Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • “Yugto ng mga Hyksos.” Ipinapalagay ng maraming komentarista na ang pagpasok ni Jose sa Ehipto, gayundin ng kaniyang ama at pamilya, ay naganap sa tinatawag ng karamihan na Yugto ng mga Hyksos. Gayunman, gaya ng komento ni Merrill Unger (Archaeology and the Old Testament, 1964, p. 134): “Nakalulungkot na napakalabo [ng yugtong ito] may kaugnayan sa Ehipto, at talagang hindi gaanong nauunawaan ang pananakop ng mga Hyksos.”

      Ipinapalagay ng ilang iskolar na ang mga Hyksos ay umiral noong “Ikalabintatlo hanggang Ikalabimpitong Dinastiya” at namahala nang 200 taon; inaakala naman ng iba na namahala sila noong “Ikalabinlima at Ikalabing-anim na Dinastiya” sa loob ng isang siglo at kalahati o isang siglo lamang. Sinasabi ng ilan na ang pangalang Hyksos ay nangangahulugang “Mga Haring Pastol,” ngunit ayon naman sa iba ay “Mga Tagapamahala ng mga Bansang Banyaga.” Ang mga palagay tungkol sa kanilang lahi o nasyonalidad ay lalo nang nagkakaiba-iba, anupat may nagsasabi na sila’y mga Indo-Europeo mula sa Caucasus o sa Gitnang Asia, mga Hiteo, mga tagapamahalang Siryano-Palestino (mga Canaanita o mga Amorita), o mga tribong Arabe.

      Inilalarawan ng ilang arkeologo ang “pananakop ng mga Hyksos” sa Ehipto bilang ang pagdagsa ng mga pulutong na taga-hilaga sa Palestina at Ehipto sakay ng mabibilis na karo, samantalang tinutukoy naman ito ng iba bilang ang di-namamalayang pananakop ng mga taong nandarayuhan o pagala-gala na nanupil sa bansa nang unti-unti o nagpuno sa umiiral na pamahalaan sa pamamagitan ng isang mabilis na kudeta. Sa aklat na The World of the Past (Bahagi V, 1963, p. 444), ang arkeologong si Jacquetta Hawkes ay nagsabi: “Hindi na ipinapalagay na ang mga tagapamahalang Hyksos . . . ay kumakatawan sa pagsalakay ng isang nanlulupig na pulutong ng mga taga-Asia. Ang pangalang ito ay waring nangangahulugang Mga Tagapamahala ng Matataas na Lupain, at sila ay pagala-galang mga pangkat ng mga Semita na matagal nang pumaroon sa Ehipto para sa pakikipagkalakalan at iba pang mapayapang layunin.” Bagaman maaaring ito ang kasalukuyang pangmalas ng karamihan, hindi pa rin maipaliwanag kung paano masasakop ng gayong “pagala-galang mga pangkat” ang lupain ng Ehipto, lalo na yamang itinuturing na ang bansa ay naging napakamakapangyarihan noong “Ikalabindalawang Dinastiya,” bago ang Yugto ng mga Hyksos.

      Gaya ng sinabi ng The Encyclopedia Americana (1956, Tomo 14, p. 595): “Ang tanging detalyadong ulat tungkol sa kanila [mga Hyksos] ng sinumang sinaunang manunulat ay ang isang di-mapananaligang bahagi ng isang nawalang akda ni Manetho, na sinipi ni Josephus sa kaniyang tugon kay Apion.” Ang mga pananalita na ipinatungkol ni Josephus kay Manetho ang pinagmulan ng pangalang Hyksos. Kapansin-pansin na binanggit ni Josephus, na nag-angking sumipi kay Manetho nang salita-por-salita, na tuwirang iniuugnay ng ulat ni Manetho ang mga Hyksos sa mga Israelita. Waring tinatanggap ni Josephus ang pag-uugnay na ito ngunit tutol na tutol siya sa maraming detalye ng ulat. Waring mas gusto niya na isalin ang Hyksos bilang “mga pastol na bihag” sa halip na “mga pastol na hari.” Ayon kay Josephus, sinasabi ni Manetho na nilupig ng mga Hyksos ang Ehipto nang walang pagbabaka, anupat winasak ang mga lunsod at “ang mga templo ng mga diyos,” pumatay ng marami at gumawa ng malaking kaguluhan. Binabanggit na namayan sila sa rehiyon ng Delta. Nang dakong huli, sinasabing ang mga Ehipsiyo ay naghimagsik, nakipaglaban sila sa isang matagal at kahila-hilakbot na digmaan sa pamamagitan ng 480,000 lalaki, kinubkob nila ang mga Hyksos sa pangunahing lunsod ng mga ito, ang Avaris, at pagkatapos ay kataka-takang nakipagkasundo sila na pahintulutan ang mga ito na umalis sa bansa nang mapayapa kasama ang mga pamilya at mga pag-aari ng mga ito, at sa gayon ay pumaroon ang mga ito sa Judea at itinayo ang Jerusalem.​—Against Apion, I, 73-105 (14-16); 223-232 (25, 26).

