Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kamatayan
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
    • nagpapasiya hinggil sa kung gaano ang magiging haba ng buhay ng bawa’t tao. Subali’t ang Bibliya ay naghaharap ng kakaibang pangmalas tungkol sa buhay.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘(Basahin ang Eclesiastes 9:11.) Halimbawa: Isang tipak ng semento ay maaaring matibag sa isang gusali at mabagsakan ang isang naglalakad. Pinangyari ba ito ng Diyos? Kung oo, makatuwiran bang idemanda ang may-ari ng gusali dahil sa kapabayaan? . . . Gaya ng sinasabi ng Bibliya, para sa naglalakad ito ay isang pangyayari na hindi binalak at hindi inaasahan na siya’y nagkataong naroroon nang bumagsak ang semento.’ (2) ‘Sinasabi ng Bibliya na kung iiwasan natin ang masamang paggawi maiingatan natin ang ating buhay. (Kaw. 16:17) Kung kayo’y magulang, natitiyak kong ikinakapit ninyo ang simulaing ito sa inyong mga anak. Binibigyan ninyo sila ng babala laban sa mga bagay na magbubunga ng pagkasawi nila. Ganito rin ang ginagawa ni Jehova para sa buong sangkatauhan sa ngayon.’ (3) ‘Alam ni Jehova kung ano ang inilalaan ng hinaharap. Sa pamamagitan ng Bibliya ay sinasabi niya sa atin kung papaano tayo makapagtatamasa ng isang buhay na mas mahaba kaysa sa tinatamasa ng mga tao na nagwawalang-bahala sa kaniyang sinasabi. (Juan 17:3; Kaw. 12:28.)’ (Tingnan din ang paksang “Tadhana.”)

  • Mga Kapistahan
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
    • Mga Kapistahan

      Kahulugan: Mga araw na ipinagpapahinga sa trabaho at sa paaralan upang ipagdiwang ang isang mahalagang pangyayari. Ang mga araw na ito ay mga pagkakataon din ukol sa mga pansambahayan at pampamayanang mga pagdiriwang. Ang mga ito ay maaaring ituring ng mga lumalahok dito bilang mga kaayusang relihiyoso o dili kaya’y panlipunan o sekular lamang.

      Ang Pasko ba’y isang pagdiriwang na nasasalig sa Bibliya?

      Petsa ng pagdiriwang

      Sinasabi ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong: “Ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi iniutos ng Diyos, ni nag-uugat kaya ito sa B[agong] T[ipan]. Ang araw ng kapanganakan ni Kristo ay hindi matitiyak mula sa B[agong] T[ipan], o kahit sa anopamang ibang reperensiya.” (Nueba York, 1871), Tomo II, p. 276.

      Ipinakikita ng Lucas 2:8-11 na ang mga pastol ay nasa parang nang gabing isilang si Jesus. Ganito ang isinasaad ng aklat na Daily Life in the Time of Jesus: “Ang mga kawan . . . ay nagpalipas ng taglamig sa mga dakong may habong; at salig lamang dito ay makikita natin na ang tradisyonal na petsa para sa Pasko, na nasa taglamig, ay malamang na hindi wasto, yamang sinasabi ng Ebanghelyo na ang mga pastol ay nasa gitna ng kaparangan.”​—(Nueba York, 1962), Henri Daniel-Rops, p. 228.

      Sinasabi sa atin ng The Encyclopedia Americana: “May kalabuan ang dahilan ng pagtatakda sa Disyembre 25 para sa Pasko, subali’t karaniwan nang kinikilala na ang araw na ito ay pinili upang umayon sa maka-paganong mga kapistahan na nagaganap kung panahon ng winter solstice, kapag ang mga araw ay nagpasimula nang humaba, upang ipagdiwang ang ‘muling-pagsilang ng araw.’ . . . Ang Romanong Saturnalia (isang kapistahan na naaalay kay Saturno, ang diyos ng agrikultura, at sa nagpanibagong kapangyarihan ng araw), ay nagaganap din sa panahong ito, at ang ilang kaugalian kung Pasko ay inaakalang nag-uugat sa matandang paganong selebrasyong ito.”​—(1977), Tomo 6, p. 666.

      Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang petsa ng pagsilang ni Kristo ay hindi nababatid. Hindi ipinahihiwatig ng mga Ebanghelyo ang araw ni ang buwan . . . Ayon sa haka-haka ni H. Usener . . . na siyang tinatanggap ng karamihan ng mga iskolar sa ngayon, ang kapanganakan ni Kristo ay itinakda sa petsa ng winter solstice, (Disyembre 25 sa kalendaryong Juliano, Enero 6 sa kalendaryong Ehipsiyo), sapagka’t sa araw na ito, palibhasa ang araw ay nagpapasimulang bumalik sa mga kalangitan sa hilaga, ang mga paganong mananamba ni Mitra ay nagdiwang ng dies natalis Solis Invicti (kaarawan ng di-malulupig na araw). Noong Dis. 25, 274, ang diyos-araw ay itinakda ni Aurelian bilang patron ng imperyo at inialay ang isang templo sa kaniya sa Campus Martius. Ang Pasko ay nagsimula noong panahon na ang kulto ng pagsamba sa araw ay nasa kaniyang kasukdulan sa Roma.”​—(1967), Tomo III, p. 656.

