Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Macedonia, Taga-Macedonia”
  • Macedonia, Taga-Macedonia

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Macedonia, Taga-Macedonia
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Macedonia
    Glosari
  • Tesalonica
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Tesalonica
    Glosari
  • “Ako ay Malinis sa Dugo ng Lahat ng Tao”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Macedonia, Taga-Macedonia”

MACEDONIA, TAGA-MACEDONIA

Isang rehiyon sa TS Europa na nasa gitnang bahagi niyaong tinatawag ngayon na Balkan Peninsula. Ito ay sumasaklaw mula sa Dagat Adriatico sa K hanggang sa Dagat Aegeano sa S, at nasa H ng Acaya. Bagaman marami itong matatabang kapatagan, ito ay pangunahin nang isang bulubunduking lugar. Noong sinaunang panahon, ang Macedonia ay nagsilbing isang mahalagang kawing sa pagitan ng silangan at kanluran. Ang Via Egnatia na itinayo ng mga Romano ay bumabagtas mula sa Dyrrachium at Apolonia sa K baybayin ng peninsula hanggang sa Neapolis sa S baybayin, at sa ibayo pa nito.

Ang mga taga-Macedonia ay mga inapo ni Japet, marahil ay sa pamamagitan ni Kitim na anak ni Javan. (Gen 10:2, 4, 5) Bagaman pangunahin itong iniuugnay sa pulo ng Ciprus, ang pangalang Kitim ay ginamit din noong sinaunang panahon upang tumukoy sa iba pang mga lugar. Isinulat ng istoryador na si Josephus na ang mga pulo at ang karamihan sa mga baybaying dagat (lumilitaw na yaong mga nasa lugar ng Mediteraneo) ay tinawag ng mga Hebreo na “Chethim.” (Jewish Antiquities, I, 128 [vi, 1]) Maaaring ito ang dahilan kung bakit ang Macedonia ay tinawag na “Cethim” sa Apokripal na aklat ng Unang Macabeo (1:1 Dy; Kx) at naglalaan ito ng posibleng saligan upang ipalagay na ang mga taga-Macedonia ay mga inapo ni Kitim.

Kasaysayan. Ang Macedonia ay naging prominente sa ilalim ng pamamahala ni Felipe II. Napagkaisa niya ang Macedonia at ang mga karatig na rehiyon, at bilang resulta ng kaniyang tagumpay sa Pagbabaka sa Chaeronea (338 B.C.E.), nangibabaw ang Macedonia sa karamihan sa mga estado ng Gresya. Pagkatapos ng pagpaslang kay Felipe, lumuklok sa trono ang kaniyang anak na si Alejandro (na Dakila). Pagkaraan ng dalawang taon, sinimulan ni Alejandro ang kaniyang malawakang kampanya ng pananakop. Noong panahong mamatay si Alejandro sa Babilonya (323 B.C.E.), naitayo niya sa pamamagitan ng kaniyang mga tagumpay sa digmaan ang isang imperyo na umabot sa India sa malayong S at nakasasakop sa Mesopotamia, Sirya, Palestina, Ehipto, Asia Minor, Tracia, Macedonia, at Gresya.​—Tingnan ang Dan 2:31-33, 39; 7:6; 8:1-7, 20, 21; ALEJANDRO Blg. 1; HAYOP, MAKASAGISAG NA MGA; IMAHEN.

Nang mahati ang imperyo pagkamatay ni Alejandro, si Antipater, na naging tagapamahala ng Macedonia samantalang nakikipagdigma si Alejandro sa silangan, ay nanatili sa kaniyang posisyon. Bago siya mamatay, ipinagkatiwala ni Antipater kay Polyperchon ang pamamahala sa halip na sa sarili niyang anak na si Cassander. Sinundan ito ng mga tunggalian sa pulitika na sa wakas ay humantong sa pagkilala kay Cassander bilang hari ng Macedonia. Hinalinhan siya ng kaniyang anak na si Alejandro ngunit di-nagtagal ay pinatay ito ni Demetrius Poliorcetes (anak ni Antigonus Cyclops, isa sa mga heneral ni Alejandrong Dakila). Muling bumangon ang kalituhan. Sa wakas, ang trono ay nakuha ni Antigonus Gonatas, anak ni Demetrius Poliorcetes. Bagaman makalawang ulit siyang itinaboy mula sa kaniyang kaharian, dalawang ulit din itong nabawi ni Antigonus, at ang Macedonia ay patuloy na pinamahalaan ng mga Antigonid hanggang sa mapasailalim ito ng administrasyong Romano. Noong kalagitnaan ng ikalawang siglo B.C.E., ang Macedonia ay naging isang probinsiya ng Roma. Sa loob ng ilang panahon noong unang siglo C.E., ito ay isinanib sa Acaya, sa dakong T, at Moesia, sa dakong H, upang bumuo ng isang probinsiya ng imperyo sa ilalim ng emisaryo ng Moesia. Ngunit noong 44 C.E., ang Macedonia ay muling naging isang probinsiya na nasa ilalim ng kontrol ng senado at ng kapamahalaan ng isang Romanong gobernador.​—Tingnan ang GRESYA, MGA GRIEGO.

