Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pag-asa—May Malaking Impluwensiya Nga ba Ito sa Ating Buhay?
    Gumising!—2004 | Abril 22
    • Pag-asa​—May Malaking Impluwensiya Nga ba Ito sa Ating Buhay?

      SAMPUNG taóng gulang pa lamang siya, ngunit isang taon nang nakikipaglaban sa kanser si Daniel. Sumuko na ang kaniyang mga doktor, gayundin ang iba pang malalapít sa bata. Ngunit nanatiling umaasa si Daniel. Naniniwala siya na lálakí siyang isang mananaliksik at tutulong upang masumpungan ang lunas sa kanser balang-araw. Pantangi niyang inaasahan ang nalalapit na pagdalaw ng isang doktor na dalubhasa sa paggamot sa partikular na uri ng kanser na mayroon siya. Subalit nang dumating ang araw na iyon, napilitang kanselahin ng espesyalista ang kaniyang pagdalaw dahil sa masamang lagay ng panahon. Nanlumo si Daniel. Sa kauna-unahang pagkakataon, naging matamlay siya. Namatay siya pagkalipas ng ilang araw.

      Ang nangyari kay Daniel ay inilahad ng isang tagapangalaga ng kalusugan na nagsuri sa papel na ginagampanan ng pag-asa at kawalang-pag-asa may kaugnayan sa kalusugan. Maaaring nakarinig ka na ng kuwentong katulad nito. Halimbawa, isang may-edad na ang malapit nang mamatay ngunit sabik pa ring masaksihan ang isang matagal nang hinihintay na mahalagang pangyayari​—ito man ay pagdalaw ng isang mahal sa buhay o isang anibersaryo lamang. Nang maganap at lumipas na ang pangyayaring ito, di-nagtagal ay namatay ang taong iyon. Ano ang nakaiimpluwensiya sa gayong mga kalagayan? Maaari nga bang maging makapangyarihang puwersa ang pag-asa gaya ng pinaniniwalaan ng ilan?

      Sinasabi ng dumaraming mananaliksik sa medisina na talagang may makapangyarihang epekto sa buhay at kalusugan ng isang tao ang pagiging optimistiko, ang pag-asa, at ang iba pang positibong mga damdamin. Ngunit hindi pare-pareho ang gayong mga pangmalas. Itinuturing ng ilang mananaliksik na isang bunton lamang ng di-makasiyensiyang kuwentong-bayan ang lahat ng gayong pag-aangkin. Mas gusto nilang isipin na ang pisikal na mga karamdaman ay may pisikal na mga sanhi lamang.

      Siyempre pa, hindi na bago ang pag-aalinlangan sa kahalagahan ng pag-asa. Libu-libong taon na ang nakalilipas, tinanong ang pilosopong Griego na si Aristotle upang bigyang-katuturan ang pag-asa at sumagot siya: “Ito ay pangangarap nang gising.” At ilang siglo pa lamang ang nakalilipas, tahasang sinabi ng estadistang Amerikano na si Benjamin Franklin: “Siya na nabubuhay sa pag-asa ay mamamatay nang nag-aayuno.”

      Kung gayon, ano ba ang totoo tungkol sa pag-asa? Lagi ba itong pangangarap lamang, isang paraan upang makasumpong ng kaaliwan ang mga tao sa walang-saysay na mga panaginip? O may makatuwirang dahilan upang ituring ang pag-asa bilang isang bagay na hindi lamang panaginip​—isang bagay na kailangan nating lahat upang matamasa ang mabuting kalusugan at kaligayahan, isang bagay na may tunay na saligan at mga kapakinabangan?

  • Bakit ba Natin Kailangan ang Pag-asa?
    Gumising!—2004 | Abril 22
    • Bakit ba Natin Kailangan ang Pag-asa?

      PAANO kung si Daniel, ang kabataang may kanser na inilarawan sa pambungad ng naunang artikulo, ay nanatiling may malaking pag-asa? Nadaig kaya niya ang kanser? Buháy pa kaya siya ngayon? Maging ang pinakamasigasig na tagapagtaguyod ng pag-asa ay malamang na hindi gagawa ng gayong mga pag-aangkin. At iyan ang isang mahalagang punto. Hindi dapat palabisin ang kapangyarihan ng pag-asa. Hindi ito isang lunas sa lahat ng bagay.

      Sa isang panayam na ginawa ng CBS News, nagbabala si Dr. Nathan Cherney sa panganib ng pagpapalabis sa kapangyarihan ng pag-asa kapag nakikitungo sa mga pasyenteng may malubhang sakit: “May nasaksihan kaming mga situwasyon kung saan labis na pinagagalitan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa dahil hindi raw sapat ang kanilang ginagawang pagbubulay-bulay, na kulang pa raw ang kanilang positibong pag-iisip.” Sinabi pa ni Dr. Cherney: “Ang ganitong kaisipan ay lumikha ng ilusyon ng pagsupil, at kapag lalong humina ang kalusugan ng mga tao, inaakala ng ilan na hindi nila nasupil nang mabuti ang kanilang tumor, at hindi ito makatuwiran.”

