Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Buhay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang puwersa ng buhay at ang hininga. Nasa mga makalupang nilalang, o “mga kaluluwa,” kapuwa ang aktibong puwersa ng buhay, o “espiritu” na nagbibigay-buhay sa kanila, at ang hininga na nagpapanatili sa puwersang iyon ng buhay. Kapuwa ang espiritu (puwersa ng buhay) at hininga ay mga paglalaan mula sa Diyos, at maaari niyang puksain ang buhay sa pamamagitan ng pag-aalis ng alinman sa dalawang ito. (Aw 104:29; Isa 42:5) Noong panahon ng Baha, ang mga hayop at mga tao ay nilunod; ang kanilang hininga ay pinutol at ang puwersa ng buhay ay pinawi. Naglaho iyon. “Ang lahat ng may hininga ng puwersa ng buhay [sa literal, “may hininga ng aktibong puwersa (espiritu) ng buhay”] sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.”​—Gen 7:22; ihambing ang salin ni Robert Young; tingnan ang ESPIRITU.

  • Buhay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Pagsasalin ng Puwersa ng Buhay. Ang puwersa ng buhay na nasa mga nilalang, na pinasimulang pakilusin ni Jehova sa unang nilalang mula sa bawat uri (halimbawa, sa unang mag-asawang tao), ay maipapasa naman sa magiging supling sa pamamagitan ng proseso ng pagpaparami. Sa mga mamalya, kasunod ng paglilihi, tinutustusan ng ina ang sanggol ng oksiheno at ng iba pang pagkain hanggang sa maisilang ito, kung kailan nagsisimula naman itong huminga sa pamamagitan ng mga butas ng ilong nito, sumuso, at sa kalaunan ay kumain.

      Nang lalangin si Adan, inanyuan ng Diyos ang katawan ng tao. Upang mabuhay at manatiling buháy ang bagong-lalang na katawang iyon, kinailangan kapuwa ang espiritu (puwersa ng buhay) at ang paghinga. Sinasabi ng Genesis 2:7 na pinasimulang ‘ihihip ng Diyos sa mga butas ng ilong nito ang hininga [anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.’ Tiyak na higit pa sa hininga o hangin na pumapasok sa mga baga ang tinutukoy ng “hininga ng buhay.” Maliwanag na binigyan ng Diyos si Adan kapuwa ng espiritu o ningas ng buhay at ng hininga na kailangan upang mapanatili siyang buháy. Mula noon, si Adan ay nagsimulang magkaroon ng buhay bilang isang persona, magpakita ng mga katangian ng kaniyang personalidad, at sa pamamagitan ng kaniyang pananalita at mga pagkilos ay maipamamalas niya na nakatataas siya sa mga hayop, na siya ay isang “anak ng Diyos,” ginawa ayon sa Kaniyang wangis at larawan.​—Gen 1:27; Luc 3:38.

      Ang buhay ng tao at mga hayop ay dumedepende kapuwa sa puwersa ng buhay na pinasimulan sa unang nilalang mula sa bawat uri at sa hininga upang matustusan ang puwersa ng buhay na iyon. Ang katotohanang ito ay pinatutunayan ng siyensiya ng biyolohiya. Makikita ito sa paraan kung paano sinisikap uriin ng ilang awtoridad ang iba’t ibang aspekto sa proseso ng kamatayan: Clinical death, ang pagtigil ng mga sangkap ng palahingahan at ng sirkulasyon ng dugo; brain death, ganap at di-na-mapanunumbalik na paghinto ng paggana ng utak; somatic death, ang unti-unti at sa kalaunan ay lubusang pagtigil ng mahahalagang gawain ng lahat ng sangkap at himaymay ng katawan. Kaya naman kahit tumigil na ang paghinga, pagtibok ng puso, at paggana ng utak, ang puwersa ng buhay ay nananatili pa nang ilang sandali sa mga himaymay ng katawan.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share