ARALING ARTIKULO 46
Tinitiyak sa Atin ni Jehova na Gagawin Niyang Paraiso ang Lupa
“Ang sinumang humihiling ng pagpapala para sa kaniyang sarili sa lupa ay [pagpapalain] ng Diyos ng katotohanan.”—ISA. 65:16.
AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
NILALAMANa
1. Ano ang mensahe ni propeta Isaias sa mga kapuwa niya Israelita?
SINABI ni propeta Isaias na si Jehova ay “Diyos ng katotohanan.” Ang salitang isinaling “katotohanan” ay literal na nangangahulugang “amen.” (Isa. 65:16, tlb.) Ang ibig sabihin ng salitang “amen” ay “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Kapag ginamit sa Bibliya ang salitang “amen” may kaugnayan kay Jehova o kay Jesus, katibayan iyon na totoo ang sinasabi nila. Kaya ito ang mensahe ni Isaias sa mga kapuwa niya Israelita: Kapag may inihula si Jehova, laging matutupad iyon. Ang totoo, tinutupad ni Jehova ang lahat ng ipinapangako niya.
2. Bakit tayo makakapagtiwala na tutuparin ni Jehova ang mga pangako niya sa hinaharap, at anong mga tanong ang sasagutin natin?
2 Makakapagtiwala kaya tayo na tutuparin din ni Jehova ang mga pangako niya sa hinaharap? Halos 800 taon mula noong panahon ni Isaias, ipinaliwanag ni apostol Pablo kung bakit lagi tayong makakapagtiwala sa mga pangako ng Diyos. Sinabi ni Pablo: “Imposibleng magsinungaling ang Diyos.” (Heb. 6:18) Pag-isipan ito: Kung sariwang tubig ang inilalabas ng isang bukal, hindi ito maglalabas ng maalat na tubig. Parang ganiyan si Jehova. Siya ang Bukal ng katotohanan, kaya hindi siya magsisinungaling. Kaya makakapagtiwala tayo sa lahat ng sinasabi niya, kasama na ang mga pangako niya sa hinaharap. Sasagutin natin ngayon ang mga tanong na ito: Ano ang ipinangako sa atin ni Jehova na mangyayari sa hinaharap? At paano tiniyak sa atin ni Jehova na tutuparin niya iyon?
ANO ANG IPINANGAKO NI JEHOVA?
3. (a) Anong pangako ang gustong-gusto ng mga lingkod ng Diyos? (Apocalipsis 21:3, 4) (b) Ano ang reaksiyon ng ilan kapag sinasabi natin sa kanila ang pangakong ito?
3 Gustong-gusto ng lahat ng lingkod ng Diyos ang pangakong tatalakayin natin. (Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.) Nangangako si Jehova na darating ang panahon na “mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.” Ginagamit ng marami sa atin ang tekstong iyan kapag ipinapangaral natin sa mga tao ang tungkol sa magiging buhay sa Paraiso. Ano ang reaksiyon ng ilan? Baka sabihin nila, “Ang ganda niyan, pero parang malabong mangyari.”
4. (a) Ano ang alam ni Jehova na mangyayari sa panahon natin? (b) Nang mangako si Jehova, ano ang kasunod niyang ginawa?
4 Nang ipasulat ni Jehova kay apostol Juan ang pangako tungkol sa magiging buhay sa Paraiso, alam Niya na sasabihin natin ito sa iba kapag ipinapangaral natin ang mensahe ng Kaharian. Alam din ni Jehova na mahihirapang maniwala ang marami sa pangakong ito. (Isa. 42:9; 60:2; 2 Cor. 4:3, 4) Kaya paano natin makukumbinsi ang iba na matutupad ang mga pagpapala na nasa Apocalipsis 21:3, 4? At paano natin mapapatibay ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa pangako niya? Nagbigay si Jehova ng nakakakumbinsing mga dahilan kung bakit tayo makakapagtiwala na tutuparin niya ang pangakong ito. Ano-ano ang mga iyon?
TINITIYAK SA ATIN NI JEHOVA NA MATUTUPAD ANG PANGAKO NIYA
5. Anong teksto ang tutulong sa atin na magtiwala sa pangako ng Diyos, at ano ang sinasabi nito?
5 Makikita sa sumusunod na teksto kung bakit tayo makakapagtiwala sa pangako ni Jehova tungkol sa Paraiso. Mababasa natin: “Sinabi ng nakaupo sa trono: ‘Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Sinabi rin niya: ‘Isulat mo, dahil ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ At sinabi niya sa akin: ‘Naganap na ang mga iyon! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas.’”—Apoc. 21:5, 6a.