      Mga pantas na lalake, o Mago, ay inakay ng isang bituin

      Ang mga Magong yaon ay talagang mga astrologo mula sa silangan. (Mat. 2:1, 2, NW; NE) Bagaman ang astrolohiya ay popular sa maraming tao sa ngayon, ang kaugaliang ito ay tahasang hinahatulan ng Bibliya. (Tingnan ang mga pahina 411, 412, sa ilalim ng paksang “Tadhana.”) Aakayin kaya ng Diyos sa bagong-kasisilang na si Jesus ang mga taong gumagawa ng mga bagay na Kaniyang hinahatulan?

      Ang Mateo 2:1-16 ay nagpapakita na inakay muna ng bituin ang mga astrologo kay Haring Herodes at pagkatapos ay kay Jesus at na pagkaraan nito’y sinikap ni Herodes na patayin si Jesus. Hindi binabanggit na mayroon pang iba bukod sa mga astrologo na nakakita sa “bituin.” Nang makaalis na sila, si Jose ay binalaan ng anghel ni Jehova na tumakas tungo sa Ehipto upang iligtas ang bata. Ang “bituin” bang yaon ay tanda mula sa Diyos o mula sa isa na naghahangad na pumatay sa Anak ng Diyos?

      Pansinin na hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya na nasumpungan nila ang sanggol na si Jesus sa isang sabsaban, gaya ng karaniwan nang ipinakikita sa mga larawan ng Pasko. Nang dumating ang mga astrologo, si Jesus at ang kaniyang mga magulang ay nakatira na sa isang bahay. Hinggil sa edad ni Jesus nang panahong yaon, tandaan na, salig sa napag-alaman ni Herodes mula sa mga astrologo, ipinag-utos niya na lahat ng mga batang lalake sa distrito ng Bethlehem na nagkaka-edad ng dalawang taon pababa ay dapat patayin.​—Mat. 2:1, 11, 16.

      Ang pagbibigayan ng regalo bilang bahagi ng pagdiriwang; ang mga kuwento tungkol kay Santa Claus, Father Christmas, atb.

      Ang kaugalian ng pagbibigayan ng regalo kung Pasko ay hindi nakasalig sa ginawa ng mga Mago. Gaya ng ipinakikita sa itaas, hindi sila dumating sa mismong araw ng kapanganakan ni Jesus. Bukod dito, nagbigay sila ng mga kaloob, hindi sa isa’t-isa, kundi sa batang si Jesus, ayon sa kaugalian noon kapag dumadalaw sa mga prominenteng tao.

      Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Sa panahon ng Saturnalia . . . ay nagkaroon ng pagpipista, at nagkaroon ng pagpapalitan ng mga regalo.” (1977, Tomo 24, p. 299) Sa maraming pagkakataon ito ang pinakasagisag ng espiritu ng pagbibigay kung Pasko​—ang pagpapalitan ng mga regalo. Ang espiritu na masasalamin sa ganitong pagbibigay ay hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan, sapagka’t lumalabag ito sa mga simulaing Kristiyano na gaya niyaong masusumpungan sa Mateo 6:3, 4 at 2 Corinto 9:7. Tiyak na ang isang Kristiyano ay makapagbibigay ng regalo sa iba bilang kapahayagan ng pag-ibig kahit na sa iba pang pagkakataon sa loob ng taon, at ito’y magagawa niya nang madalas.

      Depende sa kung saan sila nakatira, ang mga bata ay sinasabihan na ang mga regalo ay dala ni Santa Claus, San Nicolas, Father Christmas, Père Noël, Knecht Ruprecht, ang mga Mago, ang duwendeng si Jultomten (o Julenissen), o isang mangkukulam na tinatawag na La Befana. (The World Book Encyclopedia, 1984, Tomo 3, p. 414) Kung sa bagay, alinman sa mga kuwentong ito ay hindi talagang totoo. Ang pagkukuwento ba nito ay lumilinang sa mga bata ng paggalang sa katotohanan, at ang ganito bang kaugalian ay nagpaparangal kay Jesu-Kristo, na nagturong ang Diyos ay dapat sambahin sa katotohanan?​—Juan 4:23, 24.

      Masama ba ang makilahok sa mga kapistahan na may di-maka-kristiyanong pinagmulan basta hindi ito ginagawa sa mga relihiyosong kadahilanan?

      Efe. 5:10, 11: “Patuloy ninyong patunayan ang kinalulugdan ng Panginoon; at huwag kayong makisama sa kanilang walang kabuluhang mga gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyo silang sawatain.”

