-
Mga Pangyayari na Umaakay Tungo sa Pag-asaAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Mga Pangyayari na Umaakay Tungo sa Pag-asa
“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”—2 TIMOTEO 3:1.
MAY nabalitaan ka na ba o nasaksihan sa malulungkot na pangyayaring ito?
● Isang nakamamatay na sakit ang kumitil ng maraming buhay.
● Isang taggutom ang pumatay ng daan-daan katao.
● Isang lindol ang naging sanhi ng kamatayan ng libu-libo at ng pagkawasak ng maraming tahanan.
Sa susunod na mga pahina, tatalakayin ang ilang katotohanan na aakay sa iyo na pag-isipan ang mga pangyayaring gaya nito. Makikita mo rin na inihula sa Bibliya ang ganitong mga pangyayari bilang bahagi ng “mga huling araw.”a
Gayunman, hindi layunin ng mga artikulong ito na kumbinsihin kang nabubuhay na tayo sa isang daigdig na punô ng problema dahil nakikita mo na rin ito mismo. Sa halip, ang mga artikulong ito ay dinisenyo upang bigyan ka ng pag-asa. Ipakikita nito na ang katuparan ng anim na hula ay nangangahulugang malapit nang magwakas ang “mga huling araw.” Isasaalang-alang din ng seryeng ito ang ilang karaniwang pagtutol sa mga ebidensiya at magbibigay ito ng matibay na dahilan para maniwala kang may magandang bukas na naghihintay sa atin.
[Talababa]
a Para malaman kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang masasamang pangyayaring ito, tingnan ang artikulong “Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Kasamaan at Pagdurusa?” sa pahina 16 at 17 ng isyung ito.
-
-
Hula 1. LindolAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Hula 1. Lindol
“Magkakaroon ng malalakas na lindol.”—LUCAS 21:11.
● Si Winnie, halos isa’t kalahating taóng gulang, ay nasagip mula sa isang kaguhuan sa Haiti. Isang TV reporter ang nakarinig sa kaniyang mahinang pag-iyak. Nakaligtas siya sa lindol, pero nasawi ang kaniyang mga magulang.
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Nang yanigin ng lindol na may lakas na 7.0 sa Richter scale ang Haiti noong Enero 2010, mahigit 300,000 katao ang namatay. Bukod dito, 1.3 milyon ang nawalan ng tahanan sa isang iglap. Ngunit ang lindol sa Haiti ay isa lang sa di-kukulangin sa 18 malalakas na lindol na yumanig sa buong daigdig sa pagitan ng Abril 2009 at Abril 2010.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Hindi naman dumami ang lindol. Mas napapansin lang natin ito ngayon dahil sa modernong teknolohiya.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Pansinin: Hindi ang dami ng lindol sa “mga huling araw” ang idiniriin ng Bibliya. Sa halip, sinasabi nito na ‘magkakaroon ng malalakas na lindol sa iba’t ibang dako,’ na isa sa mga kapansin-pansing kaganapan sa napakahalagang yugtong ito ng kasaysayan.—Marcos 13:8; Lucas 21:11.
ANO SA PALAGAY MO? Nakararanas nga ba tayo ng malalakas na lindol, gaya ng inihula sa Bibliya?
Isa lang ang lindol sa mga hulang natutupad na nagpapatunay na tayo’y nabubuhay na sa mga huling araw. Tingnan ang ikalawa.
[Blurb sa pahina 4]
“Para sa amin [mga geophysicist], ito ay malalakas na lindol. Ngunit para sa iba, ito ay nakapangingilabot.”—KEN HUDNUT, U.S. GEOLOGICAL SURVEY.
[Picture Credit Line sa pahina 4]
© William Daniels/Panos Pictures
-
-
Hula 2. TaggutomAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Hula 2. Taggutom
“Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain.”—MARCOS 13:8.
● Isang lalaki ang lumikas sa nayon ng Quaratadji, Niger. Ang kaniyang mga pinsan at nakababatang mga kapatid ay umalis din sa kani-kanilang lugar upang takasan ang gutom. Ang lalaking ito ay mag-isang nakahiga ngayon sa banig na nakalatag sa lupa. Bakit kaya? Dahil “wala siyang maipakain [sa kaniyang pamilya] at hindi niya maatim na makita silang nagugutom,” ang paliwanag ni Sidi, na pinuno ng nayon.