6. Bakit mapapatibay ng Apocalipsis 21:5, 6 ang pagtitiwala natin sa pangako ng Diyos?
6 Bakit mapapatibay ng mga salitang ito ang pagtitiwala natin sa pangako ng Diyos? Ganito ang sinabi ng aklat na Apocalipsis Kasukdulan Nito tungkol sa tekstong ito: “Para bang lumalagda si Jehova mismo sa isang garantiya, o titulo, sa mga pagpapalang ito para sa tapat na sangkatauhan sa hinaharap.”b Nasa Apocalipsis 21:3, 4 ang pangako ng Diyos. Pero sa talata 5 at 6, parang makikita natin ang lagda, o pirma, ni Jehova na tumitiyak sa atin na magkakatotoo ang pangako niya. Tingnan natin kung paano tiniyak ni Jehova na mapagkakatiwalaan natin siya.
7. Sino ang nagsasalita sa talata 5, at bakit espesyal ito?
7 Ganito ang mababasa sa simula ng talata 5: “Sinabi ng nakaupo sa trono.” (Apoc. 21:5a) Espesyal ang mga salitang ito kasi si Jehova mismo ang nangako nito—hindi isang makapangyarihang anghel at hindi rin ang binuhay-muling si Jesus. At sa aklat ng Apocalipsis, isa ito sa tatlong pagkakataon na nagsalita si Jehova sa pangitain. Dahil si Jehova mismo ang nagsalita, makakapagtiwala rin tayo sa susunod niyang sinabi. Bakit? Kasi “hindi makapagsisinungaling” si Jehova. (Tito 1:2) Kaya talagang makakapagtiwala tayo sa sinasabi ng Apocalipsis 21:5, 6.
“GINAGAWA KONG BAGO ANG LAHAT NG BAGAY”
8. Ano ang sinabi ni Jehova para idiin na matutupad ang pangako niya? (Isaias 46:10)
8 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Ang totoo, sa hinaharap pa ito gagawin ni Jehova. Pero dahil siguradong-sigurado siya na tutuparin niya ang pangako niya, para bang sinasabi niya na ginagawa na niya ito.—Basahin ang Isaias 46:10.
9. (a) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “ginagawa kong bago ang lahat ng bagay”? (b) Ano ang mangyayari sa kasalukuyang “langit” at “lupa”?
9 Talakayin natin ang sinabi ni Jehova sa Apocalipsis 21:5 na “Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sa kabanatang ito sa Bibliya, tumutukoy ang pananalitang iyan sa dalawang gagawin ni Jehova—pagpapalit at pagsasauli. Una, ano ang papalitan ni Jehova? Mababasa natin sa Apocalipsis 21:1: “Ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na.” Tumutukoy ang “dating langit” sa mga gobyerno na naimpluwensiyahan ni Satanas at ng mga demonyo. (Mat. 4:8, 9; 1 Juan 5:19) Sa Bibliya, puwedeng tumukoy ang “lupa” sa mga nakatira dito. (Gen. 11:1; Awit 96:1) Kaya tumutukoy ang “dating lupa” sa masasamang tao ngayon. Hindi lang basta aayusin ni Jehova ang kasalukuyang “langit” at “lupa”; papalitan niya ito. Ibig sabihin, magkakaroon ng isang bagong gobyerno na mamamahala sa matuwid na mga tao.
10. Ano ang gagawing bago ni Jehova?
10 Sa Apocalipsis 21:5, pansinin ang sinabi ni Jehova tungkol sa mga bagay na babaguhin niya. Hindi niya sinabi: “Gumagawa ako ng mga bagong bagay.” Ang sabi niya: “Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Paano gagawing bago ni Jehova ang lupa at ang mga tao? Gagawin niyang perpekto ang mga ito. Gaya ng inihula ni Isaias, magiging kasingganda ng hardin ng Eden ang buong lupa. Pati tayo gagawing bago—lubusan tayong pagagalingin ni Jehova. Pagagalingin niya ang mga pilay, bulag, at bingi. Bubuhayin ding muli ang mga namatay.—Isa. 25:8; 35:1-7.
“ANG MGA SALITANG ITO AY TAPAT AT TOTOO. . . . NAGANAP NA ANG MGA IYON!”
