-
Pagkumpas at Ekspresyon ng MukhaMakinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
-
-
ARALIN 12
Pagkumpas at Ekspresyon ng Mukha
ANG mga tao ng ilang kultura ay mas madalas na kumukumpas kaysa roon sa mga iba ang pinagmulan. Subalit, halos lahat ay nagsasalita taglay ang pagbabago sa ekspresyon ng mukha at ilang anyo ng pagkumpas. Ito ay totoo kapuwa sa personal na pag-uusap at sa pagsasalita sa madla.
Ang pagkumpas ay likas kay Jesus at sa kaniyang sinaunang mga alagad. Sa isang pagkakataon, may nagsabi kay Jesus na ang kaniyang ina at ang kaniyang mga kapatid ay gustong makipag-usap sa kaniya. Si Jesus ay sumagot: “Sino ang aking ina, at sino ang aking mga kapatid?” Pagkatapos ay idinagdag ng Bibliya: “Iniuunat ang kaniyang kamay tungo sa kaniyang mga alagad, sinabi niya: ‘Narito! Ang aking ina at ang aking mga kapatid!’ ” (Mat. 12:48, 49) Bukod sa iba pang mga reperensiya, ipinakikita ng Bibliya sa Gawa 12:17 at 13:16 na sina apostol Pedro at Pablo ay kusa ring kumumpas.
Ang mga ideya at mga damdamin ay ipinahahayag hindi lamang sa pamamagitan ng boses kundi sa pamamagitan din ng pagkumpas at ekspresyon ng mukha. Ang hindi paggamit na mabuti sa mga ito ay makapagbibigay ng impresyon ng kawalang-interes sa bahagi ng nagsasalita. Subalit kapag angkop na pinagsama ang mga paraang ito ng pakikipagtalastasan, lalong nagiging mabisa ang pagpapahayag. Kahit na sa pakikipag-usap mo sa telepono, kung gagamit ka ng angkop na pagkumpas at ekspresyon ng mukha, mas madaling maihahatid ng iyong boses ang kahalagahan ng iyong mensahe at maging ang personal mong nadarama hinggil sa iyong sinasabi. Kaya, nagsasalita ka man nang ekstemporanyo o nagbabasa, nakatingin man sa iyo ang iyong tagapakinig o sa kanilang sariling sipi ng Bibliya, ang pagkumpas at ekspresyon ng mukha ay mahalaga.
Ang iyong pagkumpas at ang ekspresyon ng iyong mukha ay hindi dapat na maging artipisyal. Hindi mo kailanman pinag-aralan kung paano tatawa o kung paano magagalit. Ang pagkumpas ay dapat ding magpahayag ng iyong damdamin. Habang nagiging higit na natural ang iyong pagkumpas, lalong mabuti.
Ang pagkumpas ay nahahati sa dalawang pangkalahatang kategorya: deskriptibo at empatiko. Ang pagkumpas na deskriptibo ay nagpapahayag ng aksiyon o nagpapakita ng sukat at lugar. Sa paaralan, kapag pinasusulong mo ang pagkumpas, huwag maging kontento sa paggamit ng isa o dalawa lamang nito. Sikaping kumumpas sa natural na paraan sa buong pahayag mo. Kung nahihirapan ka sa paggawa nito, baka makatulong sa iyo ang paghanap ng mga salita na nagpapakita ng direksiyon, distansiya, sukat, lugar, o mga relatibong posisyon. Gayunman, sa maraming kaso, ang kakailanganin mo lamang gawin ay ang magbuhos ng pansin sa iyong pahayag, na hindi nag-aalala tungkol sa naibibigay mong impresyon, kundi nagsasabi at gumagawa ng mga bagay kagaya ng gagawin mo sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kapag ang isang tao ay panatag, ang pagkumpas ay lumalabas nang natural.
Ang pagkumpas na empatiko ay nagpapahayag ng damdamin at ng kombiksiyon. Pinatitingkad, pinasisigla, at pinatitibay ng mga ito ang mga ideya. Ang pagkumpas na empatiko ay mahalaga. Subalit mag-ingat! Ang pagkumpas na empatiko ay maaaring madaling maging pinagkagawian. Kapag ginagamit mo nang paulit-ulit ang gayunding pagkumpas, maaaring ito na ang kumuha ng atensiyon sa halip na maging pantulong sa iyong pahayag. Kapag ipinakita ng iyong tagapangasiwa sa paaralan na problema mo ito, limitahan mo muna ang iyong sarili sa pagkumpas na deskriptibo sa loob ng ilang panahon. Pagkatapos ng ilang panahon, magpasimulang gamitin muli ang pagkumpas na empatiko.