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Sa buong daigdig, halos 1 sa 7 katao ang walang sapat na pagkain sa araw-araw. Mas masahol pa ang kalagayan sa timugang bahagi ng Sahara, Aprika, kung saan 1 sa 3 katao ang sinasabing dumaranas ng matinding gutom. Upang maunawaan ito, isipin ang isang pamilya na binubuo ng isang ama, ina at isang anak. Kung para sa dalawa lang ang pagkain, sino ang hindi kakain? Ang ama? ang ina? o ang anak? Araw-araw, ganito ang problema ng gayong mga pamilya.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Sobra-sobrang pagkain para sa lahat ang nailalaan ng lupa. Kailangan lang na mapangasiwaan nang mas mabuti ang yaman nito.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Totoo, ang mga magsasaka ay umaani at nagsusuplay ng mas maraming pagkain ngayon. At dapat sana’y napangangasiwaang mabuti ng mga gobyerno ang suplay ng pagkain sa daigdig. Pero sa kabila ng kanilang pagsisikap sa loob ng maraming taon, bigo pa rin sila.
ANO SA PALAGAY MO? Natutupad ba ang Marcos 13:8? Sa kabila ng mga pagsulong sa teknolohiya, may kakapusan nga ba sa pagkain sa buong daigdig?
Kadalasan na, ang kasunod ng lindol at taggutom ay mga problemang dulot ng isa pang bahagi ng tanda ng mga huling araw.
[Blurb sa pahina 5]
“Buhay pa sana ngayon ang mahigit sangkatlo ng mga batang namatay sa pulmonya, diarrhea, at iba pang sakit kung nakakain lang sila nang sapat.”—ANN M. VENEMAN, DATING EXECUTIVE DIRECTOR NG UN CHILDREN’S FUND.
[Picture Credit Line sa pahina 5]
© Paul Lowe/Panos Pictures
-
-
Hula 3. SakitAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Hula 3. Sakit
“Ang mga tao ay . . . daranas ng nakapangingilabot na mga sakit.”—LUCAS 21:11, Contemporary English Version.
● Sa isang bansa sa Aprika na apektado ng gera sibil, sinikap ng public health officer na si Bonzali na gamutin ang mga minerong may sakit na Marburga sa kanilang lugar. Humingi siya ng tulong sa mga opisyal sa mas malaking lunsod pero walang tumugon. Pagkaraan ng apat na buwan, dumating din sa wakas ang tulong pero patay na si Bonzali. Nahawahan din siya ng Marburg.
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Ang mga impeksiyon sa palahingahan (gaya ng pulmonya), sakit na nauugnay sa diarrhea, HIV/AIDS, tuberkulosis, at malarya ay kabilang sa pinakanakamamatay na mga sakit na sumasalot sa mga tao. Noong 2004, tinatayang 10.7 milyon katao ang namatay dahil sa mga sakit na ito. Sa ibang salita, humigit-kumulang isang tao ang namamatay kada tatlong segundo.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Patuloy na lumolobo ang populasyon ng daigdig kaya talagang mas marami ang nagkakasakit at puwedeng mahawahan.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Napakabilis nga ng paglobo ng populasyon ng daigdig. Pero sumulong din ang kakayahan ng tao na suriin, kontrolin, at gamutin ang mga sakit. Kaya hindi ba dapat sana’y nababawasan ang mga ito? Pero baligtad ang nangyayari.
ANO SA PALAGAY MO? Dumaranas ba ng mga nakapangingilabot na sakit ang mga tao gaya ng inihula sa Bibliya?
Ang lindol, taggutom, at sakit ay nagdudulot ng napakalaking pinsala sa milyun-milyong tao. Pero milyun-milyon pa ang nagdurusa sa kamay naman ng kanilang kapuwa—marami ay biktima ng mga taong dapat sana’y nagsasanggalang sa kanila. Tingnan natin ang inihula ng Bibliya na mangyayari.
[Talababa]
a Ang Marburg Hemorrhagic Fever ay dulot ng isang virus na nahahawig sa Ebola.
[Blurb sa pahina 6]
“Nakapangingilabot makain nang buháy ng isang leon, pero nakapangingilabot ding makain nang buháy ng isang sakit at makitang nangyayari ito sa iba.”—MICHAEL OSTERHOLM, ISANG EPIDEMIOLOGIST.
[Picture Credit Line sa pahina 6]
© William Daniels/Panos Pictures
-
-
Hula 4. Walang Likas na PagmamahalAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Hula 4. Walang Likas na Pagmamahal
“Ang mga tao ay . . . mawawalan ng likas na pagmamahal sa kanilang pamilya.”—2 TIMOTEO 3:1-3, God’s Word
● Si Chris ay nagtatrabaho sa isang grupo na tumutulong sa mga biktima ng karahasan sa pamilya sa North Wales. “Naalala ko pa nang dumulog sa amin ang isang babae na dati ko nang nakita. Sa tindi ng pagkakabugbog sa kaniya, hindi ko siya halos nakilala,” ang sabi ni Chris. “Ang ibang babae naman ay dumanas ng matinding pinsala sa emosyon anupat lagi na lang nakatungo.”
