-
KristiyanoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
“Sa Antioquia [Sirya] unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.” (Gaw 11:26) Kung gayon, posible na ang pangalang ito ay ginagamit na noon pa mang taóng 44 C.E. nang maganap ang mga pangyayaring binanggit sa konteksto, bagaman hindi iyan matitiyak kung balarila lamang ng pariralang ito ang pagbabatayan; ipinapalagay ng ilan na ito’y noong mas dakong huli pa. Anuman ang naging kalagayan, pagsapit ng mga 58 C.E., sa lunsod ng Cesarea, ang terminong ito ay kilalang-kilala na at ginamit pa nga maging ng mga pampublikong opisyal, sapagkat noong panahong iyon ay sinabi ni Haring Herodes Agripa II kay Pablo: “Sa maikling panahon ay mahihikayat mo akong maging Kristiyano.”—Gaw 26:28.
-
-
KristiyanoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa Antioquia ng Sirya unang nakilala bilang mga Kristiyano ang mga tagasunod ni Kristo. Malayong mangyari na ang mga Judio ang unang tumawag na “mga Kristiyano” (Griego) o “mga Mesiyanista” (Hebreo) sa mga tagasunod ni Jesus, sapagkat itinakwil nila si Jesus bilang ang Mesiyas, o Kristo. Kaya naman maliwanag na hindi nila siya kikilalanin bilang ang Pinahiran, o Kristo, sa pamamagitan ng pagtawag na “mga Kristiyano” sa kaniyang mga tagasunod. Ipinapalagay ng ilan na maaaring binansagan silang mga Kristiyano ng mga pagano bilang paghamak o panlilibak, subalit ipinakikita ng Bibliya na ito’y isang pangalang ibinigay ng Diyos; sila ay “tinawag na mga Kristiyano . . . sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.”—Gaw 11:26.
Sa tekstong ito, ang pandiwang Griego na khre·ma·tiʹzo ay karaniwan nang isinasalin lamang bilang “tinawag,” at ganito ang masusumpungan sa Gawa 11:26 sa karamihan ng mga salin. Gayunman, sinasabi ng ilang salin na may kinalaman ang Diyos sa pagpili sa pangalang “Kristiyano.” Kapansin-pansin sa bagay na ito ang Bagong Sanlibutang Salin, ang Young’s Literal Translation, at ang The Simple English Bible. Ang Young’s ay kababasahan ng ganito: “Ang mga alagad din ay unang tinawag ng Diyos sa Antioquia bilang mga Kristiyano.”
Ang salitang Griego na khre·ma·tiʹzo, gaya ng pagkakagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ay laging iniuugnay sa isang bagay na sobrenatural, tila-orakulo, o mula sa Diyos. Sa Griegong diksyunaryo ng Exhaustive Concordance of the Bible ni Strong (1890, p. 78), binibigyang-katuturan ito bilang “bumigkas ng orakulo . . . samakatuwid nga, ipahayag mula sa Diyos.” Ganito naman ang ibinigay na kahulugan ng Greek and English Lexicon ni Edward Robinson (1885, p. 786): “Sinalita may kaugnayan sa tugon ng Diyos, orakulo, kapahayagan, magbigay ng tugon, magsalita bilang isang orakulo, magbabala mula sa Diyos.” Ayon sa Greek-English Lexicon of the New Testament ni Thayer (1889, p. 671): “magbigay ng utos o payo ng Diyos, magturo ng mula sa langit . . . mautusan, mapayuhan, matagubilinan ng Diyos . . . maging tagapagsalita ng mga pagsisiwalat ng Diyos, palaganapin ang mga utos ng Diyos.” Ganito naman ang sinabi ni Thomas Scott sa kaniyang Explanatory Notes (1832, Tomo III, p. 419) hinggil sa tekstong ito: “Ipinahihiwatig ng salita na isinagawa ito sa pamamagitan ng pagsisiwalat mula sa Diyos: sapagkat karaniwan nang ganito ang kahulugan nito sa Bagong Tipan, at isinasalin ito bilang ‘binabalaan mula sa Diyos’ o ‘binabalaan ng Diyos,’ kahit na sa Griego ay walang salita para sa DIYOS.” May kinalaman sa Gawa 11:26, sinasabi naman ng Commentary ni Clarke: “Ang salita [na khre·ma·tiʹsai] sa aming karaniwang teksto, na isinasalin namin bilang tinawag, ay nangangahulugan sa Bagong Tipan ng magtalaga, magbabala, o humirang, sa utos ng Diyos. Sa ganitong diwa ginamit ang salita, Mat. ii. 12 . . . Samakatuwid, kung ang pangalan ay ibinigay sa pamamagitan ng pagtatalaga ng Diyos, malamang na sina Saul at Bernabe ang tinagubilinang magbigay nito; at na, samakatuwid, ang pangalang Kristiyano ay mula sa Diyos.”—Tingnan ang Mat 2:12, 22; Luc 2:26; Gaw 10:22; Ro 7:3, Int; Heb 8:5; 11:7; 12:25, kung saan lumilitaw ang pandiwang Griegong ito.
Tinutukoy ng Kasulatan si Jesu-Kristo bilang ang Kasintahang Lalaki, ang Ulo at Asawang Lalaki ng kaniyang mga pinahirang tagasunod. (2Co 11:2; Efe 5:23) Angkop naman, kung paanong ang isang asawang babae ay nagagalak na tanggapin ang pangalan ng kaniyang asawang lalaki, ang uring “kasintahang babae” na ito ni Kristo ay nalulugod ding tumanggap ng isang pangalan na nagpapakilala sa mga miyembro nito bilang pag-aari ni Kristo. Sa ganitong paraan, ang unang-siglong mga Kristiyanong ito ay madaling nakilala ng mga nagmamasid sa kanila, hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang gawain kundi sa pamamagitan din ng kanilang pangalan, bilang lubhang naiiba sa mga nagsasagawa ng Judaismo; sila noon ay isang lumalagong samahan kung saan walang Judio ni Griego man kundi ang lahat ay iisa sa ilalim ng kanilang Ulo at Lider, si Jesu-Kristo.—Gal 3:26-28; Col 3:11.
-