Sa pagtiyak kung hanggang saan ka dapat gumamit ng pagkumpas na empatiko at ang uri ng pagkumpas na naaangkop, isaalang-alang ang nadarama niyaong mga pinagpapahayagan mo. Kapag itinuturo ang tagapakinig maaaring maasiwa sila. Kapag ang isang lalaki sa ilang kultura ay kumukumpas, tulad ng paglalagay ng kaniyang kamay sa bibig upang ipahayag ang pagkagulat, ito ay mamalasin bilang kilos-babae. Sa ilang panig ng daigdig, itinuturing na hindi kahinhinan para sa mga babae na malayang ikinukumpas ang mga kamay. Kaya sa gayong mga lugar, kailangang gamiting mabuti lalo na ng mga kapatid na babae ang mga ekspresyon ng mukha. At sa harapan ng isang maliit na grupo, ang sobrang pagkumpas ay maaaring malasin na katawa-tawa sa halos lahat ng panig ng daigdig.
Habang nagtatamo ka ng karanasan at nagiging higit na palagay sa pagsasalita, anumang pagkumpas na empatiko na ginagamit mo ay magpapahayag ng inyong panloob na nadarama sa natural na paraan, anupat nagpapakita ng iyong kombiksiyon at kataimtiman. Magdaragdag ito ng kahulugan sa iyong pagsasalita.
Ang Ekspresyon sa Iyong Mukha. Higit sa alinmang bahagi ng katawan, ang iyong mukha ang kadalasang nagpapahayag sa talagang nadarama mo. Ang mga mata mo, ang hugis ng bibig mo, ang pagkiling ng ulo mo ay pawang may ginagampanang bahagi. Kahit na walang binibigkas na salita, makikita sa iyong mukha ang kawalang-interes, pagkasuya, kalituhan, panggigilalas, o katuwaan. Kapag ang gayong ekspresyon ng mukha ay sumasabay sa binigkas na salita, pinag-iibayo ng mga ito ang nakikita at nadaramang epekto. Naglagay ang Maylalang ng napakaraming kalamnan sa iyong mukha—mahigit sa 30 lahat-lahat. Halos kalahati ng mga ito ang ginagamit kapag ngumingiti ka.
Nasa plataporma ka man o nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, pinagsisikapan mong ibahagi sa mga tao ang isang mensaheng kasiya-siya, isa na magpapagalak sa kanilang puso. Ang isang masayang mukha ay nagpapatunay nito. Sa kabilang panig, kung ang mukha mo ay walang ekspresyon, maaaring magbangon ito ng mga pag-aalinlangan sa iyong kataimtiman.
Higit pa riyan, ang isang ngiti ay nagsasabi sa iba na mayroon kang mabuting damdamin para sa kanila. Iyon ay mahalaga lalo na sa mga panahong ito na ang mga tao ay kadalasang natatakot sa mga estranghero. Ang iyong ngiti ay makatutulong sa mga tao na maging palagay at maging higit na handang tumanggap sa sasabihin mo.
-
-
Pagtingin sa MataMakinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
-
-
ARALIN 13
Pagtingin sa Mata
ANG ating mga mata ay naghahayag ng mga saloobin at mga damdamin. Ang mga ito ay maaaring magpahiwatig ng pagkagulat o pagkatakot. Maaaring ipadama ng mga ito ang habag o pag-ibig. Kung minsan, maaaring mahalata sa mga ito ang pag-aalinlangan o makitaan ng pagdadalamhati. May kinalaman sa kaniyang mga kababayang labis na nagdurusa, isang matandang lalaki ang nagsabi: “Kami ay nagsasalita sa pamamagitan ng aming mga mata.”
Ang iba ay maaaring bumuo ng mga konklusyon tungkol sa atin at sa ating sinasabi batay sa kung saan nakatingin ang ating mga mata. Sa maraming kultura, pinagtitiwalaan ng mga tao ang indibiduwal na nananatiling may palakaibigang tingin sa kanila. Sa kabaligtaran, sila ay maaaring mag-alinlangan sa kataimtiman o kakayahan ng isang tao na nakatingin sa kaniyang paa o sa ibang bagay sa halip na sa kaniyang kinakausap. Minamalas ng ibang mga kultura ang pagtitig sa mata na kabastusan, kapusukan, o mapanghamon. Ito’y totoo lalo na kapag nakikipag-usap sa mga di-kasekso o sa isang pinuno o sa iba pang tituladong tao. At sa ibang mga lugar, kapag ang isang kabataan ay tumitingin nang deretso sa isang nakatatanda, ito ay itinuturing na kawalang-galang.
