nakikinig sa may-kakayahang mga tagapagsalita. Itala ang mga pananalita na nais mong gamitin sa iyong sariling pagsasalita. Sa loob ng isa o dalawang araw, gamitin mo ang bawat isa na iyong isinulat.

PAGSASANAY: Habang naghahanda ka para sa Pag-aaral sa Bantayan o sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sa linggong ito, pumili ng ilang salita na hindi mo kaagad maunawaan. Tingnan ang mga ito sa isang diksiyunaryo kung mayroon ka, o ipakipag-usap ang kahulugan ng mga ito sa isa na may mabuting kabatiran sa mga salita.

Mga salita na nais kong idagdag sa aking ginagamit na bokabularyo

Para sa pagkasari-sari Upang magbadya ng

at katumpakan puwersa, damdamin, o kulay

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․ ․․․․․․․․․․․․․․

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share