ETIOPIA
[sa Gr., Ai·thi·o·piʹa, “Rehiyon ng mga Sunóg na Mukha”], Etiope.
Etiopia ang pangalang ikinapit ng sinaunang mga Griego sa rehiyon ng Aprika sa T ng Ehipto. Kaya sa pangkalahatan ay katumbas ito ng Hebreong “Cus,” na pangunahin nang sumasaklaw sa kasalukuyang Sudan at sa pinakatimugang bahagi ng makabagong Ehipto. Sa mga tekstong Ehipsiyo ang rehiyong ito ay kilalá rin sa pangalang Keesh. Nang gawin ang saling Septuagint, ginamit ng mga tagapagsalin ang Griegong “Etiopia” upang isalin ang Hebreong “Cus” sa lahat ng teksto maliban sa dalawa. (Gen 10:6-8; 1Cr 1:8-10) Sinunod ng King James Version ang saling ito sa lahat ng paglitaw maliban sa Isaias 11:11, kung saan ginamit nito ang “Cus” sa halip na “Etiopia”; sinunod din ng Revised Standard Version ang Septuagint maliban sa Genesis 2:13 at Ezekiel 38:5. Mas pinapaboran ng ilang salin (NW, JB) ang Cus sa iba pang mga teksto kung saan hindi tiniyak sa konteksto ang pag-uugnay sa sinaunang Etiopia. Ang pangalang Cus ay maaari ring kumapit sa mga tao ng Arabia.—Tingnan ang CUS Blg. 2; CUSITA.
Ang lugar na unang tinukoy sa pangalang Etiopia ay binubuo ngayon ng medyo tigang na mga kapatagan sa H, mga sabana at matalampas na lupain sa gitnang rehiyon, at tropikal na maulang kagubatan sa dakong T. Ang dating mga kabisera ng sinaunang Etiopia ay ang Napata at Meroë. Ang Meroë ang sentro noon ng isang kaharian kung saan ang karapatan sa pagkahari ay nasa linya ng babae sa halip na sa lalaki. Sa gayon, ang inang reyna ang pinanggagalingan ng karapatan sa trono ng kaniyang makaharing anak na lalaki, at kung minsan ay maaaring halos siya na rin ang tagapamahala sa lupain. Ang pangalang Candace ay binabanggit ng mga manunulat na Griego at Latin bilang isang titulo na ginamit ng ilang reynang Etiope, maliwanag na kabilang na ang isa na tinukoy sa Gawa 8:27.
Sa anong diwa isang bating ang Etiope na pinangaralan ni Felipe?
Ang bating na Etiope na ‘namamahala sa mga kayamanan’ ni Reyna Candace, at pinangaralan ni Felipe, ay maliwanag na isang tuling proselitang Judio. (Gaw 8:27-39) Kaya hindi siya minalas bilang isang Gentil at sa gayon ay hindi siya nauna kay Cornelio bilang ang unang di-tuling Gentil na nakumberte sa Kristiyanismo. (Gaw 10) Para makasamba ang Etiope sa templo sa Jerusalem, tiyak na nakumberte siya sa relihiyong Judio at tinuli. (Exo 12:48, 49; Lev 24:22) Dahil sa Kautusang Mosaiko, na nagbabawal sa pagpasok ng mga taong kinapon sa loob ng kongregasyon ng Israel (Deu 23:1), maliwanag na ang Etiope ay hindi isang bating ayon sa laman. Ang salitang Hebreo para sa “bating” (sa·risʹ) sa malawak o pantanging diwa ay nangangahulugan ding isang opisyal, gaya ng sa Genesis 39:1, kung saan ang isang opisyal ni Paraon, si Potipar, isang taong may-asawa, ay tinatawag na sa·risʹ. Kung ang Etiopeng opisyal ay aktuwal na isang bating, hindi sana siya naging isang proselita, at kung hindi siya isang proselita, hindi sana siya binautismuhan ni Felipe, yamang ang mabuting balita ay hindi pa pinasisimulang ipaabot sa di-tuling mga Gentil.
Ang Etiopia (Cus) ay isa sa mga lupain kung saan nangalat ang mga Judiong tapon pagkatapos na malupig ng Babilonya ang Juda. (Isa 11:11) Kaya, ang Etiopeng opisyal na ito ay maaaring nagkaroon na ng pakikipagsamahan sa mga Judio sa kaniyang lugar o marahil sa Ehipto, kung saan nakatira ang maraming Judio. Ang kaniyang kopya ng balumbon ng Isaias ay malamang na isang kopya ng Griegong Septuagint, na unang ginawa sa Alejandria, Ehipto. Yamang ang kahariang Etiope ay bahagyang naging Helenisado mula noong panahon ni Ptolemy II (308-246 B.C.E.), hindi magiging kataka-taka na ang opisyal na ito ay nakababasa ng wikang Griego. Ang kaniyang pagiging isang proselitang Judio at ang sumunod na pagkakumberte niya sa Kristiyanismo ay katuparan ng Awit 68:31.
Wikang Etiope. Hindi matiyak kung ano ang orihinal na wika ng Etiopia; sa pagtatapos ng ikawalong siglo B.C.E. ang Ehipsiyong sulat na hieroglyphic ay ginagamit na para sa opisyal na mga inskripsiyong Etiope. Isang katutubong wika at sulat na tinatawag na Meroitic ang kilalá na mula noong siglo bago magsimula ang Karaniwang Panahon at sa loob ng ilang siglo pagkatapos nito. Pagsapit ng Karaniwang Panahon at hanggang noong ika-14 na siglo, ang wikang tinatawag na Ethiopic ang wikang ginamit ng taong-bayan. Ito ay may Semitikong pinanggalingan gaya ng kasalukuyang wika ng makabagong Etiopia na tinatawag na Amharic.