      Ang totoo, yaong mga nakikipaglaban sa nakamamatay na sakit ay nakikipagbaka sa isang labanan na nakapapagod at nakasasaid ng lakas. Tiyak na hindi nanaisin ng kanilang mga mahal sa buhay na dagdagan pa ng paninisi ang kanilang mabigat nang pasanin. Kung gayon, dapat ba nating sabihin na walang halaga ang pag-asa?

      Hindi. Halimbawa, ang nabanggit na doktor ay nagpapakadalubhasa sa palliative care​—samakatuwid nga, ang paggamot na nagtutuon ng pansin, hindi sa tuwirang paglaban sa sakit o maging sa pagpapahaba ng buhay, kundi sa pagsisikap na maging mas maalwan at kaayaaya ang buhay ng pasyente hangga’t nabubuhay pa ito. Matibay ang paniniwala ng gayong mga doktor sa kahalagahan ng mga paggamot na nagbubunga ng mas maligayang kalagayan ng isip, maging sa mga may malubhang sakit. May malaking katibayan na nagagawa ito ng pag-asa​—at higit pa roon.

      Ang Kahalagahan ng Pag-asa

      “Mabisang terapi ang pag-asa,” ang pahayag ng peryodista hinggil sa medisina na si Dr. W. Gifford-Jones. Nirepaso niya ang iba’t ibang pag-aaral na ginawa upang matiyak ang kahalagahan ng emosyonal na suporta sa mga pasyenteng may malubhang sakit. Ipinapalagay na tumutulong ang ganitong uri ng suporta upang mapanatili ng mga tao ang pangmalas na positibo at puno ng pag-asa. Natuklasan ng isang pag-aaral noong 1989 na nabuhay nang mas matagal ang mga pasyenteng nakatanggap ng gayong suporta, bagaman hindi gaanong nakatitiyak hinggil sa bagay na ito ang kamakailang pananaliksik. Gayunman, tiniyak ng mga pag-aaral na hindi gaanong nanlulumo at naghihirap ang mga pasyenteng nakatatanggap ng emosyonal na suporta kung ihahambing sa mga hindi nakatatanggap nito.

      Isaalang-alang ang isa pang pag-aaral na nagtuon ng pansin sa nagagawa ng pagiging optimistiko at pesimistiko sa coronary heart disease (CHD). Isang grupo ng mahigit na 1,300 lalaki ang maingat na sinuri kung mayroon silang optimistiko o pesimistikong pangmalas sa buhay. Natuklasan ng ginawang pagsubaybay pagkalipas ng sampung taon na mahigit sa 12 porsiyento ng mga lalaking iyon ang nagkaroon ng isang anyo ng CHD. Sa mga ito, halos doble ang dami ng mga pesimistiko kaysa sa mga optimistiko. Si Laura Kubzansky, katulong na propesor sa kalusugan at panlipunang paggawi sa Harvard School of Public Health, ay nagkomento: “Ang karamihan sa mga katibayan para sa opinyon na nakabubuti sa iyong kalusugan ang ‘positibong pag-iisip’ ay kuwento lamang​—inilalaan ng pag-aaral na ito ang ilan sa kauna-unahang tunay na medikal na katibayan para sa ideyang ito sa larangan ng sakit sa puso.”

      Natuklasan ng ilang pag-aaral na mas mabagal gumaling ang mga naoperahan na nagtuturing na mahina ang kanilang sariling kalusugan kaysa sa mga naoperahan na nagtuturing na napakahusay ng kanilang kalusugan. Maging ang haba ng buhay ay iniuugnay sa pagiging optimistiko. Sinuri ng isang pag-aaral kung paano nakaaapekto sa mga may-edad na ang positibo at negatibong mga pangmalas sa pagtanda. Nang hayaang mabasa ng mas matatandang tao ang saglit na mga mensahe na iniuugnay ang pagtanda sa paglago ng karunungan at karanasan, natuklasan na nakapaglakad sila nang may ibayong lakas at sigla. Sa katunayan, ang pagsulong ay katumbas ng mga resulta ng 12-linggong programa sa pag-eehersisyo!

      Bakit waring kapaki-pakinabang sa kalusugan ang mga emosyon na gaya ng pag-asa, pagiging optimistiko, at positibong pangmalas? Marahil ay hindi pa lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko at mga doktor ang isip at katawan ng tao upang makapagbigay ng tiyakang mga sagot. Gayunman, makapagbibigay ng pinag-aralang mga opinyon ang mga eksperto na nagsisikap na pag-aralan ang bagay na ito. Halimbawa, sinabi ng isang propesor sa neurolohiya: “Ang sarap ng pakiramdam ng maging maligaya at mapuno ng pag-asa. Ito ay isang kasiya-siyang kalagayan na nagdudulot ng kakaunting kaigtingan, at lumulusog ang katawan sa gayong mga kalagayan. Isa pa itong bagay na magagawa ng mga tao para sa kanilang sarili upang sikaping manatiling malusog.”