Ang Ministeryo ni Pablo. Ang Macedonia ang unang lugar sa Europa na dinalaw ng apostol na si Pablo noong kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Samantalang nasa Troas sa HK Asia Minor, si Pablo ay nagkaroon ng isang pangitain. “Isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at namamanhik sa kaniya at nagsasabi: ‘Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.’⁠” (Gaw 16:8, 9) Tumugon si Pablo sa pangitaing iyon at, kasama sina Lucas, Timoteo, at Silas (kung hindi man kasama ang iba pa), lumisan siya patungong Macedonia. Pagdating sa Neapolis (ang daungan ng Filipos sa HS Macedonia), pumaroon si Pablo sa Filipos at doon ay ipinahayag niya ang mabuting balita. (Gaw 16:11-40) Waring naiwan si Lucas sa Filipos nang maglakbay sina Pablo, Silas, at Timoteo sa Macedoniong mga lunsod ng Amfipolis (mga 50 km [30 mi] sa KTK ng Filipos) at Apolonia (mga 35 km [22 mi] sa TK ng Amfipolis). Pagkatapos ay nagpatotoo si Pablo sa Macedoniong mga lunsod ng Tesalonica (mga 45 km [28 mi] sa KHK ng Apolonia) at Berea (mga 65 km [40 mi] sa KTK ng Tesalonica). (Gaw 17:1-12) Dahil sa banta ng marahas na pang-uumog sa Berea, napilitan si Pablo na lisanin ang Macedonia. Ngunit iniwan niya sina Silas at Timoteo sa Berea upang mapangalagaan ng mga ito ang bagong grupo ng mga mananampalataya roon. Susunod na lamang sa kaniya sina Silas at Timoteo sa bandang huli. (Gaw 17:13-15) Palibhasa’y ikinababahala ni Pablo ang kapakanan ng bagong-tatag na kongregasyon sa Tesalonica, isinugo niya si Timoteo upang patibaying-loob ang mga kapatid doon. (1Te 3:1, 2) Marahil ay sinundan ni Timoteo si Pablo sa Atenas, sa Acaya, at pagkatapos ay pinabalik ito sa Tesalonica. Ngunit mas malamang na pinasabihan siya ni Pablo sa Berea na magtungo sa Tesalonica. Nang bumalik si Timoteo, ang mabuting ulat na dala niya ang nag-udyok kay Pablo upang isulat ang kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica (1Te 3:6; Gaw 18:5). Di-nagtagal, ipinadala niya ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Tesalonica.

Noong panahon ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero, si Pablo ay nagplanong bumalik sa Macedonia. (1Co 16:5-8; 2Co 1:15, 16) Bagaman nanatili pa si Pablo nang kaunting panahon sa Efeso, pinauna niya sina Timoteo at Erasto sa Macedonia. (Gaw 19:21, 22) Pagkatapos nito, nagsulsol ng kaguluhan laban kay Pablo si Demetrio, isang panday-pilak na taga-Efeso. Nagkagulo sa lunsod, at habang dumaragsa sa dulaan ang mga taga-Efeso, sinunggaban nila at isinama “sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na mga kasamahan ni Pablo sa paglalakbay.” (Gaw 19:23-29) Nang humupa ang kaguluhan, yumaon si Pablo patungong Macedonia. (Gaw 20:1) Lumilitaw na tumigil siya sa Troas. Doon ay ikinalungkot niya na hindi niya nakita si Tito, na isinugo naman sa Corinto, sa Acaya, upang tumulong sa paglikom ng salapi para sa mga banal sa Judea. (2Co 2:12, 13) Nang magkagayon ay pumaroon si Pablo sa Macedonia, kung saan siya sinundan ni Tito at binalitaan tungkol sa naging pagtugon ng mga taga-Corinto sa unang liham ng apostol. (2Co 7:5-7) Pagkatapos nito, isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto at nang maglaon ay pumaroon siya sa timog patungong Gresya. Binalak niyang maglayag mula sa Gresya patungong Sirya, ngunit dahil sa isang pakana ng mga Judio laban sa kaniya, binago niya ang kaniyang plano at sa halip ay bumalik na lamang sa Macedonia. (Gaw 20:2, 3) Kabilang sa mga kasamahan niya sa paglalakbay ang tatlong taga-Macedonia, sina Sopatro, Aristarco, at Segundo.​—Gaw 20:4.

Bagaman sila mismo ay mga dukha, napakabukas-palad ng mga Kristiyanong taga-Macedonia. Nag-abuloy sila nang higit kaysa sa kanilang talagang kakayahan para sa nagdarahop na mga kapatid sa Judea. (2Co 8:1-7; ihambing ang Ro 15:26, 27; 2Co 9:1-7.) Partikular na namumukod-tangi ang mga taga-Filipos sa pagsuporta sa ministeryo ni Pablo. (2Co 11:8, 9; Fil 4:15-17) Kahit noong ang apostol na ito ay nakabilanggo sa Roma sa unang pagkakataon, isinugo ng kongregasyon sa Filipos si Epafrodito upang maglingkod para sa mga pangangailangan ni Pablo. (Fil 2:25-30; 4:18) At ang mga taga-Tesalonica ay nagpamalas ng malaking pananampalataya at pagbabata at sa gayon ay naging halimbawa sa “lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at sa Acaya.”​—1Te 1:1-8; 4:9, 10.

Pagkatapos na mapalaya siya mula sa pagkabilanggo sa Roma, waring muling dumalaw si Pablo sa Macedonia at mula roon ay isinulat niya ang liham na kilala bilang Unang Timoteo. (1Ti 1:3) Ang liham kay Tito ay maaaring isinulat din mula sa Macedonia.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share