Gayunman, sa mga lugar na hindi ito itinuturing na masama, ang pagtingin sa mata ng isang indibiduwal kapag nagpapahayag ng isang mahalagang bagay ay higit na magdiriin sa ipinahayag. Ito ay maaaring malasin bilang katibayan ng pananalig sa bahagi ng nagsasalita. Pansinin kung paano tumugon si Jesus nang magpamalas ang kaniyang mga alagad ng labis na pagkabigla at magsabi: “Sino kaya talaga ang makaliligtas?” Ang Bibliya ay nag-uulat: “Pagtingin sa kanila sa mukha, sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Sa mga tao ay imposible ito, ngunit sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.’ ” (Mat. 19:25, 26) Ipinakikita rin ng Kasulatan na maingat na nagmasid si apostol Pablo sa mga reaksiyon ng kaniyang mga tagapakinig. Sa isang okasyon, isang lalaking lumpo mula sa pagkapanganak ang naroroon nang magsalita si Pablo. Ang Gawa 14:9, 10 ay nagsasabi: “Ang lalaking ito ay nakikinig sa pagsasalita ni Pablo, na nang tuminging mabuti sa kaniya at makitang mayroon siyang pananampalataya na mapagagaling siya, ay nagsabi sa malakas na tinig: ‘Tumayo ka nang tuwid sa iyong mga paa.’ ”
Mga Mungkahi Para sa Ministeryo sa Larangan. Sa pakikibahagi mo sa ministeryo sa larangan, maging palakaibigan at masigla kapag lumalapit ka sa mga tao. Kapag angkop, gumamit ng mga tanong na pumupukaw ng kaisipan upang mapasimulan ang pag-uusap sa isang bagay na marahil ay pareho kayong interesado. Habang ginagawa mo ito, sikaping magtama ang inyong paningin—o kahit man lamang tumingin sa mukha ng tao sa isang magalang at mabait na paraan. Ang masiglang ngiti sa mukha ng isang tao na may mga matang kakikitaan ng panloob na kagalakan ay lubhang kaakit-akit. Marami ang masasabi ng gayong ekspresyon sa indibiduwal tungkol sa uri ng iyong pagkatao at makatutulong sa kaniya na maging mas palagay habang kayo ay nag-uusap.
Ang pagmamasid sa ekspresyon sa mga mata ng kausap, kung angkop, ay maaaring magbigay sa iyo ng ideya kung paano mo haharapin ang isang situwasyon. Kung ang isang tao ay galit o kung siya ay talagang hindi interesado, maaari mong makita ito. Kung hindi ka niya nauunawaan, maaari mong malaman iyon. Kung siya ay nayayamot, karaniwan nang mapapansin mo ito. Kung siya ay lubhang interesado, ito man ay mahahalata. Maaaring ipakita sa iyo ng ekspresyon sa kaniyang mga mata ang pangangailangan na baguhin ang iyong bilis, gumawa ng karagdagang pagsisikap na isangkot siya sa usapan, tapusin na ang pag-uusap o, marahil, ituloy sa isang pagtatanghal kung paano pag-aaralan ang Bibliya.
Ikaw man ay nagpapatotoo sa madla o nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pagsikapan na laging may paggalang na nakatingin sa iyong kinakausap. Gayunman, huwag mo siyang tititigan, yamang iyon ay maaaring maging kahiya-hiya. (2 Hari 8:11) Subalit sa isang natural at palakaibigang paraan, malimit na tingnan ang mukha ng kausap. Sa maraming lupain, ipinadarama nito ang taimtim na interes. Sabihin pa, kapag nagbabasa ka mula sa Bibliya o sa iba pang publikasyon, ang iyong mga mata ay nakatuon sa nakaimprentang pahina. Subalit upang maidiin ang isang punto, baka nanaisin mong tumingin nang tuwiran sa tao, bagaman ginagawa iyon nang ilang sandali lamang. Kapag tumitingin ka sa pagitan ng iyong pagbabasa, ito ay magpapangyaring makita mo ang kaniyang reaksiyon sa binabasa.
Kung ang pagkamahiyain sa pasimula ay nagpapahirap sa iyo sa pagtingin sa mata, huwag sumuko. Sa pamamagitan ng pag-iinsayo, ang angkop na pagtingin sa mata ay magiging natural, at ang bisa ng iyong pakikipag-usap sa iba ay maaaring maragdagan.
Kapag Nagpapahayag. Sinasabi sa atin ng Bibliya na bago magsimula si Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, “itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad.” (Luc. 6:20) Matuto sa kaniyang halimbawa. Kung magsasalita ka sa harapan ng isang grupo, humarap sa kanila at huminto nang ilang
-