      Maaaring waring bago ang opinyong ito sa ilang doktor, sikologo, at siyentipiko, ngunit hindi ito bago sa mga estudyante ng Bibliya. Halos 3,000 taon na ang nakalilipas, kinasihan ang marunong na si Haring Solomon upang isulat ang kaisipang ito: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” (Kawikaan 17:22) Pansinin ang pagkatimbang na ipinakita rito. Hindi sinasabi ng talatang ito na pagagalingin ng masayang puso ang anumang karamdaman kundi “nakabubuti [lamang ito] bilang pampagaling.”

      Sa katunayan, makatuwirang itanong, Kung ang pag-asa ay isang gamot, sinong doktor ang hindi magrereseta nito? Bukod diyan, hindi lamang sa larangan ng kalusugan nagdudulot ng mga kapakinabangan ang pag-asa.

      Ang Pagiging Optimistiko, Pagiging Pesimistiko, at ang Iyong Buhay

      Natuklasan ng mga mananaliksik na nakikinabang sa maraming paraan ang mga optimistiko sa kanilang positibong pangmalas. May tendensiya silang maging mas mahusay sa paaralan, sa trabaho, at maging sa larangan ng palakasan. Halimbawa, pinag-aralan ang isang koponan ng mga babaing nakikipagpaligsahan sa pagtakbo. Nagbigay ang mga tagapagsanay ng lubusang pagtasa sa mga kakayahan ng mga babae sa palakasan lamang. Kasabay nito, sinuri mismo ang mga babae at maingat na inalam ang antas ng kanilang pag-asa. Ipinakita ng mga resulta na ang antas ng pag-asa ng mga babae ay lubhang mas tumpak na batayan ng kanilang maisasagawa kaysa sa lahat ng estadistikang sinuri ng kanilang mga tagapagsanay. Bakit gayon na lamang kalakas ang impluwensiya ng pag-asa?

      Marami ang natutuhan sa pag-aaral hinggil sa kabaligtaran ng pagiging optimistiko​—ang pagiging pesimistiko. Noong dekada ng 1960, nagbunga ng di-inaasahang resulta ang mga eksperimento hinggil sa paggawi ng mga hayop, na naging dahilan upang imbentuhin ng mga mananaliksik ang pariralang “nalinang na kawalang-kakayahan.” Natuklasan nila na maaari ring magkaroon ng isang uri ng ganitong sindrom ang mga tao. Halimbawa, ang mga taong ineksperimento ay inihantad sa nakayayamot na ingay at sinabihan na matututuhan nilang pahintuin ito sa pamamagitan ng pagpindot sa sunud-sunod na mga buton. Napahinto nila ang ingay.

      Gayundin ang sinabi sa ikalawang grupo​—ngunit walang epekto ang pagpindot sa mga buton. Gaya ng maguguniguni mo, marami sa ikalawang grupong iyon ang nakadama ng kawalang-kakayahan. Sa sumunod na eksperimento, atubili na silang gumawa ng anumang hakbang. Nakumbinsi sila na wala silang magagawa para baguhin ang mga bagay-bagay. Subalit maging sa ikalawang grupong iyon, ang mga optimistiko ay tumangging magpadaig sa gayong kaisipan na wala na silang magagawa.

      Si Dr. Martin Seligman, na tumulong sa pagdisenyo sa ilan sa naunang mga eksperimentong iyon, ay naudyukang gawing karera ang pag-aaral hinggil sa pagiging optimistiko at pesimistiko. Masusi niyang sinuri ang uri ng pag-iisip na ipinakikita ng mga taong may tendensiyang malasin ang kanilang sarili na walang kakayahan. Naging konklusyon niya na ang gayong pesimistikong pag-iisip ay nakahahadlang sa mga tao sa maraming gawain sa buhay o nakapipigil pa nga sa kanila na kumilos. Ganito binuod ni Seligman ang pesimistikong pag-iisip at ang mga epekto nito: “Ang dalawampu’t limang taóng pag-aaral ay kumumbinsi sa akin na kung makakaugalian nating paniwalaan, gaya ng pesimistiko, na ang kasawian ay bunga ng ating pagkakamali, na magtatagal ito, at sisirain nito ang lahat ng gagawin natin, mas maraming kasawian ang sasapit sa atin kaysa kung hindi gayon ang paniniwalaan natin.”

      Muli, maaaring waring bago sa ilan sa ngayon ang gayong mga konklusyon, ngunit pamilyar ito sa mga estudyante ng Bibliya. Pansinin ang kawikaang ito: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Oo, malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya na ang panghihina ng loob, lakip na ang kaakibat nitong negatibong kaisipan, ay uubos ng iyong lakas sa pagkilos. Subalit ano ang magagawa mo upang mapaglabanan ang pagiging pesimistiko at maging higit na optimistiko at puno ng pag-asa ang iyong buhay?