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Sa isang bansa sa Aprika, halos 1 sa bawat 3 babae ang hinalay noong bata pa sila. Sa isang surbey na ginawa sa bansa ring iyon, natuklasan na mahigit sangkatlo ng mga lalaki ang nakadaramang okey lang na saktan nila ang kanilang asawa. Pero hindi lang mga kababaihan ang nagiging biktima ng karahasan sa pamilya. Halimbawa, sa Canada, halos 3 sa 10 lalaki ang binubugbog o inaabuso ng kanilang asawa o kinakasama.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Matagal nang may karahasan sa pamilya. Mas binibigyang-pansin lang ito ngayon.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Sa nakalipas na mga dekada, pinatindi ang kampanya tungkol sa karahasan sa pamilya. Pero nabawasan ba nito ang bilang ng mga insidente ng karahasan sa pamilya? Hindi. Mas laganap ngayon ang kawalan ng likas na pagmamahal.
ANO SA PALAGAY MO? Natutupad ba ang 2 Timoteo 3:1-3? Nawawalan na ba ng likas na pagmamahal ang maraming pamilya?
Sa ikalimang hula na nakikita mong natutupad, apektado ang ating tahanang Lupa. Isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya.
[Blurb sa pahina 7]
“Ang karahasan sa pamilya ay kinikilalang isa sa pinakamadalas na hindi inirereport na krimen sa lipunan. Karaniwan na, ang isang babae ay 35 beses munang daranas ng pananakit ng kaniyang asawa o kinakasama bago magsumbong sa pulis.”—ISANG TAGAPAGSALITA NG WALES DOMESTIC ABUSE HELPLINE.
-
-
Hula 5. Pagkasira ng LupaAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Hula 5. Pagkasira ng Lupa
‘Ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’—APOCALIPSIS 11:18.
● Si Mr. Pirri ay isang tagakolekta ng tubâ sa Kpor, Nigeria. Lubhang naapektuhan ng malawakang pagtagas ng langis sa Niger Delta ang kaniyang hanapbuhay. “Namatay ang mga isda, nasira ang aming balat, nadumhan ang aming mga ilog,” ang sabi niya. “Wala na akong mapagkakakitaan.”
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Sinasabi ng ilang eksperto na taun-taon, 6.5 milyong tonelada ng basura ang napupunta sa mga karagatan. Tinatayang 50 porsiyento ng mga basurang iyon ay plastik, na aabutin nang daan-daang taon bago matunaw. Bukod sa pinarurumi ng mga tao ang Lupa, mabilis din nilang inuubos ang likas na yaman nito. Ayon sa mga pag-aaral, isang taon at limang buwan ang kailangan para makabawi ang Lupa mula sa nakonsumo ng tao sa loob ng isang taon. “Kung magpapatuloy ang kasalukuyang bilis ng pagkonsumo at pagdami ng populasyon, kakailanganin natin ang katumbas ng dalawang planetang Lupa pagsapit ng 2035,” ang ulat ng pahayagan sa Australia na Sydney Morning Herald.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Mapamaraan naman ang mga tao. Kaya malulutas natin ang mga problemang ito at masasagip ang daigdig.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Marami nang indibiduwal at grupo ang naglunsad ng mga kampanya tungkol sa mga isyu sa kapaligiran. Pero patuloy pa ring lumalala ang polusyon sa Lupa.
ANO SA PALAGAY MO? Kailangan bang makialam ang Diyos para sagipin ang ating planeta—gaya ng ipinangako niya?
Bukod sa limang hulang natalakay na, humula rin ang Bibliya ng mga positibong mangyayari sa mga huling araw. Tingnan ang isang halimbawa sa ikaanim na hula.
[Blurb sa pahina 8]
“Pakiramdam ko, ang dating malaparaisong pag-aari ko ay naging isa nang tambakan ng nakalalasong basura.”—SINABI NI ERIN TAMBER, ISANG RESIDENTE SA GULF COAST, ESTADOS UNIDOS, TUNGKOL SA EPEKTO NG PAGTAGAS NG LANGIS SA GULPO NG MEXICO NOONG 2010.
[Kahon sa pahina 8]
Ang Diyos ba ang Dapat Sisihin?
