Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagbabayad-sala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Mga Haing Pambayad-Sala. Gaya ng iniutos ng Diyos, ang mga Israelita ay naghain ng mga handog ukol sa kasalanan upang magbayad-sala. (Exo 29:36; Lev 4:20) May partikular na kahulugan ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, kung kailan ang mataas na saserdote ng Israel ay naghahandog ng mga haing hayop at nagbabayad-sala para sa kaniyang sarili, para sa ibang mga Levita, at para sa di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. (Lev 16) Ang mga hayop na inihahain ay dapat na walang dungis, na nagpapahiwatig na kailangang sakdal ang kanilang inilalarawan. Gayundin, malaking halaga ang nasasangkot sa pagbabayad-sala sapagkat buhay mismo ng inihahandog ang ibinibigay, anupat ibinubuhos ang dugo nito upang magbayad-sala. (Lev 17:11) Ang mga handog ukol sa kasalanan na inihandog ng mga Israelita at ang iba’t ibang bahagi ng taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ay tiyak na nagkintal sa kanilang isip ng kalubhaan ng kanilang pagiging makasalanan at ng malaking pangangailangan nila na lubusang maipagbayad-sala. Gayunman, ang mga haing hayop ay hindi lubusang makapagbabayad-sala para sa kasalanan ng tao dahil ang mga hayop ay nakabababa sa tao, na binigyan ng kapamahalaan sa mga hayop.​—Gen 1:28; Aw 8:4-8; Heb 10:1-4; tingnan ang HANDOG, MGA; PAGBABAYAD-SALA, ARAW NG.

  • Pagbabayad-sala, Araw ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sa araw na ito, ang mataas na saserdote ng Israel ay naghahandog ng mga haing pantakip sa kasalanan para sa kaniya, sa iba pang mga Levita, at sa bayan. Panahon din ito upang linisin ang tabernakulo, o ang mga templo nang maglaon, mula sa nagpaparuming epekto ng kasalanan.

  • Pagbabayad-sala, Araw ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Mga Kaganapan sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, si Aaron ay pumapasok sa dakong banal taglay ang isang guyang toro bilang handog ukol sa kasalanan at isang barakong tupa bilang handog na sinusunog. (Lev 16:3) Sa araw na iyon ay inaalis niya ang kaniyang karaniwang kagayakang pansaserdote, naliligo siya sa tubig, at nagbibihis siya ng banal na mga kasuutang lino. (Lev 16:4) Pagkatapos, pagpapalabunutan ng mataas sa saserdote ang dalawang kambing (mga batang kambing na lalaki), na kinuha sa kapulungan ng mga anak ni Israel at parehung-pareho sa pagiging malusog at walang kapintasan. (Lev 16:5, 7) Pagpapalabunutan niya ang mga iyon upang malaman kung alin sa dalawa ang ihahain kay Jehova bilang handog ukol sa kasalanan at kung alin ang pakakawalan sa ilang bilang ang ‘kambing para kay Azazel’ na magdadala ng kanilang mga kasalanan. (Lev 16:8, 9; ihambing ang 14:1-7; tingnan ang AZAZEL.) Pagkatapos ay ihahain niya ang guyang toro bilang handog ukol sa kasalanan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan, na doo’y kasama ang buong tribo ni Levi, na kinabibilangan naman ng kaniyang pamilya. (Lev 16:6, 11) Kasunod nito, kukuha siya ng mabangong insenso at kukunin niya ang lalagyan ng apoy na punô ng nagniningas na baga mula sa altar at papasok siya sa loob ng kurtina sa Kabanal-banalan. Ang insenso ay sinusunog sa kaloob-loobang silid na ito, na kinaroroonan ng kaban ng patotoo, anupat ang usok ng nasusunog na insenso ay kumakalat sa ibabaw ng ginintuang takip ng Kaban na may dalawang kerubin na yari sa ginto. (Lev 16:12, 13; Exo 25:17-22) Kailangang isagawa ang bagay na ito upang si Aaron ay muling makapasok nang ligtas sa Kabanal-banalan.