      Sa mga akdang kapanahon nito, ang mga pangalan ng mga tagapamahalang ito ay kasunod ng mga titulong gaya ng “Mabuting Diyos,” “Anak ni Reʽ,” o Hik-khoswet, “Tagapamahala ng mga Lupaing Banyaga.” Ang terminong “Hyksos” ay maliwanag na hinalaw sa huling nabanggit na titulo. Sa mga dokumentong Ehipsiyo na isinulat mismong pagkatapos ng kanilang pamamahala, tinatawag silang mga taga-Asia. May kaugnayan sa yugtong ito sa kasaysayan ng Ehipto, si C. E. DeVries ay nagsabi: “Sa pagtatangkang itugma ang sekular na kasaysayan sa biblikal na datos, sinisikap ng ilang iskolar na pag-ugnayin ang pagpapalayas sa mga Hyksos mula sa Ehipto at ang Pag-alis ng mga Israelita, ngunit hindi posible ang pag-uugnay na ito batay sa kronolohiya, at dahil sa iba pa ring mga salik ay mabuway ang palagay na ito. . . . Hindi matiyak ang pinagmulan ng mga Hyksos; sila ay nanggaling sa isang lugar sa Asia at ang karamihan sa kanila ay may pangalang Semitiko.”​—The International Standard Bible Encyclopedia, inedit ni G. Bromiley, 1982, Tomo 2, p. 787.

      Yamang ang pagbibigay kay Jose ng mataas na katungkulan at ang mga pakinabang na idinulot nito sa Israel ay dahil sa tulong ng Diyos, hindi na kailangang iugnay pa ito sa palakaibigang “Mga Haring Pastol.” (Gen 45:7-9) Ngunit posible na ang ulat ni Manetho, na sa katunayan ay siyang pinagmulan ng ideya tungkol sa “Hyksos,” ay isa lamang pinilipit na kuwento na nabuo dahil sa unang mga pagsisikap ng mga Ehipsiyo na ipaliwanag kung ano ang nangyari sa kanilang lupain noong panahong makipamayan ang mga Israelita sa Ehipto. Ang napakalaking epekto sa bansa ng pagluklok ni Jose sa posisyon bilang pansamantalang tagapamahala (Gen 41:39-46; 45:26); ang malaking pagbabago na idinulot ng kaniyang pangangasiwa, anupat ipinagbili ng mga Ehipsiyo ang kanilang lupain at maging ang kanilang sarili kay Paraon (Gen 47:13-20); ang 20-porsiyentong buwis na ibinayad nila mula sa kanilang ani nang maglaon (Gen 47:21-26); ang 215 taon ng paninirahan ng mga Israelita sa Gosen, anupat ayon nga kay Paraon ay nahigitan ng mga ito ang bilang at lakas ng populasyong Ehipsiyo (Exo 1:7-10, 12, 20); ang Sampung Salot at ang pinsalang idinulot ng mga ito hindi lamang sa ekonomiya ng Ehipto kundi lalo na sa mga relihiyosong paniniwala nila at sa reputasyon ng kanilang mga saserdote (Exo 10:7; 11:1-3; 12:12, 13); ang Pag-alis ng Israel pagkamatay ng lahat ng panganay ng Ehipto at ang pagkapuksa ng pinakamagagaling na kawal sa hukbong militar ng Ehipto sa Dagat na Pula (Exo 12:2-38; 14:1-28)​—ang lahat ng ito ay tiyak na kailangang ipaliwanag ng mga opisyal na Ehipsiyo.

      Dapat tandaan na ang pagtatala ng kasaysayan sa Ehipto, gaya ng sa maraming lupain sa Gitnang Silangan, ay laging pinangangasiwaan ng mga saserdote, na siyang nagsasanay sa mga eskriba. Kataka-taka naman kung hindi sila mag-iimbento ng paliwanag kung bakit nabigo ang mga diyos ng Ehipto na hadlangan ang kapahamakang pinasapit ng Diyos na Jehova sa Ehipto at sa taong-bayan nito. Maraming ulat sa kasaysayan, maging sa makabagong kasaysayan, ang naglalahad ng mga pangyayaring labis na pinilipit anupat ang mga siniil ang pinalitaw na mga maniniil, at ang mga inosenteng biktima ang pinalitaw na mapanganib at malupit na mga mang-uusig. Ang ulat ni Manetho (mahigit na isang libong taon pagkatapos ng Pag-alis), kung nailahad ni Josephus nang may kawastuan, ay posibleng ang pilipit na mga kuwentong ipinasa-pasa ng sumunod na mga salinlahi ng mga Ehipsiyo upang ipaliwanag ang pangunahing mga elemento ng tunay na ulat, na mababasa sa Bibliya, may kinalaman sa Israel noong sila’y nasa Ehipto.​—Tingnan ang PAG-ALIS (Autentisidad ng Ulat ng Pag-alis).