11. Ano ang iniutos ni Jehova kay Juan, at bakit?
11 Ano pa ang sinabi ni Jehova para magtiwala tayo sa kaniya? Sinabi niya kay Juan: “Isulat mo, dahil ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” (Apoc. 21:5) Hindi lang basta inutusan ni Jehova si Juan na ‘sumulat.’ Sinabi rin niya ang dahilan: “Dahil ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Ibig sabihin, tumpak at mapagkakatiwalaan ang mga sinabi ng Diyos. Nagpapasalamat tayo na sinunod ni Juan ang iniutos sa kaniya. Dahil diyan, nababasa natin ang pangako ng Diyos tungkol sa Paraiso at napag-iisipan nating mabuti ang mga pagpapala sa hinaharap.
12. Bakit sinabi ni Jehova: “Naganap na ang mga iyon!”
12 Ano ang sumunod na sinabi ng Diyos? “Naganap na ang mga iyon!” (Apoc. 21:6) Bakit sinabi ni Jehova na naganap na ang mga pangakong iyon? Kasi walang makakapigil sa kaniya sa pagtupad sa layunin niya. Pagkatapos, may sinabi pa si Jehova para tiyakin sa atin na magkakatotoo ang pangako niya. Ano iyon?
“AKO ANG ALPHA AT ANG OMEGA”
13. Bakit sinabi ni Jehova: “Ako ang Alpha at ang Omega”?
13 Gaya ng binanggit kanina, tatlong beses na si Jehova mismo ang nagsalita sa pangitain ni Juan. (Apoc. 1:8; 21:5, 6; 22:13) Sa bawat pagkakataong iyon, sinabi ni Jehova: “Ako ang Alpha at ang Omega.” Sa alpabetong Griego, ang alpha ang unang letra at omega naman ang huli. Kaya nang sabihin ni Jehova na siya “ang Alpha at ang Omega,” tinutulungan niya tayong maintindihan na kapag may sinimulan siya, tatapusin niya iyon.
Kapag may sinimulan si Jehova, tatapusin niya iyon (Tingnan ang parapo 14, 17)
14. (a) Magbigay ng halimbawa kung kailan para bang sinasabi ni Jehova, “Alpha” at “Omega.” (b) Ano ang tinitiyak sa atin ng Genesis 2:1-3?
14 Nang lalangin ni Jehova sina Adan at Eva, sinabi niya sa kanila ang layunin niya para sa mga tao at sa lupa. Mababasa sa Bibliya: “Pinagpala sila ng Diyos at sinabi: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at pangasiwaan iyon.’” (Gen. 1:28) Nang pagkakataong iyon na sabihin ni Jehova ang layunin niya, para bang sinasabi niya, “Alpha.” Darating ang panahon na mapupuno ang lupa ng perpekto at masunuring mga inapo nina Adan at Eva at gagawin nilang paraiso ang lupa. Sa pagkakataong iyon, kapag natupad na ang layunin ni Jehova, para bang sinasabi niya, “Omega.” Nang matapos lalangin ni Jehova “ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroon,” may ginawa siya para ipakita na talagang matutupad ang layunin niya. Makikita iyon sa Genesis 2:1-3. (Basahin.) Pinabanal ni Jehova ang ikapitong araw. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin, inilaan niya ang ikapitong araw sa pagsasagawa ng layunin niya para sa mga tao at sa lupa. Kaya nang gawing banal ni Jehova ang ikapitong araw, para bang sinasabi niya na lubusang matutupad ang layunin niya sa pagtatapos ng araw na iyon.
15. Bakit posibleng naisip ni Satanas na mapipigilan niya ang Diyos sa pagtupad sa layunin Niya para sa mga tao?
15 Nang magrebelde sina Adan at Eva, naging makasalanan sila at naipasa nila ang kasalanan at kamatayan sa mga inapo nila. (Roma 5:12) Dahil diyan, parang imposible nang mapuno ang lupa ng perpekto at masunuring mga tao. Mapipigilan kaya ni Satanas si Jehova na tuparin ang layunin Niya? Posibleng naisip ni Satanas na hindi na iyon matutupad ni Jehova. Baka naisip niya na papatayin ng Diyos sina Adan at Eva at gagawa Siya ng panibagong perpektong mag-asawa para matupad ang layunin Niya para sa mga tao. Pero kapag ginawa iyon ng Diyos, sasabihin ng Diyablo na sinungaling Siya. Bakit? Kasi sa Genesis 1:28, sinabi ni Jehova kina Adan at Eva na pupunuin ng mga inapo nila ang lupa.