      [Larawan sa pahina 4, 5]

      Malaking kabutihan ang maidudulot ng pag-asa

  • Mapaglalabanan Mo ang Pagiging Pesimistiko
    Gumising!—2004 | Abril 22
    • Mapaglalabanan Mo ang Pagiging Pesimistiko

      PAANO mo minamalas ang nararanasan mong mga kabiguan? Maraming eksperto ang naniniwala na ngayon na malaki ang ipinahihiwatig ng sagot sa tanong na iyan kung ikaw ay optimistiko o pesimistiko. Tayong lahat ay dumaranas ng iba’t ibang mahihirap na pagsubok sa buhay, ang ilan sa atin ay mas maraming nararanasan kaysa sa iba. Subalit bakit waring nakababangon ang ilang tao mula sa mga paghihirap, anupat handa na namang sumubok na muli, samantalang waring sumusuko naman ang iba pagkatapos ng kahit medyo maliliit na problema lamang?

      Halimbawa, gunigunihin na naghahanap ka ng trabaho. Kinapanayam ka at hindi nakapasa. Paano mo mamalasin ang pangyayaring ito pagkatapos? Baka isipin mong ang iyong pagkatao ang hindi tinanggap at malasin mo ito na isang permanenteng problema, anupat sinasabi sa iyong sarili, ‘Walang kukuha sa isang gaya ko. Hindi ako kailanman magkakatrabaho.’ O baka hayaan mo pa ngang makaimpluwensiya ang iisang kabiguang ito sa iyong pangmalas sa bawat aspekto ng iyong buhay, anupat iniisip na, ‘Wala akong kuwenta. Wala akong silbi kaninuman.’ Sa bawat kalagayang ito, ang gayong pag-iisip ay nangangahulugan ng pagiging pesimistiko.

      Paglaban sa Pagiging Pesimistiko

      Paano mo ito mapaglalabanan? Ang unang mahalagang hakbang ay pag-aralang kilalanin ang gayong negatibong kaisipan. Ang susunod na hakbang ay labanan ang mga ito. Humanap ng ibang makatuwirang mga paliwanag. Halimbawa, talaga bang totoo na walang gustong kumuha sa iyo kaya hindi ka nakapasa? O posible kaya na humahanap lamang ang nagpapatrabaho ng isa na may ibang mga kuwalipikasyon?

      Kung magtutuon ka ng pansin sa espesipikong mga katotohanan, ilalantad nito ang negatibong mga kaisipan na dulot lamang ng labis na emosyon. Talaga bang wala ka nang kuwenta kapag hindi ka tinanggap sa isang pagkakataon, o may maiisip ka pang ibang larangan sa iyong buhay​—gaya ng iyong espirituwal na mga gawain, kaugnayan sa pamilya, o pakikipagkaibigan​—kung saan naging matagumpay ka naman? Pag-aralang ituring na pagiging labis na negatibo lamang ang nakatatakot na mga prediksiyon mo. Ang totoo, matitiyak mo ba talaga na hindi ka kailanman makahahanap ng trabaho? Marami ka pang magagawa para maiwaksi ang negatibong kaisipan.

      Positibo at Nakapokus-sa-Tunguhin na Pag-iisip

      Nitong nakalipas na mga taon, nakabuo ang mga mananaliksik ng nakatatawag-pansin, kung hindi man makitid, na pagpapakahulugan sa pag-asa. Sinasabi nila na nasasangkot sa pag-asa ang paniniwala na maaabot mo ang iyong mga tunguhin. Gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo, hindi lamang iyon ang nasasangkot sa pag-asa, bagaman waring kapaki-pakinabang naman ang pagpapakahulugang ito sa ilang paraan. Ang pagtutuon ng pansin sa aspektong ito ng personal na pag-asa ay makatutulong sa atin na malinang ang mas positibo at nakapokus-sa-tunguhin na pag-iisip.

      Upang maniwala tayo na maaabot natin ang ating mga tunguhin sa hinaharap, kailangan tayong makaipon ng isang rekord ng naitakda at naabot na mga tunguhin. Kung sa palagay mo ay wala kang gayong rekord, makabubuting seryosong pag-isipan ang mga tunguhing itinatakda mo para sa iyong sarili. Una, may tunguhin ka ba? Napakadaling masadlak sa rutin at kaabalahan sa buhay nang hindi na nag-iisip kung ano ang talagang gusto natin sa buhay, kung ano ang pinakamahalaga sa atin. Hinggil sa praktikal na simulaing ito ng pagtatatag ng espesipikong mga priyoridad, muli nating masusumpungan na matagal nang sinasabi ng Bibliya nang buong linaw: ‘Tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’​—Filipos 1:10.

