PAGTAMBANG
Pag-aabang sa isang kubling dako upang sumalakay nang biglaan. Tatlong salitang Hebreo para sa “pagtambang” (ʼeʹrev, ʼoʹrev, at ma·ʼaravʹ) ang nagmula sa salitang-ugat na ʼa·ravʹ, na nangangahulugang “mag-abang.” (Job 37:8; Jer 9:8; Aw 10:8; Huk 9:32) Sa katulad na paraan, ang salitang Griego para sa “pagtambang” (e·neʹdra) ay nauugnay sa pandiwang e·ne·dreuʹo, na nangangahulugan ding “mag-abang.”—Gaw 25:3; 23:21.
Napakahusay ng pagtambang na isinagawa ni Josue laban sa Ai. Isang gabi, 5,000 lalaki ang inilagay niya sa dakong K ng lunsod samantalang ang kalakhang bahagi ng kaniyang hukbo ay ikinalat naman niya sa dakong H. Kinaumagahan, inilayo niya sa lunsod ang mga tagapagtanggol nito sa pamamagitan ng pagkukunwaring natatalo sila, sa gayon ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga mananambang upang tumindig at kunin ang lunsod. (Jos 8:2-21) May isinagawang mga pagtambang noong mag-away ang mga may-ari ng lupain sa Sikem at ang anak ni Gideon na si Abimelec. (Huk 9:25, 31-45) Ilang beses na tinambangan ng mga Filisteo si Samson. (Huk 16:1-12) Tinambangan ni Saul ang Amalek at nang maglaon ay inakusahan niya si David ng pananambang laban sa kaniya. (1Sa 15:5; 22:8) Ang iba pang iniulat na mga pagtambang ay yaong mga isinagawa noong makipaglaban ang Israel sa tribo ni Benjamin (Huk 20:29-44), ang di-matagumpay na pagtambang ni Jeroboam laban sa Juda (2Cr 13:13-19), ang pagtambang na naging dahilan ng kalituhan ng mga sumasalakay sa Juda noong mga araw ni Jehosapat (2Cr 20:22, 23), ang mga pagtambang na binanggit nang ilarawan ang pagbagsak ng Jerusalem (Pan 4:19), at ang pagtambang na itinalaga ni Jehova laban sa Babilonya (Jer 51:12). Iningatan ni Jehova ang bumalik na mga Judiong tapon laban sa pagtambang.—Ezr 8:31; tingnan ang DIGMAAN.
Ang pangngalang Hebreo na ʼeʹrev, na nangangahulugang “pagtambang,” ay ginagamit upang ilarawan ang mga pamamaraan ng mga mangangaso. (Job 37:8; 38:40) Ang pandiwang Hebreo na ʼa·ravʹ ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang ilarawan ang pag-aabang ng patutot sa mga lalaki (Kaw 7:12; 23:28) at ang mga pamamaraan ng mga balakyot laban sa walang-sala at sa matuwid. (Aw 10:9; Kaw 1:11, 18; 12:6; 24:15; Mik 7:2; ihambing ang Job 31:9.) Sa Israel, parusang kamatayan ang itinakda para sa tao na natuklasang nagkasala ng pagpatay sa kaniyang kapuwa matapos niya itong abangan upang maisagawa iyon.—Deu 19:11, 12.
Ang mahigit sa 40 Judio na “nagpasiyang sumailalim ng isang sumpa” ay nagpakana ng isang pagtambang laban sa apostol na si Pablo ngunit nahadlangan ng pamangkin ni Pablo ang kanilang balak gawin.—Gaw 23:12-35.