      2 Cor. 6:14-18: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? At anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya? At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? . . . ‘ “Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi” ’; ‘ “at kayo’y aking tatanggapin, . . . at kayo’y magiging aking mga anak na lalake at babae,” sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat.’ ” (Ang tunay na pag-ibig kay Jehova at ang masidhing pagnanais na makalugod sa kaniya ay tutulong sa isa na makalaya mula sa di-kristiyanong mga kaugalian na dati niyang kinahuhumalingan. Ang isang tao na talagang nakakakilala at umiibig kay Jehova ay hindi makakadama na kung itatakwil niya ang mga kaugalian na nagpaparangal sa mga diyus-diyosan o na nagtataguyod ng kasinungalingan, ay para bang pinagkakaitan na siya ng kaligayahan. Ang tunay na pag-ibig ay mag-uudyok sa kaniya na magalak, hindi sa kalikuan, kundi sa katotohanan. Tingnan ang 1 Corinto 13:6.)

      Ihambing ang Exodo 32:4-10. Pansinin na ginaya ng mga Israelita ang isang relihiyosong kaugalian ng Ehipto subali’t binigyan ito ng isang bagong pangalan, “isang kapistahan kay Jehova.” Subali’t buong-higpit silang pinarusahan ni Jehova dahil dito. Sa ngayon ang nakikita lamang natin ay mga ika-20 siglong kaugalian na kaugnay ng mga kapistahan. Ang iba’y tila hindi masama. Subali’t patiuna nang naoobserbahan ni Jehova ang maka-paganong relihiyosong mga kaugalian na pinagmulan ng mga ito. Hindi ba natin dapat pahalagahan ang kaniyang pangmalas?

      Paglalarawan: Halimbawa’y dumating ang isang grupo sa bahay ng isang marangal na tao at sinasabing naparoon sila upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan. Hindi niya sinasang-ayunan ang pagdiriwang ng mga kaarawan. Ayaw niyang makita na ang mga tao’y nagmamalabis sa pagkain o naglalasing o nakikibahagi sa mga gawang mahahalay. Subali’t may ilan na gumagawa mismo nang ganito, at sila’y may dalang mga regalo para sa bawa’t isang naroroon maliban na lamang sa kaniya! Mas masahol pa dito, pinili nila ang kaarawan ng isa sa mga kaaway ng taong yaon bilang petsa ng kanilang pagdiriwang. Ano kaya ang madadama ng taong yaon? Gusto ba ninyong masangkot sa ganitong kalapastanganan? Ganitong-ganito ang ginagawa ng mga pagdiriwang kung Pasko.

      Ano ang pinagmulan ng Pasko-ng-Pagkabuhay (Easter) at ng mga kaugaliang kaugnay nito?

      Ganito ang komento ng The Encyclopædia Britannica: “Walang ipinahihiwatig sa Bagong Tipan hinggil sa pagdiriwang ng kapistahan ng Pasko-ng-Pagkabuhay, ni sa mga sulat man ng mga apostolikong Ama. Ang pagbibigay-dangal sa pantanging mga araw ay isang ideya na hindi umiral sa isipan ng unang mga Kristiyano.”​—(1910), Tomo VIII, p. 828.

      Sinasabi sa atin ng The Catholic Encyclopedia: “Napakaraming kaugaliang pagano, na nagdiwang ng pagbabalik ng tagsibol, ang naging bahagi ng Pasko-ng-Pagkabuhay. Ang itlog ay sagisag ng tumutubong binhi ng maagang tagsibol. . . . Ang kuneho ay isang paganong sagisag na laging ginagamit upang kumatawan sa pagpapakarami.”​—(1913), Tomo V, p. 227.

      Ganito ang mababasa natin sa aklat na The Two Babylons, ni Alexander Hislop: “Ano ang mismong kahulugan ng katagang Easter? Hindi ito pangalang Kristiyano. Sa mismong noo nito’y nakatatak ang pinagmulang Kaldeo. Ang Easter ay walang iba kundi si Astarte, isa sa mga titulo ni Beltis, na reyna ng kalangitan, na ang pangalan, . . . gaya ng nasumpungan ni Layard sa mga bantayog na Asiryano ay Ishtar. . . . Ganito ang kasaysayan ng Easter. Ang tanyag na mga pagdiriwang na ginagawa sa kapistahang ito ay maliwanag na umaalalay sa patotoo ng kasaysayan hinggil sa maka-Babilonikong katangian nito. Ang maiinit na tinapay na hugis-krus kung Biyernes Santo, at ang mga kinulayang itlog ng Paskuwa o Linggo ng Pagkabuhay, ay tampok na mga bahagi ng mga rituwal na Kaldeo na katulad din naman ng sa ngayon.”​—(Nueba York, 1943), p. 103, 107, 108; ihambing ang Jeremias 7:18.

      Ang mga pagdiriwang ba kung Bagong Taon ay dapat tanggihan ng mga Kristiyano?

      Ayon sa The World Book Encyclopedia, “Noong 46 B.C. ang Enero 1 ay itinakda ng Romanong tagapamahala na si Julio Cesar bilang Araw ng Bagong Taon. Inialay ng mga Romano ang araw na ito kay Janus, ang diyos ng mga pintuan, tarangkahan, at ng mga pasimula. Ang buwan ng Enero ay nginanlan dahil kay Janus, na nagtataglay ng dalawang mukha​—isa na nakaharap sa unahan at isa na nakatingin sa likuran.”​—(1984), Tomo 14, p. 237.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share