      Kapag natiyak na natin ang ating mga priyoridad, madali nang piliin ang ilang mahahalagang tunguhin sa iba’t ibang larangan, tulad sa ating espirituwal na buhay, sa ating buhay pampamilya, at sa ating sekular na buhay. Subalit mahalaga na sa pasimula ay huwag magtakda ng napakaraming tunguhin at pumili ng mga tunguhin na alam nating madaling maabot. Kung napakahirap maabot ang isang tunguhin, maaari itong magpahina ng ating loob, at baka sumuko tayo. Samakatuwid, karaniwan nang pinakamabuti na hati-hatiin ang mas malalaki at matatagal maabot na mga tunguhin tungo sa mas maliliit at madaling maabot.

      “Kung gusto mo, maraming paraan.” Ganiyan ang sinasabi ng matandang kasabihan, at waring may katotohanan naman ito. Kapag natiyak na natin kung ano ang ating pangunahing mga tunguhin, kailangan natin ang lakas ng loob​—ang hangarin at determinasyon​—​na pagsikapang maabot ang mga ito. Maaari nating patibayin ang determinasyong iyan sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa kahalagahan ng ating mga tunguhin at sa mga gantimpalang makakamit natin kapag naabot natin ang mga ito. Sabihin pa, magkakaroon ng mga hadlang, ngunit kailangan nating malasin ang mga ito bilang mga hamon sa halip na mga situwasyong wala nang pag-asa.

      Gayunman, kailangan din tayong umisip ng praktikal na mga paraan upang maabot ang ating mga tunguhin. Iminumungkahi ng awtor na si C. R. Snyder, na malawakang nag-aral sa kahalagahan ng pag-asa, ang pag-iisip ng maraming paraan ng pag-abot sa anumang itinakdang tunguhin. Kaya kapag hindi nagtagumpay ang unang paraan, maaari tayong bumaling sa ikalawa, ikatlo, at sa iba pa.

      Iminumungkahi rin ni Snyder na pag-aralang palitan ang tunguhin. Kung talagang nahahadlangan tayo sa pag-abot sa isang tunguhin, ang pagkasiphayo hinggil dito ay makapagpapahina lamang ng ating loob. Sa kabilang panig, kung papalitan ito ng mas makatotohanang tunguhin, magbibigay ito sa atin ng ibang bagay na maaaring asahan.

      May nagbibigay-liwanag na halimbawa ang Bibliya hinggil dito. Minimithi ni Haring David ang tunguhing magtayo ng templo para sa kaniyang Diyos, si Jehova. Ngunit sinabi ng Diyos kay David na ang anak niyang si Solomon ang magkakaroon ng gayong pribilehiyo. Sa halip na magmukmok o magpumilit sa kabila ng nakasisiphayong pangyayaring ito, binago ni David ang kaniyang mga tunguhin. Ibinuhos niya ang kaniyang lakas sa pagtitipon ng pondo at materyales na kakailanganin ng kaniyang anak upang makumpleto ang proyekto.​—1 Hari 8:17-19; 1 Cronica 29:3-7.

      Kahit na magtagumpay tayo sa pagpapaunlad sa antas ng ating personal na pag-asa sa pamamagitan ng paglaban sa pagiging pesimistiko at paglinang ng positibo at nakapokus-sa-tunguhin na pag-iisip, baka malaki pa rin ang kulang sa ating pag-asa. Bakit? Buweno, karamihan sa kawalang-pag-asa na nakakaharap natin sa sanlibutang ito ay sanhi ng mga bagay na hindi natin lubusang kontrolado. Kapag binubulay-bulay natin ang napakaraming problema na nagpapahirap sa sangkatauhan​—ang karalitaan, digmaan, kawalang-katarungan, ang laging nakaabang na banta ng sakit at kamatayan​—​paano natin mapananatili ang isang pangmalas na puno ng pag-asa?

      [Larawan sa pahina 7]

      Kapag hindi ka tinanggap sa gusto mong trabaho, ipinapalagay mo bang hindi ka kailanman makakakuha ng trabaho?

      [Larawan sa pahina 8]

      Nagpakita si Haring David ng kakayahang makibagay pagdating sa mga tunguhin

  • Saan Ka Makasusumpong ng Tunay na Pag-asa?
    Gumising!—2004 | Abril 22
    • Saan Ka Makasusumpong ng Tunay na Pag-asa?

      HUMINTO ang iyong relo at waring nasira. Nang ipagagawa mo na ito, napaharap ka sa napakaraming mapagpipilian. Di-mabilang sa dami ang mga anunsiyo sa pagkumpuni ng relo, anupat ginagarantiyahan ng bawat isa sa mga ito ang kanilang mga pag-aangkin, na ang ilan sa mga ito ay nagkakasalungatan naman. Ngunit ano ang gagawin mo kung matuklasan mong kapitbahay mo pala ang malikhaing lalaki na nagdisenyo sa partikular na relong iyan noong nakalipas na mga taon? Hindi lamang iyon, nalaman mo rin na handa siyang tumulong sa iyo, nang libre pa. Waring malinaw na kung ano ang gagawin mo, hindi ba?