Yamang inihula ng Bibliya ang masasamang kalagayan sa ngayon, ibig bang sabihin, ang Diyos ang dapat sisihin sa mga ito? Siya ba ang dahilan ng pagdurusa natin? Makikita mo ang kasiya-siyang sagot sa mga tanong na iyan sa kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Picture Credit Line sa pahina 8]
U.S. Coast Guard photo
-
-
Hula 6. Pangangaral sa Buong LupaAng Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
Hula 6. Pangangaral sa Buong Lupa
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”—MATEO 24:14.
● Nakatira si Vaiatea sa isang isla ng mga korales sa Tuamotu Archipelago, na nasa kalagitnaan ng Karagatang Pasipiko. Bagaman ang Tuamotu ay binubuo ng halos 80 isla na nakakalat sa lawak na mahigit 802,900 kilometro kuwadrado, mga 16,000 lang ang populasyon dito. Pero nakausap ng mga Saksi ni Jehova si Vaiatea at ang kaniyang mga kapitbahay. Bakit? Dahil gusto ng mga Saksi na ibahagi ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos sa lahat ng tao—saanman sila nakatira.
ANO ANG IPINAKIKITA NG MGA ULAT? Ang mensahe ng Kaharian ay nakararating sa lahat ng sulok ng daigdig. Noon lamang 2010, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mahigit 1.6 bilyong oras sa pangangaral ng mabuting balitang ito sa 236 na lupain. Ibig sabihin, ang bawat Saksi ay gumugugol ng kalahating oras araw-araw sa pangangaral. Noong nakalipas na dekada, nakapaglimbag din sila at nakapamahagi ng mahigit 20 bilyong kopya ng literatura tungkol sa Bibliya.
ANO ANG KARANIWANG PAGTUTOL? Libu-libong taon nang ipinangangaral ang mensahe ng Bibliya.
MAKATUWIRAN BA ANG PAGTUTOL NA IYAN? Totoo, marami na ang nangaral tungkol sa mensahe ng Bibliya. Pero sandali lang silang nangaral at sa iilang lugar lamang. Sa kabaligtaran, ang mga Saksi ni Jehova ay organisadong nangangaral sa buong daigdig, anupat nakikipag-usap sa daan-daang milyong tao. Patuloy na nangangaral ang mga Saksi sa kabila ng matinding pag-uusig ng ilan sa pinakamakapangyarihan at pinakamalupit na organisasyon sa kasaysayan.a (Marcos 13:13) Bukod diyan, walang suweldo ang mga Saksi ni Jehova. Inilalaan nila ang kanilang panahon at iniaalok ang kanilang literatura nang walang bayad. Ang kanilang gawain ay suportado ng mga boluntaryong kontribusyon.
ANO SA PALAGAY MO? Ipinangangaral ba sa buong daigdig ang ‘mabuting balita ng kaharian’? Ang katuparan ba ng hulang ito ay nangangahulugang may magandang mangyayari sa hinaharap?
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang tatlong dokumentaryong video, “Faithful Under Trials,” “Purple Triangles,” at “Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault,” na ipinamamahagi ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 9]
“Hangga’t ipinahihintulot ni Jehova, patuloy at buong-sigasig nating ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian, na ginagawa ang lahat ng paraan para makausap ang mga tao.”—2010 TAUNANG AKLAT NG MGA SAKSI NI JEHOVA.
-
-
May Magandang Bukas na Naghihintay sa Atin!Ang Bantayan—2011 | Mayo 1
-
-
May Magandang Bukas na Naghihintay sa Atin!
“Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—AWIT 37:10, 11.
GUSTO mo bang magkatotoo ang hulang nasa itaas? Siguradong oo ang sagot mo. At may matitibay namang dahilan para magtiwalang malapit na itong magkatotoo.
Tinalakay ng naunang mga artikulo ang ilan lamang sa mga hula sa Bibliya na maliwanag na nagpapakitang nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Ginabayan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya na ihula ang mga pangyayaring iyon para magkaroon tayo ng pag-asa. (Roma 15:4) Ang katuparan ng mga hulang iyon ay nangangahulugang malapit nang mawala ang mga problema natin.
Ano ang susunod sa mga huling araw? Mamamahala ang Kaharian ng Diyos sa buong sangkatauhan. (Mateo 6:9, 10) Tingnan ang paglalarawan ng Bibliya sa magiging kalagayan ng daigdig sa panahong iyon:
● Mawawala na ang taggutom. “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.”—Awit 72:16.
● Mawawala na ang sakit. “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
● Isasauli ang kagandahan ng lupa. “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”—Isaias 35:1.
Ilan lamang iyan sa nakapagpapasiglang hula sa Bibliya na malapit nang matupad. Hilingin sa mga Saksi ni Jehova na ipaliwanag sa iyo kung bakit talagang kumbinsido silang may magandang bukas na naghihintay sa atin.
-