      Ang pagkaalipin ng Israel. Yamang hindi binabanggit sa Bibliya ang pangalan ng Paraon na nagpasimula ng paniniil sa mga Israelita (Exo 1:8-22) ni ng Paraon na nilapitan nina Moises at Aaron na siyang naghahari noong panahon ng Pag-alis (Exo 2:23; 5:1), at yamang ang rekord ng mga pangyayaring ito ay maaaring sinira o sinadyang alisin sa mga rekord ng Ehipto, hindi posibleng iugnay ang mga pangyayaring ito sa alinmang espesipikong dinastiya ni sa paghahari ng sinumang partikular na Paraon sa sekular na kasaysayan. Sinasabi ng marami na si Ramses (Rameses) II (ng “Ikalabinsiyam na Dinastiya”) ang Paraon noong panahon ng paniniil sa Israel dahil binanggit na itinayo ng mga trabahador na Israelita ang mga lunsod ng Pitom at Raamses. (Exo 1:11) Pinaniniwalaang itinayo ang mga lunsod na ito noong panahon ng paghahari ni Ramses II. Sa Archaeology and the Old Testament (p. 149), si Merrill Unger ay nagkomento: “Ngunit sa liwanag ng kilalang ugali ni Raamses II na kunin ang kapurihan para sa mga naisagawa ng mga hinalinhan niya, tiyak na ang mga lugar na ito ay kaniya lamang itinayong muli o pinalaki.” Sa katunayan, ang pangalang “Rameses” ay waring tumutukoy na sa isang buong distrito noong panahon ni Jose.​—Gen 47:11.

      Dahil sa pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Moises, ang bansang Israel ay napalaya mula sa “bahay ng mga alipin” at “hurnong bakal,” na siyang patuloy na itinawag sa Ehipto ng mga manunulat ng Bibliya. (Exo 13:3; Deu 4:20; Jer 11:4; Mik 6:4)

  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang pakikipamayan ng Israel sa Ehipto ay hindi malilimutan ng mga Israelita, at ang makahimalang pagpapalaya sa kanila mula sa lupaing iyon ay palaging ipinaaalaala sa kanila bilang namumukod-tanging patotoo ng pagka-Diyos ni Jehova. (Exo 19:4; Lev 22:32, 33; Deu 4:32-36; 2Ha 17:36; Heb 11:23-29) Kaya naman may pananalitang, “Ako ay si Jehova na iyong Diyos mula sa lupain ng Ehipto.” (Os 13:4; ihambing ang Lev 11:45.) Hindi ito nahigitan ng anumang kalagayan o pangyayari hanggang noong palayain sila mula sa Babilonya, na nagbigay sa kanila ng karagdagang patotoo ng kapangyarihan ni Jehova na magligtas. (Jer 16:14, 15) Ang kanilang karanasan sa Ehipto ay isinulat sa Kautusan na ibinigay sa kanila (Exo 20:2, 3; Deu 5:12-15); iyon ang naging saligan para sa kapistahan ng Paskuwa (Exo 12:1-27; Deu 16:1-3); nagsilbing paalaala iyon sa kanilang mga pakikitungo sa mga naninirahang dayuhan (Exo 22:21; Lev 19:33, 34) at sa mga taong dukha na ipinagbili ang kanilang sarili sa pagkaalipin (Lev 25:39-43, 55; Deu 15:12-15); naglaan iyon ng legal na saligan para sa pagpili at pagpapabanal sa tribo ni Levi para sa paglilingkod sa santuwaryo (Bil 3:11-13). Dahil sa paninirahan ng Israel sa Ehipto bilang dayuhan, ang mga Ehipsiyo na nakaaabot sa partikular na mga kahilingan ay maaaring tanggapin sa kongregasyon ng Israel. (Deu 23:7, 8) Ang mga kaharian ng Canaan at ang mga tao ng kalapit na mga lupain ay nasindak at natakot dahil sa mga ulat na narinig nila hinggil sa kapangyarihan ng Diyos na itinanghal laban sa Ehipto, anupat ito’y nagpadali sa pananakop ng Israel (Exo 18:1, 10, 11; Deu 7:17-20; Jos 2:10, 11; 9:9) at naaalaala maraming siglo pagkatapos nito. (1Sa 4:7, 8) Sa buong kasaysayan ng Israel, inaawit nila sa kanilang mga awit ang tungkol sa mga pangyayaring ito.​—Aw 78:43-51; Aw 105 106; 136:10-15.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share