      Ngayon, ihambing mo ang relong iyon sa iyong kakayahang umasa. Kung masumpungan mong nawawalan ka na ng pag-asa​—kagaya ng marami sa maligalig na panahong ito​—saan ka hihingi ng tulong? Maraming tao ang nag-aangkin na kaya nilang lulutasin ang problema, ngunit maaaring nakalilito at nagkakasalungatan naman ang di-mabilang na mga mungkahi. Kaya bakit hindi sumangguni sa Isa na nagdisenyo sa sangkatauhan na magkaroon ng kakayahang umasa? Sinasabi ng Bibliya na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin” at na talagang gusto niyang tumulong.​—Gawa 17:27; 1 Pedro 5:7.

      Mas Malalim na Kahulugan ng Pag-asa

      Mas malawak at mas malalim ang konsepto ng Bibliya hinggil sa pag-asa kaysa sa konsepto na karaniwang ginagamit ng mga doktor, siyentipiko, at mga sikologo sa ngayon. Ang mga salita sa orihinal na wikang ginamit sa Bibliya na isinasaling “pag-asa” ay nangangahulugang sabik na maghintay at umasa ng mabuti. Ang pag-asa ay pangunahin nang binubuo ng dalawang elemento. Nasasangkot dito ang paghahangad sa isang bagay na mabuti gayundin ang saligan sa paniniwalang makakamit ang mabuting iyon. Hindi lamang pangangarap ang pag-asang iniaalok ng Bibliya. Ito ay matibay na nakasalig sa katotohanan at katibayan.

      Hinggil dito, ang pananampalataya ay katulad din ng pag-asa, na dapat ay nakasalig sa katibayan​—hindi sa pagkamapaniwalain. (Hebreo 11:1) Gayunman, ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba ng pananampalataya at pag-asa.​—1 Corinto 13:13.

      Bilang paglalarawan: Kapag humingi ka ng pabor sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan, maaari kang umasa na tutulungan ka niya. May saligan ang iyong pag-asa dahil nananampalataya (o may tiwala) ka sa iyong kaibigan​—kilalang-kilala mo siya, at nakita mo siyang kumilos nang may kabaitan at pagkabukas-palad noon. Ang iyong pananampalataya at pag-asa ay may malapit na kaugnayan, anupat nagtutulungan pa nga, ngunit magkaiba ang mga ito. Paano ka magkakaroon ng gayong pag-asa sa Diyos?

      Ang Saligan ng Pag-asa

      Ang Diyos ang pinagmumulan ng tunay na pag-asa. Noong panahon ng Bibliya, tinawag si Jehova na “pag-asa ng Israel.” (Jeremias 14:8) Anumang mapananaligang pag-asa ng kaniyang bayan ay galing sa kaniya; kaya naman, siya ang kanilang pag-asa. Ang gayong pag-asa ay hindi pangangarap lamang. Binigyan sila ng Diyos ng matibay na saligan ng pag-asa. Sa pakikitungo sa kanila sa nakalipas na mga siglo, nakagawa siya ng isang rekord ng mga pangako at tinupad na mga pangako. Sinabi ng kanilang lider na si Josue sa Israel: “Nalalaman ninyong lubos . . . na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo.”​—Josue 23:14.

      Pagkalipas ng libu-libong taon, maaasahan pa rin ang rekord na iyon. Ang Bibliya ay punô ng kamangha-manghang mga pangako ng Diyos at ng tumpak na ulat ng kasaysayan hinggil sa katuparan ng mga ito. Lubhang mapananaligan ang kaniyang makahulang mga pangako anupat kung minsan ay iniuulat ang mga ito na para bang natupad na ang mga ito nang panahong ipangako ang mga ito.

      Kaya naman ang Bibliya ay matatawag nating aklat ng pag-asa. Habang pinag-aaralan mo ang rekord ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao, lalo lamang titibay ang iyong mga dahilan sa paglalagak ng pag-asa sa kaniya. Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”​—Roma 15:4.

      Anong Pag-asa ang Ibinibigay sa Atin ng Diyos?

      Kailan natin nararamdaman ang pinakamatinding pangangailangan na umasa? Hindi ba’t kapag napapaharap tayo sa kamatayan? Subalit para sa marami, sa gayong panahon mismo​—halimbawa, kapag namatay ang isang mahal sa buhay​—waring napakailap ng pag-asa. Kung sa bagay, ano pa nga ba ang higit na nagdudulot ng kawalang-pag-asa kundi ang kamatayan? Wala itong tigil sa pagtugis sa bawat isa sa atin. Maiiwasan lamang natin ito sa loob ng ilang panahon, at hindi natin ito mapawawalang-saysay. Angkop naman, tinatawag ng Bibliya na “huling kaaway” ang kamatayan.​—1 Corinto 15:26.

