-
JehovaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ikinubli ng pamahiin ang pangalan. Noong panahong iyon, nagkaroon ng pamahiin ang mga Judio na hindi man lamang dapat bigkasin ang banal na pangalan (kinakatawanan ng Tetragrammaton). Hindi matiyak kung ano ang orihinal na dahilan kung bakit inihinto ang paggamit sa pangalan. Naniniwala ang ilan na ang pangalan ay itinuring na napakasagrado upang bigkasin ng di-sakdal na mga labi. Gayunman, walang katibayan sa Hebreong Kasulatan na ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay nag-atubiling bigkasin ang kaniyang pangalan. Ipinakikita ng di-Biblikal na mga dokumentong Hebreo, gaya ng tinatawag na Lachish Letters, na ang pangalan ay ginagamit sa karaniwang mga liham sa Palestina noong huling bahagi ng ikapitong siglo B.C.E.
Sinasabi naman ng iba na ang layunin nito ay upang ilihim ang pangalan sa mga taong di-Judio dahil baka gamitin nila ito sa maling paraan. Gayunman, si Jehova mismo ang nagsabi na ‘ipahahayag niya ang kaniyang pangalan sa buong lupa’ (Exo 9:16; ihambing ang 1Cr 16:23, 24; Aw 113:3; Mal 1:11, 14), anupat makikilala ito maging ng kaniyang mga kalaban. (Isa 64:2) Sa katunayan, ang pangalan ay kilala at ginagamit ng mga bansang pagano bago ang Karaniwang Panahon at noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon. (The Jewish Encyclopedia, 1976, Tomo XII, p. 119) Naniniwala naman ang iba na ang layunin nito ay protektahan ang pangalan upang hindi iyon gamitin sa mga ritwal ng mahika. Gayunman, ito’y mahinang pangangatuwiran, sapagkat maliwanag na miyentras nagiging mahiwaga ang pangalan dahil sa hindi paggamit niyaon, lalo namang nagiging kaakit-akit iyon sa mga nagsasagawa ng mahika.
Kailan nagsimula ang ganitong pamahiin? Kung paanong hindi matiyak ang orihinal na dahilan o mga dahilan kung bakit inihinto ang paggamit sa banal na pangalan, hindi rin matiyak kung kailan talaga nagsimula ang mapamahiing pangmalas na ito. Naniniwala ang ilan na nagsimula ito pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya (607-537 B.C.E.). Gayunman, ang teoriyang ito ay salig sa diumano’y pagkaunti ng paggamit sa pangalan ng Diyos ng mas huling mga manunulat ng Hebreong Kasulatan, isang pangmalas na mapatutunayang hindi makatuwiran. Halimbawa, maliwanag na ang Malakias ay isa sa huling mga aklat ng Hebreong Kasulatan na isinulat (noong huling kalahatian ng ikalimang siglo B.C.E.), ngunit napakaraming beses na ginamit dito ang banal na pangalan.
Sinasabi ng maraming reperensiyang akda na ang pangalan ay hindi na ginagamit noong mga 300 B.C.E. Ang katibayan diumano para sa petsang ito ay ang hindi paglitaw ng Tetragrammaton (o ng transliterasyon nito) sa Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan, na sinimulan noong mga 280 B.C.E. Totoo na ang pinakakumpletong mga kopyang manuskrito ng Septuagint na taglay natin ngayon ay lubusang sumunod sa kaugaliang halinhan ng mga salitang Griego na Kyʹri·os (Panginoon) o The·osʹ (Diyos) ang Tetragrammaton. Ngunit ang pangunahing mga manuskritong ito ay mula lamang noong ikaapat at ikalimang siglo C.E. May natuklasang mas sinaunang mga kopya, bagaman pira-piraso na lamang, na nagpapatunay na ang banal na pangalan ay lumilitaw sa pinakaunang mga kopya ng Septuagint.
Ang isa sa mga ito ay ang pira-pirasong labí ng isang balumbong papiro ng isang bahagi ng Deuteronomio, itinala bilang ang P. Fouad Inventory No. 266. (LARAWAN, Tomo 1, p. 326) Palaging ginagamit dito ang Tetragrammaton, na nakasulat sa kuwadradong mga titik Hebreo, sa bawat paglitaw nito sa tekstong Hebreo na isinalin. Ang papirong ito, ayon sa mga iskolar, ay mula noong unang siglo B.C.E., at sa gayon ay isinulat nang apat o limang siglo ang kaagahan kaysa sa unang nabanggit na mga manuskrito.—Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1562-1564.
Kailan itinigil ng mga Judio sa pangkalahatan ang pagbigkas sa personal na pangalan ng Diyos?
Samakatuwid, walang matibay na ebidensiya na naglaho na o hindi na ginagamit ang banal na pangalan noong yugtong B.C.E., kahit man lamang sa anyong nasusulat.
-
-
JehovaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Gayunman, sa kabila ng negatibong mga pangmalas na ito, masusumpungan din sa unang seksiyon ng Mishnah ang positibong utos na “dapat batiin ng isang tao ang kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng [paggamit ng] Pangalan [ng Diyos],” pagkatapos ay binanggit ang halimbawa ni Boaz (Ru 2:4).—Berakhot 9:5.
-