Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Bahay ng Kagubatan ng Lebanon”
  • Bahay ng Kagubatan ng Lebanon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bahay ng Kagubatan ng Lebanon
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Haligi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Templo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Matututuhan Natin sa Dalawang Haligi
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2022
  • Sagradong Haligi
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Bahay ng Kagubatan ng Lebanon”

BAHAY NG KAGUBATAN NG LEBANON

Isang bahagi ng kalipunan ng mga gusali ng pamahalaan na itinayo ni Haring Solomon noong kaniyang 13-taóng programa ng pagtatayo matapos niyang gawin ang templo sa Jerusalem (1027-1014 B.C.E.). Maliwanag na ang gusaling ito ay ginamit bilang imbakan at para sa pagdidispley ng mahahalagang sandata at mga kagamitan. Ang istrakturang ito, na nasa T ng templo, ay maaaring pinangalanan nang ganito dahil ginamitan ito ng sedro mula sa Lebanon o kaya ay dahil marami itong malalaking haliging sedro na magpapaalaala ng mga kagubatan doon.

Ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon ay may haba na 100 siko (44 na m; 146 na piye), may lapad na 50 siko (22 m; 73 piye), at may taas na 30 siko (13 m; 44 na piye). Lumilitaw na yari sa bato ang mga dingding nito (1Ha 7:9), anupat may mga bigang sedro na ang mga dulo ay nakabaon sa mga dingding at sinusuportahan din ng apat na hanay ng mga haligi (“apat” sa tekstong Hebreo; “tatlo” sa Griegong Septuagint). Sa ibabaw ng mga haligi, maliwanag na may mga silid na nilagyan ng entrepanyong sedro. Ang ilang iminungkahing modelo ng bahay na ito ay may tatlong baytang ng mga silid sa ibabaw ng mga haligi at nakaharap ang mga ito sa isang looban na walang bubong na nasa gitna naman ng gusali. Ang mga silid ay sinasabing may “isang bukasan para sa liwanag na katapat ng isang bukasan para sa liwanag sa tatlong baytang.” Waring nangangahulugan ito na, kung tatanawin ng isa ang looban, may mga bukasan o malalaking bintana na katapat ng mga bintana ng mga silid na nasa kabilang panig ng looban. O kaya, posibleng nangangahulugan ito na sa bawat silid ay may isang bintana na nakaharap sa looban at isang bintana naman na nakaharap sa labas. Ang mga pasukan (malamang ang mga pintuang patungo sa mga silid at marahil nasa pagitan ng mga ito) ay “eskuwalado sa hamba.” Samakatuwid, ang mga ito ay hindi hugis-arko o hugis-balantok. Ganito rin ang hugis ng mga bintana.​—1Ha 7:2-5.

May suliraning bumabangon tungkol sa bilang ng mga hanay ng mga haligi, gaya ng nabanggit na. Sinasabi ng tekstong Hebreo na may apat na hanay at pagkatapos ay may binabanggit itong 45 haligi, pagkatapos ay sinasabi pa nito: “May labinlima sa isang hanay.” (1Ha 7:2, 3) Ipinapalagay ng ilan na ang teksto rito ay kumakapit sa mga silid na nasa tatlong baytang, 15 silid sa isang hanay, at na maaaring mas marami pa ang mga haligi na inilagay sa apat na hanay. Mas gusto naman ng iba ang “tatlong” hanay ng mga haligi na mababasa sa Septuagint. Binago ng ilang salin ang mababasa sa teksto upang ang ‘apatnapu’t lima’ ay tumukoy sa mga biga sa halip na sa mga haliging patayo.​—Tingnan ang NE, NAB, AT, AS.

Nang matapos ni Solomon ang bahay, naglagay siya roon ng 200 malalaking kalasag na yari sa haluang ginto, bawat isa ay kinalupkupan ng 600 siklo na ginto (nagkakahalaga ng mga $77,000), at 300 pansalag na yari sa haluang ginto, bawat isa ay binalutan ng tatlong gintong mina (nagkakahalaga ng mga $19,300). Mahigit sa 21 milyong dolyar ang halaga ng ginto na nasa mga kalasag at mga pansalag. Bukod dito, di-binanggit ang bilang ng mga sisidlang ginto na ginamit sa bahay. (1Ha 10:16, 17, 21; 2Cr 9:15, 16, 20) Ang mga gintong kalasag na ito ay tinangay ni Sisak na hari ng Ehipto noong panahon ng paghahari ng anak ni Solomon na si Rehoboam. Hinalinhan ni Rehoboam ang mga ito ng mga kalasag na yari sa tanso, na ipinagkatiwala naman niya sa pangangasiwa ng mga pinuno ng mga mananakbo, na mga bantay sa pasukan ng bahay ng hari.​—1Ha 14:25-28; 2Cr 12:9-11.

Sa Isaias 22:8, ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon ay tinatawag ding “taguan ng mga armas ng bahay ng kagubatan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share