      Kung gayon, paano tayo makasusumpong ng pag-asa sa harap ng kamatayan? Buweno, sinasabi rin ng talata sa Bibliya na tumawag sa kamatayan bilang huling kaaway na “papawiin” ang kaaway na ito. Mas malakas ang Diyos na Jehova kaysa sa kamatayan. Pinatunayan na niya ito sa maraming pagkakataon. Paano? Sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay. Inilalarawan ng Bibliya ang siyam na iba’t ibang pagkakataon nang gamitin ng Diyos ang kaniyang kapangyarihan upang muling buhayin ang namatay na mga indibiduwal.

      Sa isang pambihirang pangyayari, binigyan ni Jehova ng kapangyarihan ang kaniyang Anak, si Jesus, upang buhaying muli ang kaniyang mahal na kaibigan na nagngangalang Lazaro, na apat na araw nang patay. Ginawa ito ni Jesus, hindi sa paraang palihim, kundi hayagan, sa harap ng pulutong ng mga nagmamasid.​—Juan 11:38-48, 53; 12:9, 10.

      Baka itanong mo, ‘Bakit binuhay-muli ang mga tao? Hindi ba’t tumanda rin naman sila at muling namatay?’ Oo. Gayunman, dahil sa mapananaligang mga ulat ng pagkabuhay-muli na gaya nito, hindi na tayo maghahangad lamang na mabuhay-muli ang ating namatay na mga mahal sa buhay; may dahilan tayong maniwala na mabubuhay silang muli. Sa ibang salita, mayroon tayong tunay na pag-asa.

      Sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay.” (Juan 11:25) Siya ang Isa na bibigyan ni Jehova ng kapangyarihan upang isagawa ang mga pagbuhay-muli sa pangglobong lawak. Sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Kristo] at lalabas.” (Juan 5:28, 29) Oo, ang lahat ng natutulog sa libingan ay may pag-asang mabuhay-muli tungo sa buhay sa isang paraisong lupa.

      Inilarawan ng propetang si Isaias ang nakaaantig-damdaming pagkabuhay-muling ito: “Mabubuhay ang iyong mga patay, babangong muli ang kanilang mga katawan. Silang natutulog sa lupa ay gigising at sisigaw sa kagalakan; sapagkat ang iyong hamog ay isang hamog ng nagniningning na liwanag, at isisilang muli ng lupa ang matagal nang mga namatay na iyon.”​—Isaias 26:19, The New English Bible.

      Hindi ba’t nakaaaliw iyon? Ang mga patay ay nasa pinakaligtas na maguguniguning kalagayan, gaya ng isang sanggol na ipinagsasanggalang sa loob ng bahay-bata ng ina. Oo, ang mga nagpapahinga sa libingan ay ganap na iniingatan sa walang-hanggang memorya ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Lucas 20:37, 38) At di-magtatagal ay bubuhayin silang muli, anupat papasok sa isang maligaya at malugod na naghihintay na daigdig na kagayang-kagaya ng pagbati ng isang maibigin at naghihintay na pamilya sa isang bagong-silang na sanggol! Kaya, may pag-asa maging sa harap ng kamatayan.

      Kung Ano ang Magagawa ng Pag-asa Para sa Iyo

      Maraming itinuturo sa atin si Pablo hinggil sa kahalagahan ng pag-asa. Tinutukoy niya ang pag-asa bilang isang mahalagang bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma​—ang helmet. (1 Tesalonica 5:8) Ano ang ibig niyang sabihin dito? Buweno, noong panahon ng Bibliya, nagsusuot ng metal na helmet ang isang kawal sa digmaan, na kadalasang nakapatong sa isang gorang piyeltro o katad. Dahil sa helmet, ang karamihan sa mga unday sa ulo ay tatalbog lamang sa halip na magdulot ng nakamamatay na pinsala. Ano ang punto ni Pablo? Kung paanong ipinagsasanggalang ng helmet ang ulo, gayon ipinagsasanggalang ng pag-asa ang isip, ang kakayahang mag-isip. Kung mayroon kang matibay na pag-asa na kasuwato ng mga layunin ng Diyos, hindi kailangang mayanig ng pagkasindak o ng kawalang-pag-asa ang kapayapaan ng iyong isip kapag nakararanas ka ng hirap. Sino sa atin ang hindi nangangailangan ng gayong helmet?

      Ginamit ni Pablo ang isa pang malinaw na ilustrasyon hinggil sa pag-asa na kaugnay ng kalooban ng Diyos. Sumulat siya: “Taglay natin ang pag-asang ito bilang angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag.” (Hebreo 6:19) Bilang isang nakaligtas hindi lamang sa minsang pagkawasak ng barko, alam na alam ni Pablo ang kahalagahan ng angkla. Kapag binagyo, inihuhulog ng mga magdaragat ang angkla ng barko. Kapag kumalawit ito sa sahig ng dagat at mahigpit na kumapit doon, may pag-asa ang barko na makayanan ang bagyo at hindi gaanong masira sa halip na matangay sa baybayin at bumangga sa mga bato.