      Pagkalabas mula sa Kabanal-banalan, si Aaron ay kukuha ng dugo ng toro, papasok sa silid na ito dala ang dugo, at pitong ulit niyang iwiwisik iyon sa pamamagitan ng kaniyang daliri sa harap ng takip ng Kaban sa dakong S. Sa gayon ay natatapos ang pagbabayad-sala para sa mga saserdote, anupat nagiging malinis sila at maaari nang mamagitan kay Jehova at sa kaniyang bayan.​—Lev 16:14.

      Ang kambing na kinahulugan ng palabunot “para kay Jehova” ay inihahain bilang handog ukol sa kasalanan para sa bayan. (Lev 16:8-10) Pagkatapos ay dadalhin ng mataas na saserdote ang dugo ng kambing na para kay Jehova sa loob ng Kabanal-banalan, at doon ay gagamitin niya ito upang magbayad-sala para sa 12 di-makasaserdoteng tribo ng Israel. Gaya ng ginawa sa dugo ng toro, ang dugo ng kambing ay iwiwisik “sa takip at sa harap ng takip” ng Kaban.​—Lev 16:15.

      Sa gayunding paraan nagbabayad-sala si Aaron para sa dakong banal at sa tolda ng kapisanan. Pagkatapos, kukuha siya ng dugo ng toro at ng ‘kambing para kay Jehova’ upang magbayad-sala para sa altar ng handog na sinusunog, anupat nilalagyan niya ng dugo ang mga sungay ng altar. “Iwiwisik din niya ang dugo sa ibabaw niyaon sa pamamagitan ng kaniyang daliri nang pitong ulit at lilinisin iyon at pababanalin iyon mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel.”​—Lev 16:16-20.

      Pagkatapos, ibabaling naman ng mataas na saserdote ang kaniyang pansin sa kambing na para kay Azazel. Ipapatong niya ang kaniyang mga kamay sa ulo nito, ipagtatapat niya sa ibabaw nito ang “lahat ng kamalian ng mga anak ni Israel at lahat ng kanilang pagsalansang sa lahat ng kanilang mga kasalanan,” ilalagay niya ang mga iyon sa ulo nito, at pakakawalan niya ito “sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong nakahanda.” Sa gayon ay dadalhin ng kambing ang mga kamalian ng mga Israelita patungo sa ilang, kung saan ito maglalaho. (Lev 16:20-22) Pagkatapos nito, lalabhan ng taong nagpakawala sa kambing ang kaniyang mga kasuutan at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig bago siya pumasok sa kampo.​—Lev 16:26.

      Si Aaron naman ngayon ay papasok sa tolda ng kapisanan, maghuhubad ng mga kasuutang lino, maliligo, at magbibihis ng kaniyang karaniwang kasuutan. Kasunod nito, ihaharap niya ang kaniyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan (ang mga barakong tupa na binanggit sa Lev 16:3, 5) at magbabayad-sala siya, at pauusukin niya ang taba ng handog ukol sa kasalanan sa ibabaw ng altar. (Lev 16:23-25) Itinakda ng Diyos na Jehova na para lamang sa kaniya ang taba ng hain, at pinagbawalan niya ang mga Israelita na kainin iyon. (Lev 3:16, 17; 4:31) Ang natira sa mga bangkay ng toro at ng kambing na handog ukol sa kasalanan ay aalisin sa looban ng tabernakulo at dadalhin sa isang lugar sa labas ng kampo, kung saan susunugin ang mga iyon. Ang nagsunog ng mga iyon ay maglalaba ng kaniyang mga kasuutan at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig, pagkatapos ay makapapasok na siya sa kampo. (Lev 16:27, 28) Ang iba pang mga hain sa araw na iyon ay binabanggit sa Bilang 29:7-11.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share