-
PakikipagkasundoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ipinakikita rin ng Diyos ang kaniyang awa at pag-ibig sa pamamagitan ng pagsusugo ng mga embahador sa makasalanang sangkatauhan. Noong sinaunang panahon, ang mga embahador ay pangunahin nang isinusugo sa panahon ng alitan (ihambing ang Luc 19:14), hindi sa panahon ng kapayapaan, anupat kalimitan, ang kanilang misyon ay tingnan kung maiiwasan ang isang digmaan o magsaayos ng mga kundisyon ng kapayapaan kung mayroon nang digmaan. (Isa 33:7; Luc 14:31, 32; tingnan ang EMBAHADOR.) Isinusugo ng Diyos sa mga tao ang kaniyang mga Kristiyanong embahador upang maipabatid sa kanila ang kaniyang mga kundisyon para sa pakikipagkasundo at upang makinabang sila sa mga iyon. Gaya ng isinulat ng apostol: “Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo, na para bang ang Diyos ay namamanhik sa pamamagitan namin. Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’” (2Co 5:20) Ang gayong pamamanhik ay hindi nangangahulugan na humina ang posisyon ng Diyos o ang pagtutol niya sa paggawa ng masama. Sa halip, isa itong maawaing paghimok sa mga manlalabag upang hanapin nila ang kapayapaan at sa gayo’y makatakas sa di-maiiwasang resulta ng matuwid na galit ng Diyos, ang pagkapuksa na sasapit sa lahat ng patuloy na sumasalansang sa kaniyang banal na kalooban. (Ihambing ang Eze 33:11.)
-
-
PakikipagkasundoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa anong diwa ‘ipinakipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili’?
Sinabi ng apostol na si Pablo na ‘sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagkakamali.’ (2Co 5:19) Hindi ito dapat unawain na awtomatiko nang naipagkasundo sa Diyos ang lahat ng tao sa pamamagitan ng hain ni Jesus, yamang karaka-rakang binanggit ng apostol ang gawain ng mga embahador na namamanhik sa mga tao na sila’y ‘makipagkasundo sa Diyos.’ (2Co 5:20) Ang totoo, inilaan ang paraan na sa pamamagitan niyaon ay maaaring magtamo ng pakikipagkasundo ang lahat ng nasa sanlibutan na handang tumugon.
-