16. Bakit posibleng inisip ni Satanas na bigo si Jehova na tuparin ang layunin Niya?
16 Ano pa ang posibleng naisip ni Satanas na gagawin ng Diyos? Baka naisip niya na papayagan ni Jehova na magkaroon ng mga inapo sina Adan at Eva, pero kahit kailan, hindi magiging perpekto ang mga ito. (Ecles. 7:20; Roma 3:23) Kung mangyayari iyan, siguradong sasabihin ni Satanas na bigo si Jehova na tuparin ang layunin Niya, kasi hindi mapupuno ang lupa ng perpektong mga tao. Siguradong hindi naisip ni Satanas ang gagawin ni Jehova.
17. Ano ang solusyon ni Jehova sa rebelyon ni Satanas at ng unang mga tao, at ano ang magiging resulta nito? (Tingnan din ang larawan.)
17 Alam ni Jehova ang pinakamagandang solusyon para matupad ang layunin niya kahit nagrebelde sa kaniya si Satanas at ang unang mga tao. (Awit 92:5) Pinahintulutan ni Jehova na magkaroon ng mga anak sina Adan at Eva, kaya hindi siya sinungaling. At ipinakita ni Jehova na kapag may sinabi siyang gagawin niya, walang makakapigil sa kaniya. Tiniyak niya na matutupad ang layunin niya. Naglaan siya ng “supling” na magliligtas sa masunuring mga inapo nina Adan at Eva. (Gen. 3:15; 22:18) Siguradong hindi inasahan ni Satanas ang kaayusan ng pantubos! Bakit? Kasi ang pantubos ay nakabase sa di-makasariling pag-ibig. (Mat. 20:28; Juan 3:16) Wala si Satanas ng ganiyang katangian kasi makasarili siya. Kaya ano ang mangyayari dahil sa kaayusan ng pantubos? Pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Pamamahala ni Kristo, titira sa Paraisong lupa ang perpekto at masunuring mga inapo nina Adan at Eva—gaya ng orihinal na layunin ni Jehova. Sa panahong iyon, para bang sasabihin ni Jehova, “Omega.”
KUNG PAANO NATIN PAPATIBAYIN ANG PAGTITIWALA NATIN SA PARAISONG IPINANGAKO NI JEHOVA
18. Ano ang tatlong dahilan kung bakit talagang makakapagtiwala tayo na tutuparin ni Jehova ang pangako niya? (Tingnan din ang kahong “Tatlong Dahilan Para Magtiwala sa Pangako ni Jehova.”)
18 Sa artikulong ito, natalakay natin ang mga dahilan kung bakit makakasigurado tayo na magiging paraiso ang lupa. Ano ang puwede nating sabihin sa iba para makumbinsi sila na talagang mangyayari ito? Una, si Jehova mismo ang nangako nito. Sinasabi sa aklat ng Apocalipsis: “Sinabi ng nakaupo sa trono: ‘Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’” Mayroon siyang karunungan at kapangyarihan, at gustong-gusto niyang mangyari ang ipinangako niya. Ikalawa, alam ni Jehova na kapag may sinabi siya, talagang mangyayari iyon. Sinabi niya: “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. . . . Naganap na ang mga iyon!” Ikatlo, walang makakapigil kay Jehova na tapusin ang sinimulan niya. Kaya sinabi niya: “Ako ang Alpha at ang Omega.” Papatunayan ni Jehova na sinungaling si Satanas at na hindi siya kayang pigilan nito sa pagtupad sa layunin niya.
19. Kapag nahihirapang maniwala ang iba sa ipinangako ng Diyos na Paraiso, ano ang puwede mong gawin?
19 Tandaan, kapag sinasabi mo sa iba kung paano tiniyak ni Jehova na magkakatotoo ang mga pangako niya, napapatibay mo ang tiwala mo sa kaniya. Kaya kapag binasa mo ulit sa iba ang tungkol sa Paraiso na nasa Apocalipsis 21:4 at sabihin nilang “Ang ganda niyan, pero parang malabong mangyari,” ano ang gagawin mo? Puwede mong basahin at ipaliwanag ang talata 5 at 6. Ipakita mo sa kanila kung paano tiniyak ni Jehova na matutupad ang pangako niya, na para bang pinirmahan niya iyon.—Isa. 65:16.
AWIT BLG. 145 Ang Paraisong Pangako ng Diyos
a Tatalakayin sa artikulong ito kung paano tinitiyak sa atin ni Jehova na matutupad ang ipinangako niyang Paraiso. Sa tuwing sinasabi natin ito sa iba, lalong tumitibay ang pagtitiwala natin sa mga pangako ni Jehova.