FEATURE
Ang mga Diyos ng mga Bansa
IPINAGBAWAL ng kautusang ibinigay ni Jehova sa Israel ang paggawa ng mga imahen para sa pagsamba. Ang tunay na Diyos ay Espiritu, at maling-mali na igawa siya ng anumang imahen na kakatawan sa kaniya. Sa kabaligtaran, maraming nahukay na imahen ng mga diyos ng sinaunang mga bansa. Ang mga ito ay “gawa [lamang] ng mga kamay ng tao, kahoy at bato.” (Deu 4:28) Gaya ng sinasabi ng Bibliya, ang mga ito ay “walang-silbing mga diyos,” anupat walang mga mata upang makita yaong mga sumasamba sa kanila ni may mga tainga man upang marinig sila. (1Cr 16:26; Aw 115:4-8) Sa ngayon ang mga ito ay mga relikya na lamang sa museo. Gayunpaman, maraming isinisiwalat ang mga ito tungkol sa pinagmulan ng mga relihiyosong paniniwalang laganap sa ngayon.
Ang tatluhang mga diyos ay nagsimula sa Babilonya. Makikita sa tapyas na batong ito ang isang dambana ng diyos-araw ng Babilonya na si Shamash, at ang mga sagisag ng isa sa tatluhang mga diyos: ang buwan (para sa diyos na si Sin), ang araw (para kay Shamash), at isang bituin (para kay Ishtar)
Sa sinaunang pantatak na ito, si Asur, ang pangunahing diyos ng mga Asiryano, ay ipinakikitang may tatlong ulo (sa itaas ng mga pakpak)
Sinamba ng mga Ehipsiyo ang tatluhang mga diyos na gaya ng mga ito. Sa itaas: Horus, Osiris, at Isis. Sa kanan: Isis, Horus, Nephthys
Katulad ng “Madonna and child” ng Sangkakristiyanuhan, sinamba rin noon ang imahen ng Ehipsiyong mag-ina (si Isis at ang sanggol na si Horus)
Bago pa man ang Kristiyanismo, itinuring nang sagrado ang crux ansata, na krus ng mga Ehipsiyo
Ang mga serpiyente ay sinasamba noon. Makikita sa isang Ehipsiyong gawang-sining (sa dulong kaliwa) ang dalawang ahas na magkaekis at hawak ng diyos na nasa kaliwa, ang isang malaking ahas sa gitna ng larawan, at sa gawing kanan, ang isang diyosang may ulo ng ahas
May serpiyente rin ang estatuwa ng Griegong si Asclepius. Kapansin-pansin na sa Bibliya, isang serpiyente ang ginamit ni Satanas bilang tagapagsalita niya (Gen 3:1-15; Apo 12:9)
Inilantad ng sampung salot sa Ehipto na inutil ang mga idolong diyos nito. Ang unang salot—nang gawing dugo ang Nilo—ay naging kadustaan kay Hapi (kaliwa, ang diyos ng Nilo). Sagrado ang palaka para sa diyosang si Heqt, ngunit wala siyang naitulong sa mga Ehipsiyo nang mapuno ng mga palaka ang lupain dahil sa ikalawang salot. Pinakamatinding dagok ang pagkamatay ng mga panganay noong ikasampung salot, yamang ang anak ni Paraon ay itinuturing na anak ni Amon-Ra, na kinakatawanan ng isang barakong tupa