      Gayundin naman, kung ang mga pangako ng Diyos ay “tiyak at matatag” na pag-asa para sa atin, ang pag-asang iyon ang tutulong sa atin na makayanan ang kabagabagang dulot ng maligalig na mga panahong ito. Ipinangangako ni Jehova na darating ang panahon na hindi na sasalutin ng digmaan, krimen, lumbay, o maging ng kamatayan ang sangkatauhan. (Tingnan ang kahon sa pahina 10.) Ang panghahawakan sa pag-asang iyan ang tutulong sa atin na manatiling malayo sa kapahamakan, anupat nagpapasigla sa atin na mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos sa halip na magpatangay sa magulo at imoral na saloobin na napakalaganap sa daigdig sa ngayon.

      Personal ka ring nasasangkot sa pag-asang iniaalok ni Jehova. Nais niyang maranasan mo ang buhay na nilayon niya para sa iyo. Hangarin niya na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.” Paano? Una, kailangang “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan” ang bawat isa. (1 Timoteo 2:4) Hinihimok ka ng mga tagapaglathala ng babasahing ito na kumuha ng nagbibigay-buhay na kaalamang iyan hinggil sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang pag-asang ibibigay ng Diyos sa pamamagitan nito ay lubhang nakahihigit sa alinmang pag-asa na masusumpungan mo sa daigdig na ito.

      Yamang may gayong pag-asa, hindi ka na makadarama ng kawalang-kakayahan, sapagkat makapagbibigay ang Diyos sa iyo ng lakas na kailangan mo upang maabot ang anumang itinakda mong tunguhin na kasuwato ng kaniyang kalooban. (2 Corinto 4:7; Filipos 4:13) Hindi ba’t iyon ang uri ng pag-asang kailangan mo? Kaya kung nangangailangan ka ng pag-asa, kung hinahanap mo ito, matuwa ka. Maaari kang magkaroon ng pag-asa. Maaari mo itong masumpungan!

      [Kahon/Larawan sa pahina 10]

      Mga Dahilan Para Umasa

      Makatutulong ang maka-Kasulatang mga kaisipang ito upang patibayin ang iyong pag-asa:

      ◼ Nangangako ng maligayang kinabukasan ang Diyos.

      Sinasabi ng kaniyang Salita na magiging pangglobong paraiso ang lupa na tinatahanan ng maliligaya at nagkakaisang pamilya ng tao.​—Awit 37:11, 29; Isaias 25:8; Apocalipsis 21:3, 4.

      ◼ Hindi makapagsisinungaling ang Diyos.

      Kinasusuklaman niya ang lahat ng uri ng kasinungalingan. Si Jehova ay napakabanal o napakadalisay, kaya imposibleng magsinungaling siya.​—Kawikaan 6:16-19; Isaias 6:2, 3; Tito 1:2; Hebreo 6:18.

      ◼ Walang hanggan ang kapangyarihan ng Diyos.

      Si Jehova lamang ang makapangyarihan-sa-lahat. Walang anumang bagay sa sansinukob ang makahahadlang sa kaniya sa pagtupad sa kaniyang mga pangako.​—Exodo 15:11; Isaias 40:25, 26.

      ◼ Nais ng Diyos na mabuhay ka magpakailanman.

      ​—Juan 3:16; 1 Timoteo 2:3, 4.

      ◼ May pag-asa pa tayo sa pananaw ng Diyos.

      Mas pinagtutuunan niya ng pansin, hindi ang ating mga pagkakamali at pagkukulang, kundi ang ating mabubuting katangian at mga pagsisikap. (Awit 103:12-14; 130:3; Hebreo 6:10) Umaasa siya na gagawin natin ang tama at nalulugod siya kapag gayon ang ginagawa natin.​—Kawikaan 27:11.

      ◼ Nangangako ang Diyos na tutulungan ka niyang maabot ang makadiyos na mga tunguhin.

      Hindi dapat madama ng kaniyang mga lingkod na wala silang magagawa. Saganang ipinagkakaloob ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu, ang pinakamalakas na puwersang umiiral, upang tulungan tayo.​—Filipos 4:13.

      ◼ Hindi mali kailanman na umasa sa Diyos.

      Palibhasa’y lubos na mapananaligan at mapagkakatiwalaan, hindi ka niya kailanman bibiguin.​—Awit 25:3.

      [Larawan sa pahina 12]

      Kung paanong ipinagsasanggalang ng helmet ang ulo, gayon ipinagsasanggalang ng pag-asa ang isip

      [Larawan sa pahina 12]

      Kagaya ng isang angkla, makapagbibigay ng katatagan ang pag-asang may matibay na saligan

      [Credit Line]

      Courtesy René Seindal/Su concessione del Museo Archeologico Regionale A. Salinas di Palermo

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share