-
KalendaryoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Kalendaryong Hebreo. Ang mga Israelita ay gumamit ng kalendaryong lunisolar, o bound solar. Makikita ito sa bagay na pinasimulan ng Diyos na Jehova ang kanilang sagradong taon sa buwan ng Abib sa tagsibol at iniutos niyang ipagdiwang sa espesipikong mga petsa ang ilang kapistahan na nauugnay sa mga kapanahunan ng pag-aani. Upang ang mga petsang ito ay tumapat sa partikular na mga pag-aani, kinailangan ang isang kalendaryo na tutugma sa mga kapanahunan, anupat pinupunan ang pagkakaiba ng bilang ng mga araw ng taóng lunar at ng taóng solar.—Exo 12:1-14; 23:15, 16; Lev 23:4-16.
Hindi tinutukoy ng Bibliya kung anong pamamaraan ang orihinal na ginamit upang tiyakin kung kailan magsisingit ng karagdagang mga araw o ng isang karagdagan, o intercalary, na buwan. Gayunman, makatuwirang isipin na nagsilbing giya ang alinman sa vernal equinox o autumnal equinox upang matiyak kung nahuhulí ang mga kapanahunan anupat kailangan nang ayusin ang kalendaryo. Upang maisagawa ito, nagdagdag ang mga Israelita ng isang ika-13 buwan, na bagaman hindi espesipikong binanggit sa Bibliya ay tinawag, noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, na Veadar, o ang ikalawang Adar.
Noong ikaapat na siglo lamang ng ating Karaniwang Panahon (mga 359 C.E.) nagkaroon ng rekord ng isang pamantayang kalendaryong Judio nang itakda ni Hillel II na ang ika-3, ika-6, ika-8, ika-11, ika-14, ika-17, at ika-19 na mga taon ng bawat 19 na taon ang magiging mga leap year na may tig-13 buwan. Ang siklong ito ng 19 na taon ay karaniwang tinatawag na Metonic cycle, na isinunod sa pangalan ng Griegong matematiko na si Meton (nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E.), bagaman mayroon ding katibayan na nakalkula na ng mga Babilonyong nauna sa kaniya ang siklong ito. (Tingnan ang Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, nina R. A. Parker at W. H. Dubberstein, 1971, p. 1, 3, 6.) Sa siklong ito, ang mga bagong buwan [new moon] at mga kabilugan ng buwan ay pumapatak sa gayunding mga araw ng taóng solar tuwing ika-19 na taon.
Ang saklaw ng mga buwang Judio ay mula sa bagong buwan [new moon] hanggang sa sumunod na bagong buwan [new moon]. (Isa 66:23) Kaya naman, isang salitang Hebreo, choʹdhesh, na isinasalin bilang “buwan” (month; Gen 7:11) o “bagong buwan” (new moon; 1Sa 20:27), ang nauugnay sa cha·dhashʹ na nangangahulugang “bago.” Ang isa pang salita para sa buwan [month], yeʹrach, ay isinasaling “buwang lunar.” (1Ha 6:38) Nang maglaon, upang ipaalam sa taong-bayan ang pagpapasimula ng isang bagong buwan [new month], ginamit ang mga hudyat na apoy o kaya’y may mga mensaherong isinusugo.
Sa Bibliya, kadalasa’y tinutukoy ang indibiduwal na mga buwan depende sa kung pang-ilang buwan ito ng taon, mula sa ika-1 hanggang sa ika-12. (Jos 4:19; Bil 9:11; 2Cr 15:10; Jer 52:6; Bil 33:38; Eze 8:1; Lev 16:29; 1Ha 12:32; Ezr 10:9; 2Ha 25:1; Deu 1:3; Jer 52:31) Bago ang pagkatapon sa Babilonya, apat na pangalan lamang ng mga buwan ang binanggit, samakatuwid nga, Abib, ang unang buwan (Exo 13:4); Ziv, ang ikalawa (1Ha 6:37); Etanim, ang ikapito (1Ha 8:2); at Bul, ang ikawalo (1Ha 6:38). Ang mga kahulugan ng mga pangalang ito ay may kaugnayan sa mga kapanahunan, anupat karagdagang ebidensiya ng paggamit sa taóng lunisolar.—Tingnan ang indibiduwal na mga buwan ayon sa pangalan.
Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, mga pangalan ng mga buwan sa Babilonya ang ginamit ng mga Israelita, at pito sa mga ito ang binanggit: Nisan, ang ika-1 buwan, kapalit ng Abib (Es 3:7); Sivan, ang ika-3 buwan (Es 8:9); Elul, ang ika-6 (Ne 6:15); Kislev, ang ika-9 (Zac 7:1); Tebet, ang ika-10 (Es 2:16); Sebat, ang ika-11 (Zac 1:7); at Adar, ang ika-12 (Ezr 6:15).
Lumilitaw naman sa Judiong Talmud at sa iba pang mga akda ang mga pangalan ng nalalabing limang buwan. Ang mga iyon ay ang Iyyar, ang ika-2 buwan; Tamuz, ang ika-4; Ab, ang ika-5; Tisri, ang ika-7; at Heshvan, ang ika-8. Ang ika-13 buwan, na isinisingit sa pana-panahon, ay pinanganlang Veadar, o ang ikalawang Adar.
Nang bandang huli, tinakdaan na ng espesipikong bilang ng mga araw ang karamihan sa mga buwan. Ang Nisan (Abib), Sivan, Ab, Tisri (Etanim), at Sebat ay laging may tig-30 araw; ang Iyyar (Ziv), Tamuz, Elul, at Tebet naman ay laging may tig-29 na araw. Gayunman, ang Heshvan (Bul), Kislev, at Adar, ay maaaring magkaroon ng tig-29 o tig-30 araw. Ang di-permanenteng bilang ng mga araw ng mga buwang ito ay nakatulong upang makagawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kalendaryong lunar at upang huwag pumatak ang ilang kapistahan sa mga araw na ipinagbawal ng mga Judiong lider ng relihiyon nang maglaon.
Ayon sa batas ng Diyos noong panahon ng Pag-alis (Exo 12:2; 13:4), ang sagradong taon ay magpapasimula sa tagsibol sa buwan ng Abib (o Nisan). Gayunman, ipinakikita ng rekord ng Bibliya na bago nito, binibilang ng mga Israelita ang isang taon mula sa taglagas hanggang sa sumunod na taglagas. Kinilala naman ng Diyos ang kaayusang ito anupat gumamit ang kaniyang bayan ng maituturing na tambalang sistema ng kalendaryo, isang sagrado at isang sekular, o agrikultural. (Exo 23:16; 34:22; Lev 23:34; Deu 16:13) Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, ang Tisri 1, sa huling kalahatian ng taon, ang naging simula ng sekular na taon, at ang Bagong Taon ng mga Judio, o Rosh Hashanah (ulo ng taon), ay ipinagdiriwang pa rin sa petsang iyon.
Noong 1908, natagpuan sa Gezer ang ipinapalagay na nag-iisang halimbawa ng sinaunang nasusulat na kalendaryong Hebreo, at pinaniniwalaang ito’y mula pa noong ikasampung siglo B.C.E. Isa itong kalendaryong agrikultural at inilalarawan nito ang gayong mga gawain pasimula sa taglagas. Sa maikli, inilalarawan nito ang tigdadalawang buwan ng pag-iimbak, paghahasik, at pagtubo ng mga pananim sa tagsibol, na sinusundan ng tig-iisang buwan ng pagbubunot ng halamang lino, pag-aani ng sebada, at isang pangkalahatang pag-aani, pagkatapos ay dalawang buwan ng pagpungos sa mga punong-ubas, at bilang panghuli, isang buwan ng mga bungang pantag-araw.—Lev 26:5.
Ipinakikita ng tsart na kalakip ng artikulong ito ang mga buwan at ang kaugnayan ng mga ito kapuwa sa sagrado at sa sekular na mga kalendaryo at gayundin ang tinatayang katumbas na mga buwan sa ating kasalukuyang kalendaryo.
Sa mga ulat ng Ebanghelyo at sa aklat ng Mga Gawa, ang malimit na pagbanggit sa iba’t ibang kapanahunan ng kapistahan ay nagpapakita na sinusunod pa rin ng mga Judio noong panahon ni Jesus at ng mga apostol ang kalendaryong Judio. Ang mga kapanahunang iyon ng kapistahan ay nagsilbing giya upang matukoy kung kailan naganap ang mga pangyayari sa Bibliya noong mga araw na iyon.—Mat 26:2; Mar 14:1; Luc 22:1; Ju 2:13, 23; 5:1; 6:4; 7:2, 37; 10:22; 11:55; Gaw 2:1; 12:3, 4; 20:6, 16; 27:9.
-